CHAPTER FOUR

194 5 0
                                    

Mag-aalas-kuwatro na ng madaling araw nang maghiwa-hiwalay sina Sandy at ang kanyang mga kaibigan dahil nagkasarapan sila sa pagkukuwentuhan habang sumisimsim ng tequila. Nakadalawang shot din siya bago umayaw, alam niyang hanggang doon lang ang kaya ng kanyang katawan.

Inihatid muna niya ang mga ito bago niya tinahak ang daan pauwi. Halos solo niya ang kalsada nang mga oras na iyon. Ipinilig niya ang kanyang ulo nang makadama siya ng hilo. Ang nasa isip niya ay ang makauwi na upang maipahinga ang pagal na niyang katawan.

Isang kanto ang nilikuan niya para mag-shortcut. Habang naghihikab ay hindi niya namamalayang napadiin ang tapak niya sa accelerator.

Ganoon na lamang ang pagkamanghang bumalot sa kanyang anyo nang makita ang kasalubong.

Mas mabilis pa kaysa sa kanyang kotse ang takbo ng kotseng kasalubong kaya awtomatikong kinabig niya ang manibela para makaiwas doon. Subalit huli na. Maingay na kalampagan ng mga bakal ang bumalot sa tahimik na daang iyon.

Nagtataasang mga pader ang nasa magkabilang kalsada kaya matapos ang ingay ng pagkakabangga ay panibagong katahimikan ang namayani.

Noon pa lang siya unti-unting kumilos. Pakiramdam niya ay inuga ang buong pagkatao niya. Nang mag-angat siya ng paningin ay halos mawalan siya ng ulirat.

Durog ang windshield na nasa kanyang harapan. Napansin niyang malaki ang damage niyon. Hindi tuloy niya maisip kung paano niya iyong ipaliliwanag kay Xunder.

Hindi iilan ang mga piraso ng salamin na nakita niyang bumagsak sa kanyang braso. Mabuti na lamang at makapal ang jacket na suot niya kaya hindi siya nasugatan. Ipinagpasalamat na lamang niyang hindi niya iyon naisipang hubarin kahit na naaalinsanganan na siya dala ng ininom na tequila.

Nang sinimulan niyang hubarin ang kanyang jacket, nakaramdam siya ng mga piraso ng salaming humahalas sa kanyant balat. Napangiwi siya. Hindi niya kayang isipin kung ano ang mangyayari sa kanyang braso kung nagkataong wala siyang suot na jacket.

Ibinaba niya iyon sa katabing upuan. Lamig naman ang sumunod na kanyang naramdaman. Tube blouse lamang ang natirang pang-itaas niya.

Napaigik siya nang may kumatok sa tagiliran niya. Nang lingunin niya ay matipunong katawan ang tumambad sa kanya. Matangkad ito kaya hindi niya maabot ng tanaw ang mukha nito.

“Nasaktan ka ba?” Malayo sa concern ang tinig ng lalaki. Sa halip ay iritasyon ang mababanaag doon.

Humugot siya ng malalim na paghinga bago bumaba ng kotse.

“Lasing ka ba?” Mataas na kaagad ang tono ni Sandy. “Hindi mo ba alam na wala ka sa linya?”

“Wala ako sa linya?” tila hindi makapaniwalang ulit nito. Nilinga nito ang dalawang sasakyan at saka siya muling tinignan.

Anyo niya itong iirapan nang manlaki ang kanyang mga mata. Pamilyar ang mukha nito sa kanya. Hindi ba't ito si Jidee Kwon?

“This is a one-way road” wika nito na banayad na tinig na tila nais ipaunawa sa kanya ang bawat kataga.

One-way? Mula sa dulo ng kantong nilikuan niya ay tanaw pa niya ang malaking karatula na nagsasabing tama ito. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Ibig sabihin ay siya ang may kasalanan.

Muli niyang tinanaw ang kanilang mga sasakyan. At noon lang niya nakompirma na ito nga si Jidee Kwon!

Isang bagung-bagong kotse ang nabangga ng sasakyan niyang dalawang dekada na ang edad. Yupi ang bumber at hood ng asul na Lamborghini nito. At ang unang pumasok sa kanyang isip ay kung ano ang ibabayad niya rito? Wala siyang ideya kung magkano abg halaga niyon!

Napabaling lamang siyang muli rito nang makarinig siya ng matitinis na tunog ng mga pinipindot na buton. Dumadayal ito sa cellular phone.

“Anong ginagawa mo?” estupidong tanong niya.

“What do you think? Malamang tumatawag ng pulis.” Sarkistong sagot nito sabay tingin sa kanya na tila ipinapamukha sa kanyang natural lang ang presensya ng pulis sa sitwasyon nila.

“P-pulis?” kandautal na ulit niya. Dahil doon ay may pakiramdam siyang naglaho ang mamula-mulang kulay ng kanyang mukha.

“Hindi ba p-puwedeng huwag na lang?” pakiusap niya sa mababang tinig.

Tumaas ang kilay nito, “Alam mong kailangan.” tipid na wika nito at inilapit sa tainga ang aparatong hawak nito.

Naulinigan niya ang ring sa kabilang linya, at pakiwari niya ay hihimatayin na siya sa mga sandaling iyon.

Ikaw Na Nga Ang Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon