PASADO alas onse na ng gabi pero hindi pa rin makatulog si Laurice. Itinodo na niya ang lamig ng aircon pero parang napakainit pa rin ng pakiramdam niya. Panay ang galaw ng baby sa loob ng tiyan niya at parang kahit ito ay hindi mapakali.
Nang marinig niya ang malakas na pag alulong ng aso sa labas ay bigla siyang kinilabutan.
Inaaswang yata ako!
Biglang tumayo ang mga balahibo niya sa batok nang makarinig siya ng mahinang katok sa labas ng pinto. Napaatras siya sa takot. Tulog na ang mga kasama niya sa bahay dahil na pagod rin ang mga ito sa birthday celebration ng lolo niya, kaya sino ang kakatok sa kwarto niya ng ganoong oras?
"S-sino 'yan?" kinakabahang tanong niya. Nagmamadaling kinuha niya ang rosary na nakasabit sa gilid ng bintana.
"Ako 'to, gising ka pa?"
"Calvin..." nakahinga siya ng maluwag nang marinig ang boses ng lalaki.
Nagmamadaling kumilos na siya at binuksan ang pinto. Nang makita niya itong nakatayo sa labas ng kwarto niya ay hindi na siya nagdalawang isip pang yakapin ito at isiksik ang sarili sa mainit na mga bisig nito.
"Nanginginig ka, may masakit ba sa'yo?" nag aalalang tanong nito.
Saglit na ibinaon niya ang mukha sa malapad na dibdib nito. Napilitan siyang mag angat ng tingin nang sapuhin nito ang mga pisngi niya.
"Inaaswang yata ako, para kasing ang init sa kwarto ko kahit nakatodo na ang lamig ng aircon." Mangiyak ngiyak na sabi niya.
"Aswang?" binigyan siya nito ng kakaibang tingin.
Hindi niya mabasa ang reaksyon nito. Tiningnan lang siya nito at parang naweweirduhan pa yata ito sa kaniya.
"Oo nga pala, ang mga katulad mong mayaman, hindi naniniwala sa mga aswang. Mga bampira lang siguro ang kilala ninyo."
"No, teka lang paki-explain ng maayos," saglit na tumigil ito sa pagsasalita at hinaplos ang mga pisngi niya. "Nag aalala ako sa'yo dahil kanina ko pa naririnig na palakad lakad ka kaya nga kumatok ako kasi baka may problema."
"May problema talaga, iba ang pakiramdam ko ngayon. Panay ang galaw ng baby sa tiyan ko at napakainit ng pakiramdam ko. Kanina pa umaalulong ang aso sa labas. Pamilyar ako sa ganito kasi may pinsan ako dati na inaswang din."
"Okay..." nalilitong tumango ito. "Walang masama kung iyon nga ang iisipin natin dahil kapakanan ninyo ni baby ang pinag uusapan dito."
Kinabig siya nito at maingat ang mga kilos na niyakap siya.
"Huwag ka nang matakot, may mga alam naman ako sa ganito dahil may naging yaya akong taga Capiz noong bata pa ako at madalas ko siyang naririnig na ikwento sa mga kasama niya kung paano kontrahin ang mga aswang."
Nang pakawalan siya nito ay hinawakan nito ang isang kamay niya at marahang hinila siya papunta sa kusina. Kumuha ito ng ilang piraso ng calamansi at hiniwa nito ang mga iyon sa gitna.
Inutusan siya nitong maupo sa stool na mabilis naman niyang sinunod. Nagulat siya nang lumuhod ito sa harap niya. Itinaas nito ang laylayan ng malaking t-shirt niya. Hindi na muna nito ipinahid ang calamansi sa tiyan niya. Masuyong hinaplos na muna nito ng mainit na palad ang palibot ng tiyan niya at masiglang kinausap ang anak nila.
"Baby, natakot ka ba? Sabi ni mommy baka may monster daw sa labas kaya babantayan ko kayo ngayong gabi. Huwag ka nang matakot kasi hindi matutulog si daddy hanggang hindi umaalis ang monster."
Naaaliw na pinagmasdan niya si Calvin habang kinakausap nito ang anak nila. Sumipa ang bata at naramdaman siguro nito iyon dahil namilog ang mga mata nito at gulat na tiningnan siya.
"Gumalaw siya!" namamanghang bulalas nito. Natatawang tumango siya.
"Gustong gusto niyang naririnig ang boses mo."
"Talaga?" kumikislap sa tuwa ang mga matang tanong nito sa kaniya.
"Subukan mo ulit siyang kausapin," suhestiyon niya.
"Hi, baby naririnig mo ba si daddy?"
Nakisama naman ang anak nila dahil sumipa ulit iyon.Tumawa si Calvin pero saglit lang iyon dahil bigla itong natahimik hanggang sa narinig niya ang mahinang paghikbi nito. Natigilan siya. Mabilis naman na pinunasan nito ng palad ang mga luha at nilagyan na ng calamansi ang tiyan niya.
Hindi niya alam kung dala lang nang pagbubuntis niya kaya umaatake na naman ang pagiging emosyonal niya. Parang gusto rin niyang umiyak dahil sa naging reaksiyon nito. Hindi niya alam na kahit ang mga daddy pala ay nagiging emosyonal din kapag naramdaman na ang pagsipa ng baby sa tiyan.
Sinundan niya ng tingin si Calvin nang kunin nito ang malaking jar na may lamang asin. Expert talaga ito dahil alam nito na asin ang panlaban sa mga aswang. Magkasama silang bumalik sa kwarto niya. Isinaboy nito ang asin sa bintana at pinto. Kahit sa ibang parte ng kwarto niya ay naglagay din ito ng asin.
Nagbukas din ito ng TV para siguro madistract ang aswang-kung mayroon man nga-at maisip niyon na imposibleng makaatake ito dahil gising ang mga tao sa loob ng bahay.
Himalang nawala ang pagkabalisa niya. Hindi na rin naglilikot ang baby sa loob ng tiyan niya. Nagulat siya nang lumapit sa kaniya si Calvin at inalalayan siya nitong mahiga sa kama. Naupo ito sa tabi niya at masuyong hinaplos ang mahabang buhok niya.
"Matulog ka na, babantayan kita magdamag."
"Pero hindi talaga ako inaantok." Nakalabing sagot niya.
"Hindi pwedeng hindi ka matulog, baka magkasakit ka kung palagi kang magpupuyat."
Mayamaya ay napasinghap siya nang tumabi na ito ng higa sa kaniya. Masuyong hinila siya nito at dinala sa mainit na mga bisig nito. Naipikit niya ang mga mata nang dumikit sa ilong niya ang mabangong amoy ng katawan nito na palagi niyang hinahanap hanap. Napangiti siya nang lagyan nito ng unan ang ibabaw ng tiyan niya.
"Expert ka talaga 'no? pwede ka nang pumalit kay Juan Dela Cruz." Naghihikab na biro niya.
Ang tinutukoy niyang Juan Dela Cruz ay ang lumang teleserye ni Coco Martin.
"Go to sleep." matipid na sagot ni Calvin.
Narinig pa niya ang mahinang pagkanta nito ng lullaby song habang hinahaplos nito ang pisngi niya. Binalot ng hindi maipaliwanag na init ang puso niya nang marinig itong kumanta.
Gusto pa sana ni Laurice na magsalita ulit pero namigat na ang talukap ng mga mata niya. Naramdaman pa niya ang pagdampi ng mga labi nito sa noo niya bago siya tuluyang hinila ng matinding antok.

BINABASA MO ANG
THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)
Romancenote: this is a collaboration series *book 1* Soon To Be Published Under PRECIOUS HEARTS ROMANCES/PHR FOLLOW/READ/VOTE/SHARE