“RELAX ka lang, baka mahawa na rin ako sa kaba mo.”
“I’m sorry,” dalawang beses bumuntong hininga si Calvin muling nagsalita. “Hindi ko lang talaga mapigilan ang kaba ko.”
Normal lang naman siguro ang nararamdaman ni Calvin dahil ngayon nila malalalaman kung babae o lalaki ang magiging anak nila.
Inihanda na niya ang sarili nang makita na may inilagay na aparato ang doktor sa ibabaw ng tiyan ni Laurice. Pinanood lang niya ang nangyayari at pilit na nagconcentrate.
“Malusog ang baby ninyo, maganda ang heartbeat niya.” Sabi ng doktor.
Pinakinggan niya ang heartbeat ng bata na maririnig mula sa ultrasound machine. Bumilis ang tibok ng puso niya nang marinig iyon. Nagsikip ang dibdib niya at ilang beses na napalunok. Hindi niya maipaliwanag ang eksaktong nararamdaman habang nakatitig sa screen at pinagmamasdan ang anak niya.
Wala na sigurong mas sasaya pa sa kaniya ng mga oras na iyon. Gusto niyang sumigaw at umiyak sa sobrang tuwa.
“Congratulations Mr. and Mrs. Herrera, lalaki po ang baby ninyo.”
“My god!” bulalas ni Laurice at mahinang humikbi ito.
Pinisil niya ang palad nito habang umiiyak ito. Mayamaya ay inalalayan niya itong tumayo. Nakipag usap na muna ito sa doktor bago sila magkasamang lumabas ng clinic at sumakay na ng kotse niya.
Pareho silang walang imik habang nasa loob ng kotse. Nakatulala lang siya at nakatitig sa manibela. Hindi niya magawang paandarin ang sasakyan dahil hanggang ngayon ay lumilipad pa rin ang isip niya. Kung hindi pa niya narinig ang paglakas ng hikbi ni Laurice ay hindi pa siya matatauhan. Hindi niya kayang labanan ang pagtakas ng napakaraming emosyon niya.
Pumihit siya paharap sa direksiyon nito at masuyong hinila niya ito palapit sa kaniya. Ikinulong niya ito sa mga bisig niya at hinayaan ang sariling pakawalan ang mga emosyon na kanina pa niya pinipigilan.
Niyakap niya ng mahigpit si Laurice at umiiyak na ibinaon niya ang mukha sa malambot na hibla ng buhok nito.
“Thank you…thank you for accepting me. Thank you for making me happy. Ang akala ko hindi ko na mararamdaman ang maging masaya ulit, pero dumating ka at ipinaramdam mo sa akin ang mga bagay na nakalimutan ko na.”
Umiiyak na sabi niya nang bumitiw ito sa kaniya. Basang basa na ng mga luha ang magkabilang pisngi ni Laurice nang mag angat ito ng tingin sa kaniya.
Ipinaloob niya ang mainit na mga pisngi nito sa magkabilang palad niya at tinuyo niya ang mga luha nito. Pinalibutan niya ng halik ang bawat parte ng mukha nito at buong pagsuyong sinalubong ito ng tingin.
“Marry me, please…..please…” paulit ulit na pagmamakaawa niya. “I’ll be a good husband to you, ibibigay ko ang lahat ng gusto mo, so please…say yes.” Dinala niya ang mga palad ni Laurice sa mga labi niya at paulit ulit na dinampian iyon ng halik.
Nakita niya ang pagkabigla sa mga mata nito. Muling pumatak ang mga luha nito at umiiyak na tumango.
“Yes, payag na akong magpakasal sa'yo.”
Gulat na napasigaw naman siya sa matinding tuwa at niyakap ito ng mahigpit.
“Thank you..” anas niya at hinaplos ang likod ng ulo nito.
“I-I cant breathe,” natatawang sagot nito. Bumitiw lang siya ng kaunti pero hindi siya pumayag na makawala ito sa yakap niya.
Kontentong ipinikit ni Calvin ang mga mata. Binuo ni Laurice ang lahat ng kulang sa buhay niya. Para sa kaniya ay isa itong magandang anghel na ipinadala ng langit para magkaroon na ng kulay ang walang buhay na mundo niya.
Wala na siyang balak na pakawalan pa ito kaya inalok ulit niya ito ng kasal. Alam niyang magiging masaya ang pagsasama nila. Bubuo sila ng isang masaya at malaking pamilya na hindi niya noon nagampanan dahil ipinagkait iyon sa kaniya ng pagkakataon. Willing siyang bigyan ng pagkakataon ang puso niya na maging masaya ulit.
“Anong gusto mong pangalan ng baby natin kapag lumabas na siya?” tanong ni Laurice habang kontentong hinahagod nito ng palad ang likod niya. Ipinatong niya ang baba sa balikat nito at iminulat ang mga mata.
“Gusto kong isunod sa'yo ang pangalan niya”
“He’s a boy, baka lang nakakalimutan mo.” Natatawang sagot nito.
“Misis ko, kahit naman anong name hindi ako magrereklamo, basta ikaw ang nagsabi.”
“Misis mo?” natawa na naman ito at bumitiw sa kaniya.
“Ayaw mo?”
Ngumiti ito at pinisil ang mga pisngi niya.
“Oo na sige na, mister ko, ako na nga ang bahala.”
Hindi na siya sumagot pa at sabik na hinuli niya ang mga labi ni Laurice. Malakas na napasinghap naman ito at awtomatikong iniyapos ang mga braso sa batok niya. Nagpaubaya ito nang lumalalim ang halik na pinagsaluhan nila.
“Let’s go home.” Hinihingal na anas niya.
“Now?”
Mabilis na tumango siya at mayamaya ay nag init ang mga pisngi niya nang mapansin ang pagkaaliw sa mga mata ni Laurice. Nahalata siguro nito ang kakaibang epekto sa kaniya ng halik nito kaya pilyang kinindatan siya nito.
“Now.” Napapalunok na sagot ni Calvin.
Hindi na siya makapaghintay na maramdaman ang init ng katawan ni Laurice at muli itong maangkin.

BINABASA MO ANG
THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)
Romancenote: this is a collaboration series *book 1* Soon To Be Published Under PRECIOUS HEARTS ROMANCES/PHR FOLLOW/READ/VOTE/SHARE