Chapter 5

5.4K 157 16
                                    

Dahil sa nainip na si Loren sa loob ng kwarto, minabuti na niyang lumabas. Hindi naman na masyadong nakirot ang kanyang sugat, pero paika-ika pa rin siyang naglakad palabas ng kwarto. Walang tao sa malawak na salas, nang narinig niya ang boses sa kusina, nagpunta siya roon.
     Nadatnan niyang naghihiwa ng mga gulay si Isabel, ngumiti ito sa pagkakita sa kanya. Naupo si Loren sa tabi ni Isabel.
     "Di na ba masyadong masakit ang sugat mo?" tanong ni Isabel.
     "Hindi na pinalitan ko na ang bandage at nalagyan ko na rin ulit ng gamot" sagot ni Loren.
     "Ginugutom ka ba?" tanong sa kanya ni Isabel.
     "Naku, naparami ang kinain ko kanina, ah, nasaan ang nanay Rosing?" tanong ni Loren at nagpalinga-linga.
     Napangiti si Isabel, "nagtatahip ng palay si nanay, si tatay naman ay nasa kiskisan, si Kuya ay umadyo sa Lupa para tingnan ang mga saging kung maari nang tibagin" sagot ni Isabel.
     Namula ang mga pisngi ni Loren, obvious ba siya masyado na tinitingnan niya ang kuya nito? Huh, tingin? E pinagnasaan ko na si Angelo, ang sabi ni Loren sa sarili.
     "Tulungan na kita" alok ni Loren kay Isabel, gusto niyang maging busy para mawala sa isip niya si Angelo.
     "Naku bisita ka namin rito" tanggi ni Isabel.
     "Ano ka ba, di ako bisita rito, mo na ako ng gagawin" pamimilit ni Loren.
     "Ay siya sige!" natatawang sabi ni Isabel "hetong kampit at balatan mong kalabasa, kaya mo ba?" alalang tanong ni Isabel kay Loren.
     "Oo naman!" mabilis at natatawang sagot ni Loren.
     "Naiinip ka na ba rito samin?" tanong ni Isabel.
     "Hindi naman, ngayon ko lang kasi naranasan ang buhay probinsiya, yung walang ginagawa" sagot ni Loren.
     "Ang buhay probinsiya, maraming ginagawa" pagtatama ni Isabel kay Loren, "iba lang ang trabaho sa Maynila kumpara rito".
     Ngiti lang ang isinagot ni Loren sa sinabi ni Isabel. Oo nga tama nga nakababatang dalaga, ang sabi ni Loren sa sarili. Nagustuhan agad ni Loren si Isabel, at mabilis na nakapalagayan ng loob.
     "Anong trabaho mo sa Maynila ate Loren?" interisadong tanong ni Isabel na halata sa tono ng boses nito.
     "May sarili akong negosyo, wedding planner ako" sagot ni Loren.
     Madaling nagkapalagayan ng loob sina Loren at Isabel, may mga sitwasyon pang natawa si Loren sa mga kwento ni Isabel. Ngayon lang ito naranasan ni Loren, yung hindi niya binabantayan ang kanyang kinikilos at sinasabi, dahil siguro sa mas batang babaeng kausap ni Loren.
     "Saan ka nag-aaral Isabel?" tanong naman ni Loren.
     "Sa isang kolehiyo sa bayan ng Infanta, sa mga tiya ako natuloy, sa bayan. Isang semester na laang at ako'y magtatapos na ng education" masayang sabi ni Isabel.
     "Ilang taon ka na ba?" tanong ni Loren.
     "Nag-twenty na ako, nito laang isang buwan, si KUYA ay treinta na, magkasunuran laang kami ng birthday" nakangiting sagot ni Isabel.
     "Ha, ah eh, di ko naman tinatanong yung sa kuya mo" tanggi ni Loren.
     "Alam ko, sinabi ko laang" natatawang sabi ni Isabel.
     "Bakit ba kung minsan, ang tono ng salita ng kuya mo ay parang taga-Manila?" tanong ni Loren.
     "Sa Maynila kasi nakapagtapos ng kolehiyo si kuya, tapos ay  ilang taon din siyang nagtrabaho roon, bago siya bumalik dito dahil nagkasakit ang tatay.  Siya na ang nag-asikaso sa bukid at sagingan" kwento ni Isabel.
     "Bakit di ka nag-aral sa Manila?"
     "Ayaw ni kuya" ang malungkot na sagot ni Isabel, "kahit nga sa Lucena laang kung saan narun ang mga kaklase ko noon ay ayaw din niya" kwento ni Isabel.
     "Ang kuya mo ba ang nasusunod?"
     "Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, pero simula nung si kuya na ang namahala rito, halos lahat ay siya na ang nagpapasya. Ayaw niyang mapunta ako sa siyudad at magaya raw sa mga babe roon" sagot ni Isabel.
     "Bakit ano bang tingin ng kuya mo sa mga katulad kong babae na taga-Manila?" interisadong tanong ni Loren.
     Tiningnan ni Isabel si Loren sa mga mata nito, "yung sarili laang nila ang iniisip nila at walang pakialam sa nararamdaman ng iba" ang sabi ni Isabel kay Loren.
     "Hindi naman lahat ng babaeng taga-Manila ay ganun!" mariing sagot ni Loren.
     "Pagpasensyahan mo na si kuya ha, ate Loren, mabait yun, di ko nga alam kung bakit ganun ang ikinilos niya kanina" ang paghingi ng paumanhin ni Isabel kay Loren.
     Lumingon si Loren sa malalaking bintana ng kusina kung saan tanaw ang pundohan at ang isang kubong pahingahan. At ilang hakbang naman rito ay may isang bungalow type na bahay, mas malapit ito sa beach kaysa sa mga bahay ng Durante na tinutuluyan niya.
     Napansin ni Isabel na tumigil sa pagbabalat ng kalabasa si Loren, at sinundan niya ng tingin kung saan nakatanaw si Loren.
     "Yung kubo ay pahingahan nila kuya at ng iba naming kasama rito. Madalas na si mang Isko at kuya ang tumatambay doon, yung bahay naman ay kay kuya. Humiwalay na siya sa amin mag limang taon na ang nakalipas" paliwanag ni Isabel.
     Napatingin lang si Loren kay Isabel.
at tanging ngiti lang ang naisagot niya sa dalaga.
                            *********
     "Kailangan kong makahanap ng signal!" ang sabi ni Loren, habang nagpalakad-lakad sa tabing sabang. Kailangan niyang matawagan si Christian at nang malaman nito na nandito siya sa kabilang isla ng Polilio. Malay ba niyang maraming isla pala ang Polilio? Ang galit na sabi ni Loren sa sarili, dahil nagmukha siyang tanga sa harapan ng mga ito kanina. Christian would do anything para puntahan siya rito, ang confident na sabi ni Loren sa sarili. Ang problema na lang niya ay ang pesteng signal! Kahit anong hightech ng phone mo kung mahina ang signal ng network, NADA! Ang sabi ni Loren sa sarili habang pabalik-balik na naglakad at nakataas ang mga kamay hawak ang cellphone.
     At sa ganung sitwasyon siya naabutan nila Angelo at mang Isko, na kagagaling lang sa Lupa, gamit ang motor at dumiretso ang mga ito sa poso na nasa likod bahay.
     Nakatayo lang ang dalawa at pinagmasdan si Loren, si Angelo ay nakapamewang habang si Isko ay napakamot naman ng ulo.
     "Ay napapano ang nini? Kanina pa pauli-uli?" tanong ni Isko.
     "Aywan, nababang-aw na siguro" biro ni Angelo, at napangiti sa hitsura ni Loren, alam ni Angelo na mahirap ang signal sa lugar nila.
     "Huh, ay parang nanghuhuli ng dimonyo hane?" natatawang sagot ni Isko.
     Napansin ni Loren na may tao na sa likuran niya, kaya siya napalingon. At nang nakita ni Loren ang nakangising si Angelo, inirapan niya ito at nagpatuloy sa paglakad, at kung bakit talagang minamalas siya, nag-ekis ang mga paa niya at siya'y nadapa.
     Dahil sa nakatingin sa kanya ang dalawa, kitang-kita ng mga ito ang pagkadapa ni Loren, akmang lalapit si Isko para saluhin siya pero di nito inabot. At di na napigilan ni Angelo ang tumawa.
     Nag-init ang buong mukha ni Loren sa hiya at inis ng narinig niya ang malakas na tawa ni Angelo. The nerve of that man! Talagang pinagtawanan pa siya! Ang inis na sabi ni Loren sa sarili. Napakabastos talaga! At halos maluha na si Loren.
     "Huy indong tulungan mo!" ang sabi ni Isko kay Angelo.
     Nilapitan ni Angelo si Loren at iniabot ang kamay niya rito. Hinawi lang iyun ni Loren.
     Pagkatapos siyang tawanan ay tutulungan siya nito? Ang sabi ni Loren  sa sarili.
     "I can manage thank you, mukha namang kaplastikan lang ang pagtulong mo!" ang galit na sabi ni Loren kay Angelo at pilit na tumayo kahit pa lalong sumakit ang sugat niya dahil sa pagkadapa.
     "Ikaw baga'y nalilingas at ika'y naburingka?" pang-aasar na tanong ni Angelo kay Loren nakapamewang pa ito at nakayuko kay Loren na di pa rin makatayo.
     "My God, I didn't even understand a thing that came out of your mouth!"
     inis na sagot ni Loren. At parang nanlambot ang mga binti niya at braso dahil do pa rin niya nagawang itayo ang sarili.
      Dahil sa hindi pa rin makatayo si Loren, di na siya natiis ni Angelo na di tulungan. Hinawakan ni Angelo si Loren sa magkabilang kili-kili nito at hinila paitaas, di naiwasan ni Angelo na di madampian ng mga kamay niya ang gilid ng dibdib ni Loren. At kahit pa nakatayo na si Loren ay di pa rin binitiwan ni Angelo si Loren, lalo na't nakasandal ito sa kanyang dibdib. At bumilis ang tibok ng puso ni Angelo, pati kanyang paghinga at bumilis din.
     Noong hilahin niya si Loren sa tubig, nung sagipin niya ito, ay ganoon din ang kanyang nadama, kakaiba ang tibok ng kanyang puso. Akala ni Angelo na pag-aalala lang niya ito sa dalaga. Magdamag niya itong binantayan sa kwarto habang wala pa itong malay, at palagiang pinalitan ang bandage ng sugat nito. Nilagnat din ito, marahil sa matagal na pagkababad ni Loren sa tubig. Si Angelo rin ang nagpunas kay Loren ng maligamgam na tubig, at nag-painom ng gamot.
     At ngayong muling hawak na naman ni Angelo si Loren, naramdaman na naman niya Ang kakaibang kaba sa dibdib. Hindi na ito pag-aalala, ang sabi ni Angelo sa sarili. At ito ang kinatatakutan niya.

  
    

Right on Schedule [complete] © Cacai1981 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon