Prólogo

1.6K 123 35
                                    


Malalim na ang gabi, pero heto ako parang isang baliw na nagtatatakbo  sa gitna ng madilim na kagubatan. Hindi alintana ang masukal na daan na aking tinatahak. Wala na akong pakialam kung nasusugatan man ang aking katawan dahil sa mga matatalim na kahoy na aking nadaraanan.

Gusto ko nang makalayo sa lugar na ito, makalayo sa mga taong inakala ko'y totoo. Ang mga taong inakala kong mapagkakatiwalaan ko ng lubos. Ngunit ang lahat ng iyon ay akala ko lang pala, dahil katulad lang din sila ng iba na mapagpanggap.

Hindi ko alam kung saan ako daldalhin ngayon ng aking mga paa. Hanggang sa hindi ko na namalayan  ang isang malaking ugat ng puno sa aking harapan, napasubsob ako sa lupa na siyang nagpahapdi sa aking mukha .

Pinilit kong tumayong muli upang magpatuloy sa pagtakbo, ngunit ang aking mga paa'y tila sumusuko. Napahawak ako sa mga 'to at doon ko lamang namalayan na wala pala akong sapin sa paa, mayroon din akong nakakapang mga tinik na siyang bumaon dito.

Isa-isa ko itong tinanggal sa aking mga paa.
Umaasang sa pamamagitan ng sakit na dulot nito'y maibsan ang nararamdaman ng aking puso, ngunit maging ito'y tila namanhid na rin.

Ganito ba talaga kalaki ang epekto ng ginawa nila sa akin? Halos wala na akong maramdamang sakit?

Bahagya akong natawa sa aking sarili, para akong masisiraan ng bait. Gusto kong umiyak, gusto kong tumawa, hindi ko na maunawaan ang halo-halong emosyon na aking nadarama.

Napahawak ako sa aking dibdib, nang unti unti kong nararamdaman ang pagkirot ng aking puso.
Sumisikip ang daluyan ng hangin na siyang daanan ng aking hininga.

"Bakit kailangan mangyari ito sa akin? Ano ba ang nagawa kong kasalanan at bakit ako ang kailangan magbayad sa mga bagay na hindi ko naman ginawa? Bakit ako ang kailangan magparaya?"

Tuluyan na akong napahagulgol, dahil hindi ko na kinaya pang itago ang aking mga luha na bunsod ng sakit na aking nadarama.

"Bakit nagkaganoon? Hindi ba't ako ang nawalan? Hindi ba't ako ang tinanggalan ng karapatan? Bakit parang ako lang ang nasasaktan? Bakit ngayon pa kung kailan natutunan ko na ang umibig at maging masaya. Hindi pa ba sapat ang lahat ng aking nagawa?" Sunod sunod na tanong sa aking sarili.

Napatingala ako sa madilim na kalangitan, pilit na hinahanap ang mga nagkikislapang bituin. Umaasa ako na mabibigyan ng kasagutan ang lahat ng kasinungalingan na aking natuklasan. Mga pawang kasinungalingan lamang ang aking narinig at walang bahid ng katotohanan ang lahat ng kanilang tinuran.

Ngunit maging ang kalangitan ay pinagkaitan din ako ng kasagutan sa lahat ng aking katanungan. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata, pinagsiklop ko ang aking mga kamay at taimtim na nanalangin.

"Bihira lamang po ako humiling ng para sa aking sarili, pwede po ba na sa pagkakataong ito ibigay niyo naman po ang para sa akin. Sabihin niyo po, ano po ba ang dapat kong gawin para makasama ko sila?"

Umihip ang napakalakas na hangin na siyang nagbigay ng kakaibang lamig sa aking katawan, kasabay nito ang pagdagundong ng kagubatan dahil sa lakas ng kulog na pinakawalan ng kalangitan.

Napadilat ako ng isa-isang pumatak ang ulan sa aking pisngi, at tila'y naging isang musika sa aking pandinig ang sabay-sabay na pagbuhos nito sa mga dahon ng mga puno at halamanang nasa aking paligid.

La Dama del PasadoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon