NGAWIT na ngawit na ang mga paa ni Margarette sa tagal na niyang nakatayo sa waiting shed ng Mega High Communications building. Ang ilang empleyado rin doon tulad niya na tapos na ang shift ay hindi makaalis dahil sa lakas ng buhos ng ulan. Kung may dumaan mang taxi ay may sakay o ‘di kaya ay pagarahe na kaya hindi na nagpapasakay.
Alas-tres na ng madaling-araw at may photoshoot pa siya mamayang alas-dies. Hindi niya dala ang sariling sasakyan dahil coding siya ng araw na iyon.
At sa kamalas-malasan, ngayon pa talaga binabagyo ang Metro Manila.
“Ay, ano ba ‘yan!” bulalas ni Margarette at mabilis na napaatras nang may kotseng walang patumanggang dumaan sa kanyang harap. Muntik na siyang maligo sa pagtalsik ng tubig sa kalsada.
Tumigil ang kotse sa kanyang harap at nang makilala ni Margarette ang maangas na pulang kotse na mana sa may-ari niyon ay napairap kaagad siya. Bumaba ang bintana sa passenger seat at sumungaw mula doon ang nakangising si Rocco.
“Nandiyan ka pa?” malakas na tanong nito sa kanya upang hindi lamunin ng malakas na ulan ang boses nito.
Sarkastiko siyang ngumiti. “Wala na! Aparisyon mo lang.”
Humalakhak si Rocco at napailing. “Napakasungit mo talaga, Torrefranca. Lalong hindi matutupad ang hinihiling mo sa anghel ng fountain,” naaaliw na sambit ni Rocco bago ito tumingin sa tinutukoy na nasa kabilang bahagi ng waiting shed.
Nalukot ang mukha ni Margarette sa sinabi ni Rocco. Simula kasi noong pinakialaman nito ang hiling niya isang taon na ang nakalilipas ay hindi na muling dinasalan ni Margarette ang angel fountain. Feeling niya ay naisumpa na iyon ni Rocco. May existing sumpa na siya at ayaw na niya iyong dagdagan.
“Umalis ka na nga!” pagtataboy niya rito.
“Sumakay ka na, ihahatid na kita,” alok nito sa kanya.
“No, thanks. Maghihintay na lang ako ng taxi,” tanggi ni Margarette. Aba, malay ba niya kung may kalokohang pumapasok sa utak ni Rocco at iliko siya sa kung saan.
Ang assuming, ‘te, ah? Nanunudyong bulong ng isang bahagi ng kanyang utak.
Nag-iingat lang. Depensa ni Margarette sa sarili.
“Mamumuti na lang ang mga mata mo diyan ay hindi ka pa nakakasakay. Narinig ko ang sinabi mo kay Alice kanina na may trabaho ka pa mamaya. Kaya tara na para makapagpahinga ka pa,” anito na ang tinutukoy ay isang staff ng Happy FM.
May pagdududa pa rin si Margarette habang nakatingin kay Rocco. Pero may point naman ito. Gusto niya munang matulog at magpahinga dahil ayaw naman niyang magmukhang sabog sa trabaho mamaya.
“Hindi kita pagsasamantalahan kung ‘yan ang iniisip mo. Nagmamagandang-loob lang ako. Hindi man lang kita hahawakan kahit pilitin mo pa ako,” ani Rocco na tila nababasa ang itinatakbo ng isip niya bago ito tumawa.
“Asa ka pa!” sikmat dito ni Margarette. Ang kapal naman ng mukha nito para isipin iyon!
Napailing-iling si Rocco. “Ano? Ayaw mo talaga? Sige, aalis na ako.”
Nang akmang isasara na ni Rocco ang bintana ng kotse ay mabilis na siyang lumapit at sinuong ang ulan. Binuksan naman kaagad ni Rocco ang pintuan ng passenger seat mula sa loob. Nang makasakay ay agad niyang sinara ang pinto.
“Wala ka bang payong?” tanong ni Rocco bago inabot sa kanya ang tissue na nasa dashboard.
“Wala. Magpapabasa ba ako kung mayro’n?” sarkastikong balik-tanong ni Margarette bago tinanggap ang tissue at pinunasan ang kanyang braso.
BINABASA MO ANG
Girlfriends 4: The On-Air Affair (To Be Published Under PHR)
عاطفيةThe 25th Curse. Iyon ang pinaniwalaang dahilan ni Margarette kung bakit puro palpak ang mga relasyong napasukan niya. After her recent fail, she began to accept that maybe, the love she wanted isn't really meant for her. Baka kung hindi nauubusan ay...