Capítulo 18 - Escolta

239 39 71
                                    

"Binibini, baka mahagip po ang inyong mukha sa dumaraang karwahe," suway ni Lusiya.

Nakadungaw kasi ako sa bintana, at dinadama ang sariwang hanging dumadampi sa aking mukha.

"Huwag kang magalala, hindi naman nakalabas ng buo ang ulo ko," nakangiti kong tugon.

Tumawid na kami ng tulay at napaawang ang bibig ko nang makita ang orihinal na ganda ng ilog pasig. Sinasalamin nito ang kalangitan na nagbibigay ng kulay bughaw sa ilog, at parang brilyanteng kumikislap, sa tuwing nasisinagan ng araw. May mga bata na tuwang-tuwa sa paliligo, habang ang ilang mangingisda ay abala sa pagsagwan ng kanilang mga bangka.

Ganito pa rin sana kalinis ang ilog pasig sa kasalukuyang panahon, kung nagawa lamang itong alagaan ng mga sumunod na henerasyon.

"Binibini?"

"Hmm?"

"Napapansin ko po, naiibigan niyo ang pagbabalat-kayo sa tuwing lumalabas po tayo." Bihirang magtanong si Lusiya tungkol dito, dahil na rin siguro sa kuryusidad.

"Sa pamamagitan nito, magagawa ko ang mga bagay na nais kong gawin. Walang taong nakatingin sa bawat kilos ko. Hindi ko na aalahanin pa kahit pagusapan o husgahan man nila ako," paliwanag ko na hindi man lang inaalis ang paningin sa daanan.

"Para po bang ibon? Malaya sa paningin ng mga tao?"

Napalingon ako sa kaniya at umayos ng upo. "Parang gano'n nga, Lusiya. Kapag nabibilang ka sa isang kilalang pamilya, lahat ng mga mata ay nakatuon saiyo. May iba na pupurihin ka, at may iba namang naghihintay na magkamali ka."

Ang totoo, wala naman akong pakialam sa iisipin ng ibang tao, kahit hindi ko na gawin ang pagbabalat-kayo. Kaso ito ang naisip kong paraan, para malaman kung sino ang kakampi at kung sino ang kalaban, lalo pa't maraming tao ang konektado sa pamilya ng Montemayor.

"Kakaiba nga po talaga kayo," saad niya na kumikislap pa ang mga mata. Hindi ko alam kung sadyang humahanga lang siya o naiiba ang tingin niya sa'kin dahil sa aking pananaw.

Nginitian ko siya ng matamis. Tinapik ang kaniyang ulo, sabay gulo ng kaniyang buhok.

"Binibini, mahirap pong ayusin ang aking buhok," nahihiya niyang reklamo.

Tinawanan ko lang siya. "Saan nga pala tayo pupunta?"

"Paroroon po tayo sa Calle de la Escolta," sinuklay niya ang buhok gamit ang kanyang mga daliri.

Gumapang ang ngiti sa aking mukha. Ito ang unang beses na pupunta ako ng Escolta, ang sentro ng komersiyo sa panahong ito.

Kung hindi ako nagkakamali, ang kalye Escolta ay tahanan ng magagandang halimbawa ng disenyo ng mga unang matataas na gusali sa Pilipinas.

Minsan na rin itong binansagang Queen of Streets ng Maynila. Hinangaan at naihalintulad sa bansang Europa, dahil sa arkitektura at ambiance na binibigay ng lugar.

Pero sa kasalukuyan panahon, iilan na lamang sa mga gusaling ito ang nakatayo. Karamihan ay nasira na dahil sa lindol o world war two.

Tuluyan na kaming nakapasok sa Escolta,
hindi ko maiwasang hindi mamangha sa mga malalaking negosyo na nakapalibot sa amin, para akong nasa ibang bansa.

Mayamaya'y tumigil na ang sinasakyan naming karwahe sa tapat ng tindahan. Naunang lumabas si Lusiya sa akin, at nagawa na rin akong alalayan ng kutsero sa pagbaba.

Napatingala ako sa kabuuhan ng tindahan, may kataasan ito at halos dalawang lote ang inuukupahan nito. Ang kaniyang diseniyo ay maihahalintulad sa imprastrakturang nakita ko sa Europe.

La Dama del PasadoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon