NAIINIS na binitiwan ni Blaire ang mga resibo na dapat niyang i-encode at i-tally sa expenses ng kanilang negosyo, ang Sebastian Trucking Services. Dapat ay kanina pa niya natapos iyon pero wala siyang maunawaan sa ginagawa niya. Ang kanyang ulo ay ukopado ng isipin na hindi rin nagpatulog sa kanya kagabi.
"A date with Jacob Valencia?!" tila sirang plaka na paulit-ulit na sambit ni Blaire. "No. It's not really a date..." Umiling siya. Pagkatapos ng isang taon na pananahimik nito, heto at mukhang may oras na naman ito para mang-asar. Sa kamalas-malasan, siya ang napagtitripan ng kumag na iyon. Isa pa, bakit siya makikipag date gayong siya ay may karelasyon ngayon? She had a boyfriend, for Pete's sake! At alam ni Jacob ang bagay na iyon. Friendly date nga lang daw, Blaire. Pagbigyan mo na, sulsol ng isang bahagi ng isip niya na obvious na itinutulak siya para pumayag.
Isinandal ni Blaire ang kanyang ulo sa headrest ng swivel chair at ipinikit ang mga mata. Tubong Naujan din ang mga Sebastian at sa Mindoro na piniling magtatag ng negosyo. Hindi sila matatawag na sobrang mayaman pero maalwan din naman ang pamumuhay nila. Bagama't parehong taga-Naujan, teen-ager na sila ni Megan nang magkakilala sila at maging magkaibigan. Hindi naman kasi sa Pilipinas naka-base ang mga ito. Pabakabakasyon lamang sa Pilipinas sina Megan. Apat na taon na ang nakakaraan mula ng ipasya ng mga ito na manatili na ng Pilipinas. Mula noon ay naging malapit na magkaibigan sila ni Megan. She was now 22 years old. Accounting graduate. Siya na ngayon ang namamahala pagdating sa pinansiyal na estado ng kanilang negosyo habang ang kuya niya ang nagpapatakbo niyon.
"May dinaramdam ka ba, anak?" anang tinig ng kanyang ina na si Mirasol. Ni hindi namalayan ni Blaire ang pagpasok nito sa kanyang opisina. Nagmulat ang dalaga ng mga mata at umayos ng upo.
"Wala naman po." Nginitian niya ang ina. Tumayo siya at hinagkan ang ina sa pisngi. "Napadaan po kayo? Si Papa?" The Sebastian Trucking Services office is located in the heart of Naujan. Sila ng kuya niya ang namamahala niyon dahil ang mga magulang nila ay mas gustong magtanim sa kanilang maliit na farm. Ang bahay naman nila ay matatagpuan sa isa sa mga liblib na barangay ng Naujan, an almost half an hour drive.
"Nariyan sa tapat ang ama mo at kumukuha ng abono. Dadaanan na lang namin ang mga iyon mamayang pauwi. Bale ba nagyayang kumain ng tanghalian sa mall ang papa mo. Kako baka hindi busy at gusto mong sumama sa amin? Pagkatapos niyon ay manood tayong sine."
"Ahh," she muttered, smiling. "Naku, 'Ma, kayo na lang po. Ayokong makaistorbo sa inyo ni Papa." Mukhang magde-date ang mga magulang niya at ayaw naman niyang bumuntot-buntot sa mga ito. Hindi katulad noong bata pa siya na halos maglupasay siya sa paghabol sa mga ito kapag umaalis sila ng bahay.
"Sus. Ano bang istorbo? Ikaw na bata ka, oh."
Natawa si Blaire. "Next time na lang po ako sasama, kapag kasama rin si Kuya." She grinned. Tuluyan na ring nagpaalam ang ina niya. Pagkaalis nito ay nakatanggap naman ng tawag si Blaire mula sa kanyang boyfriend. "Paul..." nagagalak na anas niya.
"Kumusta?" anito. Paul had been her boyfriend for two years. Ito ang first love niya at first boyfriend. Dahil sa tiyagang ipinamalas nito sa panliligaw kaya na-develop na rin ang damdamin niya para rito. Masaya siya kay Paul. He was an ideal boyfriend, if she may say so. Apat na buwan na ang nakakaraan mula ng bumalik siya ng Naujan at tumulong sa pagpapatakbo ng negosyo nila. Simula noon ay naging madalang na ang pagkikita nila bagama't lagi naman silang nag-uusap sa telepono. Kapag weekends at libre si Paul ay dumadayo ito sa kanila, ganoon din siya.
"AHH! Breathtaking!" bulalas ni Jacob habang pinapanuod ang unti-unting paglubog ng araw sa bandang kanluran ng hacienda. Nasa burol siya noon kasama ang panganay na kapatid na si Brandon. Araw-araw na niyang napapanood ang eksenang iyon pero sa tuwina ay hindi niya maiwasan na hindi mamangha.
Apat na taon na ang nakakaraan ng permanente na siyang nanirahan sa Pilipinas. Kung dati ay pinapayagan lamang ang younger generation na permanenteng umuwi ng Pilipinas kapag nakapagtapos na ng pag-aaral, ngayon ay hindi. Puwede umuwi ang mga kabataan kung iyon ang nais ng mga ito. Halos lahat ay ginusto na permamente ng umuwi ng Pilipinas kaya marami na sila rito. Ang iba ang nag-aaral pa sa Maynila, bagama't marami pa ring naiwan sa San Fransisco.
"Sigurado ka na ba talaga? Na pag-a-asyenda ang gusto mo? Ayaw mong magtayo ng kumpanya sa siyudad?" ani ni Brandon, ang panganay niyang kapatid.
Tumango si Jacob. He was twenty five years old now and he knew what he wants. "Sigurado na ako. Sapat na ang tatlong taon na pamamahala ko rito sa Hacienda Catalina para matiyak ko sa sarili ko na ito ang landas na gusto kong tahakin. Gusto ko ng lupa na mabubungkal at mapagyayaman. Bukod doon gusto ko ring mag-breed ng mga kabayo."
Three years ago ay siya na ang namahala sa asyenda Catalina. Ni hindi manlang siya naenganyo na magtayo ng negosyo sa Maynila katulad ng Kuya Brandon niya at iba pang pinsan. Ang gusto niya ay buhay asyenda.
"Kunsabagay, noong nasa California pa tayo, bata ka pa lang ay gustong-gusto mo na sa rancho nina Tito Alex. Doon mo gustong gugulin ang weekends mo at holidays. Bata ka pang talaga, sanay ka ng sumakay at magpatakbo ng kabayo. No wonder we can not outsmart you when we are racing."
"Right." Nangingiting pagsang-ayon niya. Bagama't noon akala niya ay ang mga kabayo lamang ang habol niya sa rancho ng tiyuhin nila sa California. He never knew then that he wants all of it.
"So nakahanap ka na ng mabibiling lupa?"
"That's where I want your help, Kuya. Tulungan mo akong makahanap ng mabibiling lupa. If possible, gusto ko na dito rin sa Mindoro, para malapit dito sa Catalina ng sa gayon ay maasikaso ko pa rin ito. Si Tito Alex naman ang hihingan ko ng tulong pagdating sa mga kabayo na i-be-breed ko."
"Okay, walang problema. I'll work on it personally."
"Thanks," aniya. "Paano, Kuya, mauuna na ako sa 'yo. Naka-oo ako kay Flint na dadalo ako sa opening ng coffee house niya sa bayan."
"Kaya pala nakabihis ka," anito. On the way na sana si Jacob papuntang bayan kaya lang ay naakit siya sa gandang isinasabog ng paglubog ng araw kaya ipinasya niyang dumaan ng burol at panoorin iyon. Halos magkasunod lang silang dumating doon ng kuya niya. "You go ahead."
"'Kay."Sumakay na si Jacob sa kabayo niya at matuling pinatakbo iyon patungo sa gate ng grand villa. Nang naroon na ay isang guwardiya ang sumalubong sa kanya at kinuha mula sa kanya ang renda ng kabayo. Ito na ang maghahatid ng kabayo sa nakatakdang kuwadra roon, habang siya ay kukunin naman ang kotse niya sa garahe. Ilang minuto pa at binabaybay na ni Jacob ang daan patungong kabayanan.
Pasipol-sipol si Jacob habang nagmamaneho. Bukas ang mga bintana ng sasakyan. Mas gusto niyang samyuhin ang sariwang hangin sa kanilang probinsiya at ang natural na lamig niyon. Dalawang buwan mula ngayon ay panahon na ng anihan ng mga palay. Sa panahong iyon ay mas masarap samyuhin ang hangin dahil mas mabango iyon. Tunay na tahimik at payapa roon. Hindi niya ipagpapalit ang tahimik na probinsiya sa matataas na buildings ng kamaynilaan. Kahit naman noong nasa California pa siya ay mas gusto niya sa hacienda ng Tito Alex niya at---natigil ang daloy ng isip ng binata ng madaan siya sa tapat ng tatlong palapag na establisiyemento ng Sebastian Trucking Services. Ang unang palapag niyon ay renting space ng mga ibat-ibang shops. Ang ikalawa ay ang pinakaopisina ng STS. Ang ikatlong palapag, sa pagkakaalam niya ay limang pinto ng apartment na pag-aari rin ng pamilya nito. Napansin ni Jacob na may mga bukas pang ilaw sa ikalawang palapag.
Pumalatak siya. "Blaire." Oh, he was sure it's Blaire. Si Blake kasi, ang kapatid nito, ay nasa Maynila. Alam niya dahil nakita at nakausap niya ito noong isang araw na lumuwas siya ng Maynila dahil sa kaarawan ng anak ni Brandon. It was also then that he saw Paul---Blaire's boyfriend.
BINABASA MO ANG
Valencia Brood Series Book 8: Jacob Valencia (Completed)
RomanceJacob Valencia's story