Chapter Twenty

978 45 5
                                    

“ANO ‘YON, Margarita?”

Natigil si Margarette sa pagbabalat ng mangga at nag-angat siya ng tingin sa tiyahing si Tita Therese na nakatalikod sa kanya habang nagluluto ng adobo. Nasa palengke ang Tita Aurora niya at Tita Beatrice kaya’t dalawa lamang sila ni Tita Therese ang naiwan.

“Alam namin ang nangyari sa’yo, Margarette. Kahit noon pang naririnig lang namin. Kaya lang ay ayaw naman naming makialam dahil malaki ka na at may sarili ka nang pag-iisip. Kaya kahit gusto naming makilala kaagad ang Rocco na iyon noon, hinihintay namin ng mga tiyahin mo na ikaw mismo ang magsabi sa amin at magdala sa kanya rito sa Laguna. Pero tuwing nagkakausap tayo ay hindi ka man lang nag-aabalang banggitin ang tungkol doon. Iyon pala ay…” Sinadyang hindi dugtungan ni Tita Therese ang sinasabi nito. Nakaramdam ng hiya si Margarette dahil kahit hindi sabihin ni Tita Therese ay batid niyang hindi nito nagustuhan ang ginawa niya. Ngunit buong pag-unawang pinagmasdan siya ng tiyahin na tila ba kahit ano ang sabihin niya ay iintindihin nito.

Mula nang aminin ni Margarette ang lahat isang linggo na ang nakalilipas ay nagpasya siyang umuwi sa probinsya nila sa Laguna upang makapagbakasyon. Kinausap ni Margarette ang management ng Happy FM para humingi ng leave. Inasahan na niya kung sakaling ma-suspend siya o ‘di kaya’y mawalan na ng career dahil sa nagawa. Pero matapos siyang pagsabihan ni Sir Placido tungkol sa nangyari ay pinagbigyan siya ng may-ari na mag-unwind ng dalawang linggo at muling bumalik bilang DJ Margaux. Hindi naman alam ni Margarette kung gugustuhin pa ba iyon ng listeners o kung may makikinig pa sa kanya. At lalong hindi niya alam kung marapat pa bang makasama ulit si Rocco matapos ang nangyari. Oo at sinabi ni Margarette na propesyonal siya sa trabaho ngunit hindi rin naman siya ipokrita para sabihing balewala na sa kanya ang lahat sa susunod na makaharap si Rocco.

Ganoon din ang nangyari sa Rising Star. Ngunit si Madam Chay ay tumanggi pa noong una sa leave na hinihingi niya. Anito, hindi naman daw niya kailangang umalis dahil hindi naman siya pababayaan ng management. But then, she knew she needed a break. To think things over and to heal herself. Buti na lamang din at wala siyang naiwang commitments sa trabaho. Ang lahat ng engagements na kailangang tapusin para sa anniversary ng Girlfriends ngayong buwan ay natapos na nila. Sinabi rin niya na kung maaari ay hindi muna siya tatanggap ng kahit anong projects sa ngayon.

“Pasensya na po, Tita. Mali po talaga ang nagawa kong ‘yon. Hindi ko po napag-isipan nang mabuti kaya nadamay ko ang iba,” Ikinuwento ni Margarette ang buong nangyari kung paanong naipasok niya si Rocco sa sitwasyon. Habang inaalala ang binata ay tila sumisikip ang paghinga ni Margarette. Ilang araw pa lamang niyang hindi nakikita si Rocco pero hinahanap-hanap na ng kanyang sarili ang nakasanayang presensya nito. But then, she should stop herself from feeling that way. Kailangan niyang maturuan ang sarili na masanay na nagbago na ang lahat.

“Huli na para pagalitan pa kita dahil nangyari na ang mga ito. At alam ko rin na may natutunan ka na mula sa mga nangyari, Margarette,” ani Tita Therese kapagkuwan habang hinahaplos ang buhok niya. “At kaya ka nandito ay para iwasan si Rocco?”

Ngumuso siya at nag-iwas ng tingin. “Kailan pa mula noong huli kong uwi dito, Tita. Gusto ko lang magbakasyon dito.”

Tumawa ang tiyahin niya at umiling. “Hindi mo na kailangang maglihim pa sa akin, Margarita. Baka nakakalimutan mong kami ang nagpalaki sa’yo. Alam na alam ko kung ano ang laman niyan ngayon kahit hindi mo sabihin sa akin,” wika ni Tita Therese na itinuro ang bahagi ng puso niya. “Kung mahal niyan, bakit siya lumalayo?”

Malungkot siyang ngumiti. Hindi na itinanggi ni Margarette ang nararamdaman. “Para po hindi na siya lalong masaktan,” sagot niya.

“Bakit mo naman nasabing masasaktan ‘yan kung nandito ka sa halip na kausapin pa si Rocco?”

Umiling siya. “Para saan pa, Tita? Hindi na pwede. Hindi na kailangan…” Huminga siya ng malalim at ibinalik ang tingin sa hinihiwang mangga upang hindi mapuna ng kanyang tiyahin ang pag-iinit ng mga mata niya. “Hindi na ako pwedeng makigulo, Tita. Ikakasal na siya. Ang fiancée niya pa mismo ang nagsabi sa akin ng tungkol doon,” mahina niyang dugtong.

Girlfriends 4: The On-Air Affair (To Be Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon