“So….babalik na ulit sa dati ang buhay ko and bang! Mag isa na naman ako.”Exaggerated na nagpakawala si Laurice ng malalim na buntong hininga. Halos maduling na siya sa pagtitig sa hawak niyang kopita ng alak. Huling gabi na ng bakasyon niya sa Macau kaya kailangan na niyang isagad ang pagrerelax niya dahil siguradong magiging busy na naman siya sa trabaho.
Inisang tungga ni Laurice ang laman ng baso pagkatapos ay inilibot ang mga mata sa kabuuan ng malawak na bar. Wala naman siyang nakikitang makakakuha ng interes niya. Maliban sa mga staff ng bar at mga customer na magkakaibang lahi na naroon ay may acoustic band na kumakanta sa gitna ng stage. Nagpakawala ulit siya ng malalim na buntong hininga. Hindi niya masasabi na nag enjoy siya sa isang buong linggong bakasyon niya.
Maganda ang Macau pero hindi niya magawang magsaya ng todo dahil mag isa lang naman siyang namasyal. Hindi kasi niya mahila sa bakasyon si Bunny dahil may sariling lakad ito.
“Dapat siguro talaga na mag asawa na ako.” Napapailing siya nang maalala ang pangungulit sa kaniya ng angkan nila.
Kung alam lang ng lahat na nalulungkot din naman siya. Mahirap kayang magising sa umaga na walang kahit na sino ang sasalubong sa kaniya. Sa gabi naman ay uuwi siya at ang madilim na bahay ang makikita niya kaya mas lalong nakakalungkot.
Ilang beses na niyang kinumbinsi si Lolo Ponchong at ang asawa nito na tumira sa poder niya pero hindi maiwan ng mga ito ang bahay nila sa Quezon. Hindi rin kaya ng lolo niya ang matinding usok sa Manila dahil may asthma ito.
“Hay….” Nagkaroon na ng tunog ang malalim na buntong hininga ni Laurice nang maalala ang naging pag uusap nila kanina ng dating kaklase at kaibigan na si Eliz. Tinawagan siya nito kanina para imbitahan siya sa kasal nito.
Masaya siya para kay Eliz pero aaminin niya na nabigla siya sa nabalitaan. Kagaya kasi niya ito na ilang taon ng single at nakasentro lang ang atensiyon sa trabaho. Ano ba naman ang malay niya na kahit busy sa pagiging TV reporter ay magagawa pa rin nitong maisingit ang love life?
Samantalang siya ay parang na-stuck na at hindi alam ang gagawin dahil narealize niya na siya na lang pala ang single sa batch nila. Kahit ang mga pinsan niya ay nagsipag asawa na.
Bakit ba parang marami siyang realization sa bakasyon niyang iyon? Nalungkot pa siya dahil marami siyang nakasabay na turista na panay mga couple habang siya ay mag isa lang sa pamamasyal. Kanina nga sa Ruins of St. Paul ay para pa siyang tanga na kuha nang kuha ng sariling picture niya.
Hindi niya alam kung bakit parang biglang ang bigat ng dibdib niya. Epekto na rin siguro ng alak kaya maraming negative vibes ang pumapasok sa isip niya. Nang makaramdam ng tawag ng kalikasan ay nagmamadaling tumayo si Laurice.
Diretso pa naman siyang maglakad pero medyo nahihilo na siya. Naglakad siya papuntang left side ng bar kung saan naroon ang restroom. Napaungol siya nang makarating siya sa pinto at makitang maraming okupado ang mga cubicle at may mga naghihintay pa sa labas.
Hindi na niya kayang maghintay pa dahil parang sasabog na ang pantog niya. Nilingon niya ang katapat na mens restroom. Napangisi siya nang mapansin na walang tao doon. O kung mayroon man ay wala na siyang pakialam pa. Wala siyang balak na maihian ang dress niya at magkalat.
“Okay…” kumilos na siya at lumipat sa kabilang restroom. “Ooops!” napangiwi siya at nag-peace sign nang makita na may mga lalaki pala sa hilera ng urinal sa bandang kaliwa ng restroom.
Hindi niya iyon napansin kanina dahil mula sa labas ay ang sink at cubicle lang naman ang makikita.
“You girl, you girl!” sabi ng isang lalaki sa puntong Cantonese. Kahit napahiya ay natawa siya at itinuro ang sarili.

BINABASA MO ANG
THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)
Romancenote: this is a collaboration series *book 1* Soon To Be Published Under PRECIOUS HEARTS ROMANCES/PHR FOLLOW/READ/VOTE/SHARE