Prologue

1.4K 43 1
                                    

YOU KNOW naman, Angel, kung ano ang lagi kong hinihiling. Sana matagpuan ko na ang lalaking itinadhana para sa akin. Iyong legit na magpapatuloy ng lahi ko. Iyong pangmatagalan na. Saka iyong magpapawala ng sumpa sa akin. Hindi naman ako tigang, Lord, pero nalalapit na ang deadline.

Pikit na pikit si Margarette—o Marge sa malalapit na kaibigan—habang nakatayo sa harap ng angel fountain na nasa labas ng building ng Mega High Communications kung saan siya ay si DJ Margaux tuwing gabi. Pagkatapos ng shift ni Margarette ay hindi pwedeng hindi siya dadaan sa fountain na ito para humiling. Ganoon yata kapag desperada na. Kahit ang walang malay na fountain ay dinadasalan na niya.

Ganito na lang, sign na lang. Kung sino ang unang lalaking makikita ko pagdilat ko, siya na ang The One. No exceptions. Dagdag pa na bulong ni Margarette bago mariing pumikit. Hawak niya ang limang piso na ibabato sa fountain. Yayaman na ang anghel sa fountain na ito sa dami nang naibato niya mula noong umpisa.

“Isa, dalawa, tatlo…” ani Margarette bago initsa ang limang piso. Huminga siya ng malalim at dahan-dahang idinilat ang mga mata.

As soon as she opened her eyes, she wished she didn’t.

Binabawi ko na! Sana hindi mo naiparating kay Lord iyong sign ko. Charot ko lang ‘yon! Piping usal ni Margarette habang nakatingin sa lalaking nasa kabilang bahagi ng fountain na nakangisi sa kanya.

Kung si Rocco Roque lang, susunod na lang si Margarette sa yapak ng mga tiyahin niya!

“Nandito ka na naman, Margarita. Naririndi na siguro ang anghel ng fountain na ito sa mga hinihiling mo,” nang-aasar na wika ni Rocco bago ito humalakhak.

“Get a life, Rocco. Huwag mo akong pakialaman!” asik ni Margarette sa kulugo bago ito inirapan.

Kinapa ni Margarette ang bulsa niya kung may barya pa. Kailangan niyang humiling ulit para mapawalang-bisa ang idinasal niya kanina!

Tumawa si Rocco at lumigid papunta sa kanya. Nakataas ang kilay na sinundan niya ito ng tingin. Ngiting-ngiti ang tinamaan ng magaling at halatang iniinis siya. Since when he didn’t annoy her, anyway? Marinig nga lang ni Margarette ang pangalang Rocco Roque ay naiinis na siya.

“Ano?” mataray na tanong ni Margarette nang nasa tabi na niya ang gunggong.

Inilahad ni Rocco ang kamay nito at nakita niya ang limang piso doon. Nagkunot siya ng noo at ibinalik ang tingin kay Rocco.

“Ano ‘yan?”

“Barya, Torrefranca. Iyong barya na binato mo kanina. Tumama pa sa akin! May papikit-pikit ka pa kasing nalalaman,” reklamo ni Rocco. Nag-init ang mga pisngi ni Margarette dahil sa sinabi nito.

“Sorry,” aniya bago akmang kukunin ang limang piso pero isinara ni Rocco ang palad nito.

“Labas sa ilong ang sorry mo, ah,” naaaliw na sambit nito bago humarap sa fountain. If that’s the case, then her wish earlier was null and void.

Hindi naman na-shoot iyong barya, eh! Rocco can take the coin, then.

“Sige, iyo na ‘yan!” nakaingos na sabi ni Margarette bago tinalikuran si Rocco.

“Sayang iyong wish mo, DJ Margaux,” pahabol ni Rocco sa kanya. Hindi niya ito nilingon. “Ang sungit. Sige na, ako na ang hihiling. Dear Fountain, pakitupad ang wish ni Margarette kanina sa’yo.”

Mabilis na lumingon si Margarette kay Rocco at bago pa niya mapigilan ay naibato na ni Rocco ang barya sa fountain. And to her surprise, it reached the top layer of the fountain. Ang parte na matagal na niyang pinagdidiskitahan. Sabi kasi ng iba, kapag humiling ka at naibato sa pinakamataas na layer ng fountain ang barya, mas malaki ang posibilidad na matupad ang hiling mo.

“Rocco!” naiinis na asik ni Margarette dito. “Bakit mo binato? Ayaw ko nga sa’yo, eh!”

Tila naguluhan si Rocco sa sinabi niya. “Anong connect no’ng ayaw mo sa akin sa ginawa ko? I’ve given you a favor, Margarette. Hayun nga at nasa tuktok pa. Hindi ka ba na-amaze? Mas malaki ang tsansa ng wish mo na wish ko para sa’yo,” tumatawang tanong ni Rocco bago ito umalis sa harap ni Margarette, hindi alintana ang ipinagpuputok ng butsi niya.

Tumingin si Margarette sa anghel na nasa tuktok ng fountain. “Hindi pwedeng matupad ‘yon, ha? 'Wag mong i-deliver kay Lord.”

Dahil hindi talaga pwede!

Margarette Torrefranca and Rocco Roque? Jusmiyo! Hindi niya ma-imagine!

Girlfriends 4: The On-Air Affair (To Be Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon