22

1.4K 58 1
                                    


"TULOG na siya?" tanong ni Calvin kay Aya nang madatnan niya ito sa kwarto ng anak nila.

"Nakatulog na siya sa paghihintay sa'yo, nangako ako sa kaniya na gigisingin ko siya ng maaga bukas para magkita kayo bago ka pumasok sa work." Nakangiting sagot ni Aya. Naupo siya sa gilid ng kama at yumuko para halikan sa noo ang anak.

"Kumain ka na ba? Nagluto ako ng paborito mong adobo, gusto mong ipaghain kita?" alok ni Aya. Mabilis na umiling siya.

"Busog pa ako, nakalimutan mo na ba ang sinabi ko sa'yo na hindi mo naman kailangan magluto? Hindi mo trabaho ang pagsilbihan ako."

"Pero ginagawa ko naman 'yun dati 'di ba? Gustong gusto mo na ipinagluluto kita noon."

Hindi na lang siya umimik. Tumayo na siya at walang paalam na lumabas na ng kwarto ni Kevin. Natigilan siya nang sundan siya ni Aya hanggang sa mini bar.

"Pwede ba tayong mag usap?"

Habang kumukuha ng bote ng alak sa stand ay nilingon niya ito.

"May dapat pa ba tayong pag usapan?"malamig na tanong niya. Naupo siya sa isang bakal at pabilog na stool at nagsalin ng alak sa baso.

"Akala mo ba hindi ko alam ang ginagawa mo na pagkagaling mo sa trabaho ay nagpakakalunod ka sa alak?" saway ni Aya sa kaniya.

Sinubukan nitong agawin ang baso sa kaniya pero mabilis na nakaiwas siya at tiningnan ito ng matalim.

"Wala kang karapatan na pakialaman ako!" hindi niya mapigilan na singhal sa babae.

Gumuhit ang matinding sakit sa magandang mukha nito. Iglap lang ay nag unahan na sa pagpatak ang mga luha ni Aya.

"Oo nga pala, sorry kung nakalimutan ko na matagal ko na nga pa lang tinanggalan ang sarili ko ng karapatan na pakialaman ka. Pero kailangan ba talaga na gawin mo ito?" umiiyak na tanong nito.

"At anong gusto mong gawin ko? Alam na ni Laurice ang totoo, hindi ko naman sinadyang ilihim sa kaniya ang lahat, wait, mali ako sa part na 'yun dahil sinadya ko nga pala talaga na huwag ipaalam sa kaniya ang tungkol sa nakaraan ko." Natawa siya ng mapait at muling nagsalin ng alak sa baso niya.

"Alam mo ang laking tanga ko kasi hindi ko magawang sabihin sa kaniya ang totoong nararamdaman ko, ang laking trauma kasi nang iniwan mo sa akin noon."

"Mahal mo siya." Malungkot na sabi nito. "Sinabi ni Gale na hindi ka naging ganiyan noong iniwan kita, hindi mo nilunod ang sarili mo sa alak at matinding lungkot. Nagawa mong lumaban at naibalik mo pa sa dati ang kompanya ninyo, mas napaunlad mo pa nga ang sarili mo. Pero bakit kay Laurice ang duwag mo? Bakit hindi mo magawang sabihin sa kaniya iyong mga salitang hindi ko narinig sa'yo noon? Natatakot ka bang magmakaawa at mareject sa huli? Kaya ba never mo akong pinigilan na umalis noon? Hahayaan mo bang mawala ulit sa'yo ang pangalawang pagkakataon na magmahal at mahalin ka?"

"Hindi mo ako naiintindihan-"

"Naiintindihan kita!" pigil nito sa iba pang sasabihin niya. "G-gusto kong humingi ng sorry sa mga nagawa ko noon sa'yo, Calvin. Nagpadala ako sa utos ng mga magulang ko, inisip ko na paano kung tuluyan ka ng hindi makabangon pa? Pinagbantaan ako ni daddy na kapag hindi ako pumayag na iwan ka ay hindi na nila ako kikilalanin na anak. Aaminin ko, ang laking tanga ko kasi pumayag ako na ang mga magulang ko ang magdesisyon para sa akin. Alam ko naman kasing hindi nila gagawin iyon kung hindi nila iniisip ang kapakanan ko. Pero hinintay kitang pigilan ako, maraming araw kong hinintay noon na sunduin mo ako, pero hindi iyon nangyari. S-siguro nga tama ang mommy ko, hindi tayo para sa isa't isa kaya hindi ko na pwedeng isiksik pa ang sarili ko sa buhay mo. Tama ng minsan na naging parte ako ng buhay mo, ito lang talaga siguro ang kailangan ko. Kailangan lang na magkaroon ng closure sa pagitan natin bago ko tanggapin sa sarili ko na hindi na talaga tayo pwede. Huwag kang mag alala..." ngumiti ito at basa ng luha ang mga pisngi na tinapik siya sa balikat.

"Hindi ko ilalayo si Kevin sa'yo. Nakapagdecide na ako na dito ko na sa bansa palalakihin ang anak natin at bukas ay maghahanap na ako ng condo at school para makapagsimula na kaming mag ina. You can visit him anytime, pwede mo rin siyang hiramin ng ilang araw. Alam kong magiging mabuting ama ka sa kaniya at sa magiging anak ninyo ni Laurice."

Naikurap ni Calvin ang mga mata Naikuyom niya ang palad at tiningnan si Aya.

"Kung pinigilan ba kita noon, makikinig ka ba sa akin?"

"Oo." Taas noong sagot nito. "Pero hindi mo ginawa, Calvin, hinayaan mo akong umalis."

"I-im sorry....." tanging nasabi niya.

"Tapos na 'yun, ayokong nakikita kang ganyan kaya magaan sa loob ko ang pagbitaw ko sa'yo. Ayokong sirain ulit ang buhay mo, ang gusto ko lang ay maging masaya ka, kaya kong tanggapin kahit hindi na ako ang taong magpapasaya sa'yo." Malungkot ang ngiting ibinigay sa kaniya ni Aya saka siya nito tinapik sa balikat.

Sinundan niya ito ng tingin nang umalis ito kasabay nang pagbuhos ng mga luha niya. Para siyang sinampal ng malakas dahil sa mga sinabi ni Aya.

Ipinamukha nito sa kaniya na may naging pagkukulang din naman siya sa nangyari noon sa relasyon nila at ang pagkukulang na iyon ay hindi na niya papayagan pang maulit.

Natuto na siya at kailangan na niyang gumawa ng paraan para hindi tuluyan na mawala sa kaniya ang mag ina niya. Hindi niya papayagan na mangyari iyon. Kung kinakailangan na araw-araw siyang magmakaawa para lang harapin siya ni Laurice ay gagawin niya.

Mahal niya ito kaya nakahanda siyang ibaba ang pride niya kahit pahirapan siya nito sobra. Nakahanda siyang maghintay hanggang sa makulitan na ito at tanggapin ulit siya. Gagawin niya ang isang bagay na sa buong buhay niya ay hindi pa niya ginawa.

Nang mabuo sa isip ang plano niya ay napangiti na lang siya at muling uminom ng alak.

Natauhan na ako at hindi ako papayag na mawala ka sa akin. Pwedeng mawala sa akin ang lahat pero hindi kayo ng anak natin. Hindi ko kakayanin iyon...

------

Happy ending na ba?

THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon