Chapter Fourteen

816 34 2
                                    

ITINUTUKTOK lamang ni Margarette ang mga daliri sa ibabaw ng lamesa habang nagkakanya-kanya ng opinyon ang mga kaibigan niya sa pinaplanong weekend getaway ng mga ito sa susunod na araw. Kasalukuyan silang nasa isang coffee shop sa ground floor ng building ng Rising Star.

“'Wag na beach hopping. Kailan lang no’ng nagpunta tayo sa Batangas, eh,” ani Cloelia na ikinatango ng iba.

“Maganda iyong adventure talaga,” suhestiyon ni Siena.

“Yes, iyong may thrill. Iyong tipong macha-challenge talaga tayo. Para maiba lang,” segunda naman ni Brianne.

“Tipong paunahan kung sino ang hahalik sa isang cobra nang hindi natutuklaw,” natatawang biro ni Champagne.

“O kaya alligator racing. Kung sino ang pinakamabilis mangarera sa atin nang hindi nilalamon ng buwaya,” pagsakay naman ni Yhen sa kalokohan ni Champ bago nag-apir ang dalawa. Sabay pang nag-peace sign ang mga ito na ikinatawa na lamang nila.

“Gusto niyong subukan mag-mountain hiking?” tanong ni Marinela. “Meron kasi sa amin sa Tanay na sikat na sikat sa mga turistang gustong mamundok.”

Sa lahat nang pinagsasasabi ng mga kaibigan ni Margarette ay doon lang sa suhestiyon ni Marinela napukaw ang interes niya. Mukhang natipuhan din iyon ng iba dahil sunod-sunod na nagsitanguan ang mga ito. They’ve never tried mountaineering, anyway. Bagong karanasan iyon sa kanila kung sakali.

“Saan ‘yan, Mari?” tanong ni Margarette.

“Sa Mt. Daraitan, Marge. Pagbaba natin doon, pwede tayong magpunta sa Tinipak Cave. Mas maganda kung overnight ang lakad natin para maabutan natin ang sunset at ang sea of clouds na tinatawag nila tuwing umaga,” sagot ni Marinela.

“Sounds interesting,” tumatangong pagsang-ayon ni Muse. “Pero hindi ako magaling magdala ng sarili ko sa mga mabato o kaya madulas na daan,” napapangiwing dugtong nito.

“Nandiyan naman si Bench. Siguradong more than willing iyon na sumama,” ani Estrella na ikinangisi ni Muse. Mukhang nasagot na kaagad ang problema nito.

“So, pwede ko ring isama si Caige?” tanong naman ni Chesca.

“Si Yuki?” sunod ni Yhen.

“Respeto naman sa mga single!” napapangusong reklamo ni Cloelia na ikinatawa nilang lahat. “Isama niyo na mga lovelife niyo pero bawal ang PDA. Kaunting konsiderasyon lang naman!”

“Single ka ba? Pwede mo namang isama si Sir Sebastian,” hindi naiwasang panunudyo ni Margarette.

Sumimangot ito na ikinatawa nila. Nawala lamang ang atensyon ni Margarette rito nang mapansin ang paghahagikhikan ni Champagne at Siena sa tapat niya. May kinukutinting ang mga ito sa cellphone ni Champagne. Nang tila mahalata ng mga kaibigan na pinapanood niya ang mga ito ay agad na nagpatay-malisya ang dalawa. Ipinagkibit-balikat na lamang iyon ni Margarette at ibinalik ang atensyon sa mga kaibigang pinag-uusapan na ang napagdesisyunang pamumundok nila sa weekends.

“Mahabang oras na lakaran iyon. So I suggest, just wear comfortable clothing and rubber shoes,” imporma ni Marinela sa kanila.

“Hindi naman delikado?” tanong niya.

“Outdoor activity siya at nature adventure kaya medyo mahirap din pero hindi naman delikado dahil napakaraming pumupunta doon, lalo na kapag weekends. Talagang nakakapagod lang at mahabang pasensya sa mga dadaanan,” sagot ni Marinela.

Tumango si Margarette at nakinig sa mga itinerary na inilalahad ng mga ito nang tumunog ang cellphone niya na nasa ibabaw ng lamesa. Nag-angat siya ng tingin at nakita ang ngisi sa kanya ni Champagne at Siena. Nanliit ang mga mata ni Margarette at kinutuban siyang may ginawang kalokohan ang dalawa base sa reaksyon ng mga ito. Lalo na nang makita niyang si Rocco ang tumatawag.

“Bakit?” bungad kaagad ni Margarette nang sagutin niya ang tawag. Natigil ang mga kaibigan niya sa pag-uusap at binalingan siya. Itinaas niya ang isang kamay sa mga ito bago siya tumayo at lumayo sa lamesa nila.

“Pwede mo naman akong yayain. Bakit ka malulungkot?” seryosong tanong ni Rocco sa kabilang linya.

