“GUSTO mo bang patayuan kita ng monumento dahil sa pagpapakabayani mo kila Rocco at sa Viana na ‘yon? Akala ko kagagahan na iyong dinamay mo si Rocco sa pagpapanggap niyo pero mas may ikakagaga ka pala! I can’t believe you, Margarette!”
Napangiwi si Margarette sa pagsinghal sa kanya ng kaibigang si Cloe na eksaherado pang napasapo sa noo. Buong akala ni Margarette ay iintrigahin siya ng mga kaibigan matapos ang nasaksihan ng mga itong paghalik sa kanya ni Rocco tatlong araw na ang nakalilipas. Pero sa halip ay hindi man lamang nagkomento ang mga ito.
Napakuwento lamang siya kay Cloe nang itanong sa kanya ng kaibigan kung bakit absent sa Hotline Love Bling si Rocco noong isang araw. Ang akala raw kasi ng mga kaibigan niya ay nagkatotohanan na sila. Pero simula nang makabalik sila galing sa Tanay ay “no show” si Rocco sa kanila. Kahit sa text o tawag ay hindi ito nagpaparamdam.
Matapos siyang halikan ni Rocco sa lagoon, sa halip na si Margarette ang umiwas ay ito ang hindi kumausap sa kanya. Hindi alam ni Margarette kung dahil nagalit talaga si Rocco sa reaksyon niya sa ipinagtapat nitong pagmamahal o pinagsisihan nito ang lahat nang sinabi.
“Hindi ako nagpapakabayani, Cloe. Ayoko lang sumawsaw sa kanilang dalawa dahil si Viana ang nauna,” giit ni Margarette habang hinahango sa oven ang bitbit nitong Spaghetti Bolognese. Naglakad siya patungo sa sala at sumunod naman ang kaibigan. Galing kasi si Cloe sa party ng isang kaibigan nito at tinamad pang umuwi kaya’t dumaan muna sa kanila dahil malapit lang naman. Buti na lamang at wala si Yhen sa apartment dahil nasa contract signing ito para sa bagong product endorsement. Kung nagkataon ay dalawa ang sumisinghal sa kanya ngayon.
“Paanong sasawsaw ka kung ikaw ang pinili ni Rocco? Ewan ko sa’yo, Marge! Ikaw itong hanap nang hanap sa pag-ibig tapos ngayong nandiyan na, pinapakawalan mo naman,” naiiritang bulalas ni Cloe na parang gusto siyang tirisin.
“Hindi mo naiintindihan, Cloe. I feel bad for dragging Rocco in this situation because of my pride. Lalo na ngayon na sinabi niya sa aking mahal niya ako. May mahal siyang iba bago ako pumasok sa eksena na hindi dapat nangyari kung nag-isip lang akong mabuti. At sigurado akong umaasa rin si Viana na madudugtungan pa ang relasyon nila noon. May unfinished commitment sila. Maybe Rocco was just confused. Ayokong maging selfish sa pag-ibig na hindi maglaon ay malalaman kong hindi naman dapat para sa akin,” aniya at tumikhim upang maialis ang bikig sa lalamunan.
Pagak na humalakhak si Cloe. “Hindi selfish? You’re being selfish, Margarette. At hindi ko rin alam kung talaga bang nagsasakripisyo ka para makapag-reunion si Rocco at ang Viana na iyon o pinapangunahan ka lang ng takot mong sumubok na ulit,” komento ni Cloe. Bumuka ang bibig ni Margarette upang depensahan ang sinabi ng kaibigan ngunit hindi siya makaapuhap nang sasabihin.
“Pinipigilan mo ang sarili mo na sumaya at pinipigilan mong maipakita ni Rocco sa’yo ang totoo niyang nararamdaman. Nagiging act of selflessness lang ang isang desisyon kung magiging masaya ka, Marge. At huwag mo akong ma-plastik plastik kung isasagot mo sa aking masaya ka kung saan magiging masaya si Rocco. Hindi ka fairy godmother. Ramdam na ramdam namin na masaya ka kasama ang DJ na ‘yon. Hindi porke ilang beses kang minalas sa mga lalaki, igagaya mo na silang lahat kay Rocco. Like… what the hell, Marge? Tingin pa lang ni Rocco sa’yo, mahahalata na ng kahit sino na mahal ka niya. Paborito ba ng Mama mo ang kumain ng bato no’ng ipinaglilihi ka dahil sa sobrang manhid mo?” napapalatak pang sermon ni Cloe na hindi siya binigyan ng pagkakataon na makasingit.“Mahal ko si Rocco, Cloe…” napapabuntong-hiningang sagot niya.
“Kaya nga dapat—talaga?” Halos mabingi si Margarette sa pagtili ng kaibigan niya na tila gigising sa mga katabi nilang apartment. “Hindi na dapat ako magulat kasi halata na naman namin pero… OMG, talaga?” Napasapo si Cloe sa bibig nito at kunwari’y naiiyak pang tumalon-talon. Hinila niya ang kaibigan paupo sa sofa dahil nahihilo siya sa kalikutan nito.
BINABASA MO ANG
Girlfriends 4: The On-Air Affair (To Be Published Under PHR)
RomanceThe 25th Curse. Iyon ang pinaniwalaang dahilan ni Margarette kung bakit puro palpak ang mga relasyong napasukan niya. After her recent fail, she began to accept that maybe, the love she wanted isn't really meant for her. Baka kung hindi nauubusan ay...