HUMAWAK si Blaire sa railing ng barko. Pumikit siya at hinayaang liparin ng hangin ang kanyang buhok. Malamig ang hanging-dagat pero hindi niya iyon iniinda. Hindi siya matatahimik kaya nagdesisyon siya na alamin ang totoo. Tulad ng payo ng pinsan niyang si Bella, palihim ang magiging pag-iimbistiga niya. Iyon nga lang, hindi niya alam kung papaano siya magrereact kapag nakumpirma niya na totoo ang sinabi ni Jacob. Maghi-hysterical ba siya, manunumbat, o isasalba ang pride niya? She'll just cross the bridge when she gets there.
Nagmulat siya ng mga mata. Sa madilim na paligid ay kapansin-pansin ang mga kumukuti-kutitap na mga ilaw. Malapit na silang dumuong sa pier ng Batangas. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Blaire bago siya bumalik sa inuupuan. Naroon lamang siya sa outer deck ng barko kasama ang ilang matatandang pasahero na hindi gusto ang amoy ng aircon sa loob.
Pagkaraan pa ng mahigit kalahating oras ay nakababa na ng barko si Blaire. Her wristwatch says it was midnight. Dere-deretsong tinungo niya ang terminal ng mga bus na pa-Maynila at sumakay sa kaalisan. Tinanggal muna niya sa pagkakasukbit sa kanyang likod ang kanyang backpack na dala bago siya naupo sa upuang malapit sa bintana. Gabi at wala siyang tanawin na matatanaw sa labas ng bintana kaya lang kasi ay nasanay na siya na laging window seat ang inuukupa. Ipinatong niya ang backpack sa kanyang mga hita. Blaire rested her head at the headrest of the seat. Ipinikit niya ang kanyang mga mata kahit hindi naman nakakadama ng antok. Naramdaman niya nang may umukopa sa katabi niyang upuan. Babalewalain na iyon ng dalaga nang pumasok sa ilong niya ang amoy ng katabi niya. The scent is an expensive male musk. Pamilyar iyon sa kanya. Binuksan niya ang kanyang mga mata at desimuladong sinulyapan ang katabi. "Jacob?" gulat na bulalas niya. Napuna niya na ang suot pa rin ng binata ay iyong suot nito nang kumain sila sa Florida's. Pero kaninang paglabas niya sa building ay wala na sa parking space ang kotse nito.
Tipid na ngiti ang isinagot ng binata sa kanya. "I followed you, obviously. Sakay din ako sa barko na sinakyan mo. Naisip ko na baka kailangan mo pa ng kaunting oras para mag-isip kaya hindi kita inistorbo."
"Ano? Pero bakit?" Kung ganoon ay nakita nito ang mga pagkakataon na nagpapahid siya ng mga luhang ayaw paawat sa pagtulo?
"I felt responsible for your sadness." Jacob sighed. "What are your plans, Blaire? Kukumprontahin mo ba siya?"
"Sa palagay ko ay labas ka na roon," pagsusuplada niya.
"I don't think so. As I've said I felt responsible for your sadness. Ako ang naghatid sa 'yo ng balita, hayaan mong samahan kita sa pagtuklas mo sa totoo."
Umiling siya. "Hindi kita kailangan."
"Nangako ako kay Megan na aalalayan kita."
"No."
"I'm sorry pero hindi mo ako maitataboy," anito, nasa tinig at ekspresyon ng mukha ang determinasyon. Tumiim ang mga labi ni Blaire. "Come on, Blaire. Kalimutan mo muna ang inis mo sa akin."
Blaire snapped. Tuluyang umalpas ang sama ng loob niya. "Inis ko sa 'yo? Yeah right! Naiinis nga ako sa 'yo. Marami kang atraso sa akin. Tapos ngayon ano? Nakakita ka na naman ng maipang-iinis mo sa akin? Masasaksihan mo ang mga pag-iyak ko, ang mga weak moments ko, pagkatapos gagamitin mo 'yon na pang-asar sa akin sa mga susunod na araw?" Hindi napigilan ng dalaga ang pag-iinit ng mga mata niya. Namuo ang mga luha roon at tuloy-tuloy na tumulo.
"Blaire..." Pumaloob ang palad ng binata sa likod ng kanyang ulo. Pagkatapos ay marahan siyang kinabig para yakapin. Blaire resisted. Pero tuluyang nadala ng binata ang kanyang ulo patungo sa balikat nito. "I will never ever use it against you. I promise," marahang wika nito. "Hayaan mong bumawi ako sa 'yo. Kung gusto mo ay sa akin mo ibuhos ang frustrations mo. I am your friend, Blaire. And I will be there for you."
BINABASA MO ANG
Valencia Brood Series Book 8: Jacob Valencia (Completed)
RomantikJacob Valencia's story