Kumunot ang noo niya. “What? Ano’ng pinagsasasabi mo?”

“Sasamahan kita diyan sa lakad niyo. Huwag kang mainggit sa mga kaibigan mo. Para saan pa at naturingan akong boyfriend mo?”

“Hindi kita maintindihan. Paano mo nalaman ang tungkol sa lakad namin?” nagtatakang tanong niya kahit may hinuha na siya kung sino ang nasa likod niyon. Nang mabilis na sumulyap si Margarette sa lamesa nila ay nakatingin sa kanya ang mga kaibigan at nanunudyo ang tingin ng mga ito.

“Nakita ko sa Facebook,” sagot ni Rocco. “I was tagged by your friend, Champagne.”

Mariing napapikit si Margarette at napatampal sa noo. Sinasabi na nga ba niya!

“Kung anuman ang nabasa mo sa post na ‘yon, wala akong kinalaman at lalong hindi totoo,” napapailing na wika ni Margarette.

“Syempre, sasabihin mo ‘yan. Pero gusto ko pa ring samahan ka,” ani Rocco na bakas ang kasiguraduhan sa tono.

“Hindi naman kailangan. I’ll be fine. Hindi mo na kailangang maabala,” giit niya.

“Hindi mo ako aabalahin, Margarette. Mahirap umakyat sa bundok. Sasama lang ako para bantayan ka,” hindi sumusukong saad ni Rocco.

“Bakit mo ako babantayan? Kaya ko na ang sarili ko, Rocco,” aniya na nagsisimula nang mainis. Rocco should stop pushing all these things. Hindi makakatulong na ganito ang pakikitungo nito sa kanya dahil hindi na maintindihan ni Margarette ang nangyayari sa kanyang sarili tuwing mapapalapit siya kay Rocco. Dahil sa totoo lang, may mali na sa nararamdaman niya. Hindi na maganda ang epekto sa kanya habang tumatagal na nakakasama niya si Rocco.

“Bakit ba ayaw mo akong isama? May iba ka bang gustong isama?”

“Wala. Gusto ko lang mapag-isa,” aniya.

“Mapag-isa? Marami kayo, Margarette. At siguradong marami pang ibang pupunta doon bukod sa inyo. Paano kang mapag-iisa doon?”

“Hindi ko kailangan ng bantay, Rocco. Iyon lang.”

"Fine! Gusto ko ring mamundok, Margarette! Ang totoo niyan, balak ko rin pumunta ng bundok na pupuntahan niyo sa weekends at hindi para bantayan ka. Pwede bang makisabay sa inyo nang pagpunta? Siguro naman, hindi na bawal na gusto ko ring umakyat ng bundok at nagkataon lang na makakasabay ko kayo, 'di ba?”

Hindi na nakasagot si Margarette nang walang paalam na pinutol ni Rocco ang tawag. Lalo lamang siyang na-frustrate dahil doon. Sigurado siyang sumama ang loob nito dahil kahit kailan ay hindi pa nangyaring si Rocco ang tumapos sa pag-uusap nila sa telepono. Bigla tuloy siyang na-guilty. Naghintay pa siya ng ilang saglit kung muling tatawag si Rocco pero hindi na iyon nangyari. She wanted to call him back and apologize but something stopped her from doing so.

But damn… she felt bad. She felt terrible for being so unreasonable. Oo nga, bakit nga naman ayaw niyang isama si Rocco? Kung tutuusin ay wala naman talagang mali roon. Hindi na bago si Rocco sa mga kaibigan niya at siguradong walang tatanggi sa mga ito kung sakaling gugustuhing sumama ni Rocco. Siya lang talaga ang may problema! At pati ang pagmamagandang-loob ni Rocco ay hindi man lang niya nagawang ipagpasalamat. What’s wrong with her, really?

Bumalik si Margarette sa lamesa nila at naramdaman niya ang tingin ng mga kaibigan.

“LQ?” bulong ni Yhen sa kanyang gilid. “Tingnan mo iyong comment ni Rocco sa Facebook post ni Champagne,” dugtong nito bago itinuloy ang pakikipagkuwentuhan sa mga kasama nila.

Ibinaba ni Margarette sa kandungan ang cellphone at binuksan ang kanyang Facebook. Ang bumungad kaagad sa news feed niya ay ang post ni Champagne kung saan naka-tag nga si Rocco.

Some of our friends got their dates for the weekend. Kung may makakasama lang din si Margarette, hindi sana siya malulungkot. Anyone?

Kahit gustong kastiguhin kaagad ni Margarette ang kalokohang inilagay ni Champagne ay tiningnan niya ang naging reaksyon doon ni Rocco na siyang top comment ng status.

Rocco Gabriel Roque: Please delete this post, Champagne. Hindi ako papayag na may ibang lalaking kasama si Margarette kung hindi lang ako. I’ll surely be with her for that day.

Girlfriends 4: The On-Air Affair (To Be Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon