Kung Hindi Ngayon, Kailan?

58 4 1
                                    

         Sana noon pa man ay sinabi ko nang mahal kita. Sana hindi ako naging duwag na ipagtapat ang aking mga nararamdaman para sa iyo. Pero hindi ko kayang isakripisyo ang pinagsamahan natin. Yan na nga lang ang meron tayo pati yan pa ba ay mawawala lang dahil sa pagtatapat ko? Kaya minabuti ko na lang na mahalin ka ng patago.

         Alam mo kahit sa ganitong paraan ng pagmamahal ay napakasaya ko na. Hindi mo alam kung gaano mo ako pinapaligaya. Ikaw ang nagbibigay ng saya't kaligayahan sa wasak kong buhay. Ikaw lang ang natatanging natitirang naririyan pa, para sa akin.

         Iniwan na ako ng aking mga magulang, alam kong pamilyar na ito sa iyo dahil ilang beses ko na 'tong sinabi. Pero hindi pa rin mawala ang sakit ng nakaraan. Naririto pa rin ang sakit na aking naramdaman.

          Sa mga malulungkot na parte ng aking buhay noong pasan ko ang buong daigdig ay nandiyan ka upang damayan ako, upang samahan ako sa aking patutunguhan. Hindi mo akong hinahayaang lumaban ng mag isa. Tinulungan mo ako, tinulangan mo akong maging matatag.

          Napakabait mo alam mo iyon? Kahit hindi pa man kita kilala noon ay alam kong napakabait mong tao. Matulungin ka sa iyong kapwa at hindi lumalaki ang iyong ulo. Kaya masaya ako nung nakilala kita. Hinding hindi kita malilimutan.

          Matagal tagal na rin ang ating samahan, ang ating pagkakaibigan. Alam mo bang nahulog na ang loob ko sa iyo? Natutunan kitang mahalin kahit na sinabi mong wala sa iyong plano ang magmahal. Wala kang balak na magkaroon ng kasintahan o mag asawa, sabi mo pasakit lang sila. Madadagdagan lang ang iyong mga proproblemahin

          Ayaw mo na simula nung nasaktan ka. Natakot ka ng magmahal dahil iniiwan ka lang. Binalewala nila ang lahat ng pagsisikap na iyong ginawa upang sila'y makamit. Kaya ka naging ganyan ay dahil maling tao ang minahal mo. Kaya ka naging ganyan dahil nasa harapan mo na lang ay binabalewala mo pa rin. Hindi mo ako pinapansin. Binabalewala mo lang ako.

         Gustong gusto ko na talagang magtapat sa iyo noong mga panahon bago ka pa nagkaroon ng kasintahan. Kaso dahil sa aking takot ay hindi ko iyon nagawa. Hinding hindi ko kayang gawin. Sobra sobra kitang minahal kaya kahit anong sakit ay kaya kong tiisin makita kang masaya.

         Sampung taon na ang lumipas at heto pa rin ako, minamahal ka ng patago. Minamahal ka ng hindi mo alam.

         Alam mo ba kung ba't minahal lamang kita ng patago at kailanman ay hindi ako nagtapat sa iyo? Kapag minamahal kita ng patago ay walang masyadong problema, heto ako hinahangaan ka sa iyong nakamtan. Wala ring tatanggi sa akin, walang pipigil sa aking damdamin para sa iyo. Kaya minabuti ko na lang na mahalin ka ng patago.

         Sampung taon at nahuhumaling pa rin ako sa iyo, at alam kong mahal pa rin kita. Matalino, mabait, matangkad, ubod ng kagwapuhan at may takot sa Diyos. Hindi ko alam kung bakit kita minahal.

         Hindi ko ginusto ang mga naramdaman ko para sa iyo pero wala akong magawa, nangyari na. Nahulog ako, at hinding hindi na ako makakaahon pa muli.

          Nakakatawang isipin, nagawa ko pang alalahanin ang mga nararamdaman ko sa iyo noong mga nakalipas na taon. Heto tayo ngayon! Nakarating tayo hanggang dito! Ang saya mo siguro ngayon? Dahil sa wakas makakamit mo na ang lahat ng iyong pinaghirapan.

          Pasimple kong pinunasan ang mga luhang dumaloy sa aking magkabilang pisngi. Hindi ko napigilan eh. Masaya ako ngayon, dahan dahan akong lumalakad patungo sa altar na kinatatayuan mo.

           Nginitian mo ako, isang matamis na ngiti at punong puno ng kaligayahan. Matagal mo na akong hindi binibigyan ng ganyang ngiti simula noong nagkakilala tayo.

           Palapit na ako ng palapit hanggang sa unti unti ng natatapos ang kanta. Maligaya ang lahat ng taong naririto ngayon para matunghayan ang napakaimportante at engradeng pagdiriwang sa buhay mo. Masaya, masayang masaya.

           Patuloy ang pag agos ng mga luha sa aking mata, parang ilog na hindi nauubusan ng tubig. Hindi naman ako humihikbi pero umiiyak ako ng tahimik.

           Nginitian mo lang ako, isang ngiti ng pagsasalamat. Hinarap mo ako at hinalikan rin sa pisngi. Niyakap kita ng mahigpit. Mahigpit na mahigpit, parang ayaw kitang pakawalan pero kinakailangan eh. Nang kumalas ka sa aking yakap ay nagpatuloy ka. Hanggang sa lumiko na ako patungo sa kinauupuan ng mga bridesmaids

           Nagsitayuan ang lahat ng pumasok na ang iyong bride. Ang saya mo, sa sobrang saya mo ay napaluha ka. Nagpalakpakan lahat ng tao na naririto ngayon. Kahit masakit pinilit kong maging masaya.

            Ayos diba? Naunahan niya ako. Dahil sa takot ko na masira ang aking pagkakaibigan ay tuluyan kang nawala sa akin. Wala rin naman akong karapatan sa iyo, hindi naman tayo. Wala naman tayong relasyon. Ngayong kaunti na lang ang oras na mayroon tayo. Itatali ka na niya sa kanya eh. 

           Sana masaya ka na. 

           Sana hindi ka niya sasaktan o paiiyakin.

           Sana mahalin ka niya habang buhay.

           Paano kaya kung sinabi ko sa iyo ang mga nararamdaman ko? Tayo kaya ang ikakasal ngayon? O tuluyan ng masira ang lahat ng aking pinaghirapan para mapalapit sa iyo? Hindi ko alam eh, hindi ako sumugal. Natakot ako. Dahil sa sobrang takot at nakuha ka na nga iba.

            Hindi ko rin kinayanan tignan ang kasal ninyo. Tuloy pa rin ang pagpatak ng aking mga luha. Isa itong saksak sa aking puso. Wasak na wasak na ito. Wala eh, kung sana'y sinabi ko sayo na mahal kita pero hindi nanahimik lang ako. Kinimkim ko sa aking sarili ang lahat lahat ng pagmamahal ko para sa iyo. 

              Sana kahit sa isang pagkakataon ay nasabi kong mahal kita. 

               Pero ngayon, hindi na ako makakaahon sa pagkalunod ko sa iyo. Napakalalim ang aking pagkabagsak. Hindi na ako makatayo muli. 

              Kung hindi ngayon, kailan kaya magiging tayo? Sa ibang panahon? Sa ibang mundo? Sa ibang pagkakataon? Kung hindi ngayon, kailan?

              Hayaan mo, mahal pa rin kita... kahit hindi mo alam.

Tumingin saking mata, magtapat ng nadarama. 'Di gusto ika'y mawala dahil handa akong ibigin ka kung maging tayo, sa'yo lang ang puso ko.

ReminiscenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon