11

1.2K 61 4
                                    

“PAKIEXPLAIN nga sa akin kasi hindi ko talaga maintindihan. Inalok mo siya ng kasal at pagkatapos ay nagalit siya at tumanggi?”

Desperadong tumango si Calvin habang kausap niya sa Skype si Gale. Naroon siya sa mini bar at kaharap ang laptop habang umiinom ng alak.

“Gago ka naman pala eh!” singhal ni Gale. Pinanlakihan pa siya nito ng mga mata.

“Hindi ko akalain na sa talino mong 'yan ay maiisip mo pa talaga ang ganoon. Hindi birong usapan ang kasal at ikaw ang mas dapat na nakakaalam niyan.”

“Ate, pwede ba? Matanda na ako para pagsabihan mo ng kung ano ang tama o ano ang mali. Alam mo kung ano ang pinagdaanan ko, sa tingin mo ba may halaga pa para sa akin ang kasal pagkatapos ng pinagdaanan ko? For the second time, magiging daddy na ulit ako, at willing akong gawin ang lahat para makasama ko ang anak ko.”

“Calvin…” medyo kumalma na si Gale at naaawang nagsalita ulit. “Are you really okay?”

“Oo naman, walang problema maliban sa pinapahirapan ako ni Laurice.”

“Naiintindihan ko siya pero kapatid kita kaya nasa side mo ako. Kung hindi lang ako busy dito sa mga negosyo natin sa New York ay umuwi na sana ako ng Pilipinas para matulungan ka. Hindi kita natulungan noong may pinagdaanan ka kaya gusto kong makabawi sa'yo.”

Pinilit niyang ngumiti.

“Ate, okay lang ako. Bakit ka ba masyadong nag aalala sa akin? Kailan ba ako nagkaroon ng problema na hindi ko kinaya?”

“Ganyan din ang ngiti mo noong nakausap kita at sinabi mo sa akin seven years ago na gusto nang makipaghiwalay sa'yo ni Aya at nagpapanggap kang okay.”

Natigilan siya at inisang lagok ang alak. Ayaw na niyang balikan pa ang nakaraan pero hindi niya maiwasan dahil si Gale ang mismong nagpapaalala sa kaniya niyon.

“Inaantok na ako ate, saka na lang tayo mag usap.” Hindi na niya hinintay pang sumagot ito at pinatay na niya ang laptop.

Alam niya ang gustong sabihin ni Gale. Natatakot itong maulit ang nangyari sa kaniya noon.

Twenty three pa lang siya nang pakasalan niya ang girlfriend niyang si Aya. Trainee pa lang siya noon sa kompanya ng daddy niya. Alam niyang hindi nagustuhan ng mga magulang niya ang maagang pagpapakasal niya. Pero hindi naman niya pwedeng pabayaan si Aya dahil apat na buwan na itong buntis.

Pareho silang nanggaling sa mayamang pamilya kaya hindi sila nahirapan dahil suportado sila ng kaniya kaniyang mga magulang.
Pitong buwan na ang bata sa tiyan ni Aya nang aksidenteng madulas ito sa banyo. Naging dahilan iyon ng maagang panganganak nito. Nailuwal naman nito ng maayos ang sanggol pero dahil masyadong mahina ang puso ng anak nila ay namatay ito pagkalipas lang ng dalawang oras. Nalungkot siya sa pagkamatay ng anak nila. Nakita rin niya kung paano halos nahirapan si Ayaw. Pinilit niyang ayusin ang lahat at inalagaan ito.

Mahigit isang taon silang nagsama at naramdaman niyang masaya ito sa piling niya. Pero isang problema ang sumubok sa pagsasama nila. Namatay ang daddy niya dahil sa aksidenteng pagsabog ng planta nila sa Japan.

Nakarating din sa pamilya niya ang masamang balita na malapit ng magdeklara ng bankcrupcy ang Herrera Corporation. Marami sa mga negosyo nila ang unti unti nang nalulugi. Dahil sa mga nangyari ay nadepress ang kaniyang ina. Ilang buwan itong tulala at hindi makausap hanggang sa isang araw ay tuluyan na itong hindi nagising.

Naging magkakasunod ang pagdating ng problema ni Calvin noon at umasa siyang makakasama niya si Aya sa pagharap ng lahat ng mga pagsubok. Pero hindi, nabigo siyang kapitan ito dahil nang utusan ito ng mga magulang na hiwalayan siya ay hindi ito nagdalawang isip na bumitiw sa relasyon nila.

Natakot siguro itong madamay sa lahat ng paghihirap niya at hindi na niya maibibigay pa ang lahat ng luho nito. Halos ang mga magulang pa nito ang gumastos para lang mapabilis ang annulment nila.

Nasaktan siya sa nangyari. Kinain siya ng matinding galit at hinanakit kaya madali lang para sa kaniya na bitawan si Aya. Hindi niya ito pinigilan dahil naramdaman niya na sa una pa lang ay bumitiw na ito.

Ginamit niyang motivation ang
ginawa nito sa kaniya para unti unti niyang ibangon ang sarili at ang kompanya. Ngayon ay wala na siyang balita kay Aya. Simula nang umalis ito ng bansa at iniwan siya ay nawalan na siya ng balita.

Ang malakas na pagring ng cellphone ang nagpabalik sa naglalakbay na isip ni Calvin. Nagmamadaling sinagot niya ang tawag ng nurse ni Laurice.

“Hello? May problema ba? Bakit napatawag ka ng ganitong oras? Nasaan ang ma'am mo?” walang prenong tanong niya.

“Ser! May balita lang po ako sa'yo, narinig ko pong kausap ni ma'am Laurice ang boss niya sa telepono. Mukhang nagrequest po ng mas maagang maternity leave si ma'am Laurice at bukas daw po ay bibiyahe siya pauwi ng Quezon. Ayaw po niya kaming isama 'eh.”

“No. Sumama kayo, o kung ayaw niya kayong isama hayaan ninyo siya. Itetext ko na lang ang exact address ng pamilya niya at sumakay na lang kayo ng bus, doon na lang tayo magkita sa Quezon.”

“Susunod po kayo?” gulat na tanong ng nurse sa kabilang linya.

“Oo. Pero huwag mong sabihin sa ma'am mo.”

Masakit na ang ulo ni Calvin nang maputol ang tawag. Desperadong naihilamos niya ang mga palad sa mukha niya.

“Bakit ba ang hirap mong paamuin?” malalim na bumuntong hininga siya at nag angat ng tingin sa kisame.

“Ano lang ba ang kasal? Ginawa ko na 'yun dati at kayang kaya ko naman gawin ulit 'yun ngayon.”

Dahil sa masakit na nakaraan niya kaya naglaho na ang paniniwala niya sa kasal. Wala ng halaga iyon sa kaniya. Nagawa niyang alukin ng kasal si Laurice dahil sa isang mabigat na dahilan, dinadala nito ang anak niya at hindi siya tanga para hayaan itong ilayo sa kaniya ang bata.

Kasal lang ang nakikita niyang solusyon para makapiling niya ang anak. Mahihirapan siyang ilaban ang custody ng anak niya dahil nakasaad sa batas na ang ina ang may karapatang magpalaki sa anak nila at maaari lang niya itong hiramin at sustentuhan habang lumalaki.

Ano lang ba ang kasal?

“Isang pirasong papel lang 'yun na kailangang pirmahan. Love? Tsk…” tumayo siya at tiningnan ang sariling repleksiyon sa mahabang salamin na katapat lang niya.

“Matagal ko nang kinalimutan kung paano magmahal. Matagal na akong naniniwala na hindi totoo ang love, dahil kung totoo 'yun hindi ako iiwan ng sarili kong asawa at ipagpapalit sa pera ng mga magulang niya.”

THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon