19 (revelation)

1.3K 55 4
                                    

“BAKIT ba biglaan ang uwi mo?” nalilitong tanong ni Calvin kay Gale habang kausap niya ito sa cellphone.

Lakad takbo na ang ginawa niya nang lumabas siya ng elevator dahil pinagmamadali siya nitong bumalik sa opisina niya kung saan ito naghihintay ngayon.

“Importante ito, please lang bilisan mo na.”

“Oo na!” Nakasimangot na pinutol na niya ang tawag.

Wala siyang ideya sa sasabihin nito at sa dahilan ng biglang pag uwi nito. Napailing na lang siya at pumasok na sa loob ng opisina.

“Ate, ano ba kasing big news ang sinasabi mo at—” natigilan siya nang makita na hindi lang si Gale ang naroon sa opisina niya.

Nakatayo sa tabi nito ang babaeng kahit isang beses ay hindi na niya pinangarap na makita pa ulit.

Tumalim ang tingin niya kay Gale.

“Anong ibig sabihin nito?” mariing tanong niya sa kapatid. Q

Kung bumubuga lang siguro ng apoy ang mga mata niya ay kanina pa nagliyab ang buong opisina.

“Calvin, kailangan ninyong mag usap ni Aya, may importante siyang sasabihin sa'yo—”

“Ate!” parang sasabog na ang dibdib sa sobrang galit na sigaw niya.

“Sa tingin mo ba matutuwa ako sa ginawa mo?”

“Calvin, please, makinig ka—”

“Umalis na kayo!” sigaw ulit niya.

Mabilis na namagitan si Aya sa kanilang magkapatid. Lumapit ito sa kaniya at hinawakan siya sa balikat.

“We need to talk, Calvin, please, kailangan mo akong pakinggan.” Umiiyak na pakiusap ni Aya sa kaniya.

Natawa siya ng mapakla at tinabig ang kamay nito. Hindi niya alam kung saan ito kumukuha ng lakas ng loob na magpadala ng email at magpakita sa kaniya.

“Naririnig mo ba ang mismong sinabi mo? Hindi nga kita magawang tingnan ng matagal, tapos gusto mo pang mag usap tayo? Tapos na tayo 'di ba? Hindi ka na nag e-exist sa buhay ko kaya ano pa ang pag uusapan natin? Tama na, Aya, ayokong makita ka pa ulit dahil baka masumbatan lang kita.”

Lumakas ang pag iyak nito.

“Gusto kang makita ng anak mo. Nangako ako sa kaniya na ipapakilala ko siya sa daddy niya kaya sana naman pakinggan mo ako, Calvin..please?”

“A-anak?” gumuhit ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya.

Nalilitong tiningnan niya si Aya. Ngumiti naman ito at ibinaling ang tingin sa bandang kaliwa nito.

Nagsikip ang dibdib niya nang mapansin ang batang lalaki sa tabi nito. Walang kakurap kurap ang mga mata ng bata habang nakatingin sa kaniya.

“Anak mo siya, 'yun ang gusto kong sabihin sa'yo nang malaman ko na nasa Hongkong ka.” umiiyak na sabi ni Aya saka ito mahinang tumawa.

“Hindi naman maitatanggi 'di ba? Kamukhang kamukha mo si Kevin, kahit ang kulay ng mga mata ninyo ay parehong pareho.”

“P-paanong..” nalilitong nahagod niya ang batok.

Hindi niya mapigilan ang mapaiyak nang maramdaman na parang may kung anong pumitik sa dibdib niya habang pinagmamasdan ang bata.

“Hindi ko alam na buntis ako nang makipaghiwalay ako sa'yo noon, nang malaman ng mga magulang ko ang tungkol sa pagbubuntis ko ay nagdesisyon silang huwag nang ipaalam sa'yo ang totoo. Umalis ako noon ng bansa at sumama sa kanila sa Hongkong na katulad ng gusto nilang mangyari at pinilit na kalimutan na lang ang lahat. Pero habang lumalaki ang anak natin ay hindi ko na magawang itago sa kaniya ang totoo kung bakit hindi niya kasama ang daddy niya. Six years old na siya kaya natural lang sa kaniya na magtanong at maghanap ng ama. S-sorry kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na magpakita ulit sa'yo. Ngayong wala na si daddy at wala ng magkokontrol pa sa buhay naming mag ina, tatanggapin mo ba kami, Calvin? T-tatanggapin mo pa ba ulit ako?”

Tinakpan niya ng mga palad ang mukha at pinakawalan ang malakas na hagulhol niya. Mayamaya ay naramdaman niya ang pagyapos ng maliit na mga braso sa isang binti niya.

“Daddy.”

Nagbaba siya ng tingin at nang makita si Kevin na nakayakap sa binti niya ay umiiyak na kinarga niya ito at niyakap ng mahigpit. Para siyang mamamatay sa matinding sakit na gumuguhit sa dibdib niya.

Bakit ba ginagawa sa kaniya iyon ng tadhana?

Kung kailan masayang masaya na siya ay saka naman siya nito bibigyan ng sorpresa na parehong magpapasaya at dudurog sa puso niya?

THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon