CHAPTER FOURTEEN

161 4 0
                                        

Kakaiba ang lamig na nadama ni Sandy nang magising siya. Malinaw sa pakiramdam niya ang pananakit ng kanyang likod. At hindi pa man niya tuluyang naimumulat ang kanyang mga mata ay pumikit uli iyon ng mariin.

Sumisigid ang kirot sa kanyang ulo, tila niririndi iyon sa ingay ng pinag-uugpong na mga metal.

Sinimulan niyang unti-unting idilat ang kanyang mga mata. Malabo ang paligid sa paningin niya, kumurap-kurap siya upang tuluyang masilayan ang kanyang paligid.

Muli ay binalot na naman siya ng matinding kaba. Gusto niyang isipin na panaginip lamang ang lahat ng iyon. Kinikilabutan siya habang iginagala ang kanyang paningin.

Isang malaking parisukat iyon. Yari sa kahoy ngunit ang isang bahagi ng dingding ay puro yero. Maruming-marumi ang paligid at puro agiw ang mataas na kisame. Sementado ang sahig ngunit malalaki na ang mga bitak. May steel cabinet sa isang sulok na halos puno na ng kalawang. Hindi kanais-nais ang amoy sa paligid. Nakulob at humalo pa ang amoy ng nabasang kalawang.

Ipinilig niya ang kanyang ulo, umaasa na hindi pa ganap na gising ang kanyang diw at nananaginip lang siya. Ngunit ang matigas na mesang kanyang hinihigaan ay sapat na para matiyak niyang totoo ang lahat.

“Bakit ba hindi na lang ako tumawag ng pulis? O kahit ng security?” sa isang gilid ng mesa ay nagmula ang mababang tinig na iyon.

“Jidee?” halos pabulong na wika niya.

Unti-unti ay lumilinaw sa kanya ang mga nakaraang pangyayari. At ang tila kahong pinaglalagyan nila ay hindi niya gustong isiping pangitain sa susunod na maaaring mangyari sa kanila.

Tumawa ito ng mahina.

“Alam mo pala ang pangalan ko,” matabang na sabi nito. “Hindi na ako muling magpapatangay sa sarili ko dahil lang sa ganda ng tulad mo. Kung hindi ko iniwan ang board meeting dahil sa kapirasong sulat mo, hindi ko sasapitin ito.”

Gusto sana niyang sabihin dito na pareho lamang sila ng sinapit, subalit tila naubos ng matapang na kemikal na ipinaamoy sa kanya ang kanyang lakas. Isang malaking effort na ang paglingong ginawa niya rito.

“Anoʼng nangyari?” mahinang tanong niya.

“I've been kidnapped!” tugon nito na tila ipinamumukha sa kanya ang obvious na nangyari. “Malas mong nakasama ka.” patuya pang dugtong nito.

Napalunok siya. Sa halip na kumibo ay pinili na lamang niyang manahimik. Ayaw man niyang tingnan ang paligid ay ganoon ang ginawa niya. Limitado ang kayang abutin ng kanyang paningin. At noon lamang niya napagtanto ang kinalalagyan nila.

Sa pinakadulo ay may silyang kinapapatungan ng mga de-lata at tinapay. Pilay pa ang silya at kinalsuhan lang ng piraso ng kahoy. May container ng tubig na inumin na marahil ay para sa kanila. Meron ding thermos. At kutsinilya.

“Kung nagugutom ka, kumain ka.” sabi ni Jidee nang mapansing doon nakapako ang paningin niya. “Para sa atin talaga 'yan. Hindi nila tayo gugutumin. Wala namang mag-iinteres na tutubos sa akin kung patay na ako.” Hindi maitatatwa ang sarkasmo sa tinig nito.

“Mabuti pa sa'yo, may tutubos. Sa akin, wala.” sabi niyang nag-iisip kung ano ang susunod na mangyayari sa kanila.

“Hindi ka tutubusin ni Yusuk?” tanong nitong tila nagtataka.

“Bakit niya ako tutubusin? Hindi niya naman ako kaanu-ano.”

“Ibig sabihin ay wala siyang pakialam sa'yo?”

“Meron pero kaunti lang. Paano kung presyuhan ako ng mga kidnappers nang milyon?”

“At hindi kayang maglabas ni Yusuk ng milyones niya?”

“Nanggaling ang pera ni Yusuk sa anak niyang nasa America. Pinaghirapan iyon ng anak niya, kahit ako ay hindi ko masisikmura na ipantubos iyon para sa akin.”

Inaasahan niyang masusundan pa ang tanungan at sagutan nila nito ngunit hindi na ito dinagdagan pa iyon. Hindi na rin siya kumibo.

Iniisip niyang kung aabutin sila ng gabi—at malamang na ganoon nga ang mangyari, tiyak na magsisimula nang mag-alala si Yusuk.

Bibihirang mangyari na hindi siya umuuwi sa bahay nito. At mangyari man iyon ay tumatawag siya para magpasabi.

Mayamaya ay kumilos ito.

“Gusto mong kumain?”

“Ikaw?”

Bahagya itong tumango.

“Pantawid din ng gutom 'yan. Hindi ko na iisipin ang kapritso ko sa pagkain.”

Noon lang siya tumayo. At noon lang din niya napansing nakasalampak ito sa pagkakaupo.

Nilapitan niya ang maliit na mesa. Mayroon siyang nakitang pakete ng sandwich spread doon. At base sa dami ng pagkain ay maaaring magkasya iyon sa kanila sa loob ng dalawang araw.

Ngunit paano kung hindi na sila bigyang muli ng pagkain?

Ikaw Na Nga Ang Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon