Sa bawat kalsada na aming nadadaanan ay sinusulit at tinatandaan ko na. Kung sa present time, alam ko ang pasikot-sikot sa loob ng Intramuros, dahil sa mga gusaling aking nakagisnan, at naging tambayan ko rin ito noong mga panahong ako'y nagaaral pa.
Pero sa panahong ito aminado akong hindi ko ito nakilala, para tuloy akong dayuhan sa sariling kong bayan. Namamangha kasi ako sa aking mga nakikita, dahil lahat ng ito ay bago sa aking paningin.
Magmula kasi sa mga gusali na nakahilera sa bawat kalye, mga guardia civil na nagpapatrol at mamayanan na todo ang bihis at masayang naglilibot. Hindi ko maiwasan na makaramdam ng saya at kaba, na para bang ito ang tunay kong panahon.
"Binibining Isay, nandito na po tayo sa Plaza Mayor," wika ni Emilio sa amin.
Napatingin ako sa aking harapan, at bahagyang napaawang ang aking bibig.
Ang ganda...
Lumapit ako sa monumento ni King Charles IV, wala pang fountain na nakapalibot dito kaya talagang nasuri ko ito ng mabuti. Sa pagkakatanda ko, inalis ito noong 1960 at pinalitan ng monumento ng Gomburza, 'di kalaunan naibalik itong monumento ni King Charles noong 1981. Nararapat lang naman na nandito ito, dahil siya ang nagpadala ng unang batch ng bakuna para sa bulutong dito sa Pilipinas.
Inilibot ko pa ang aking paningin sa buong paligid, ginawa na nga itong isang hardin at pwede ka pang maupo at magmuni-muni. Pero napansin ko na parang under construction ata ang Manila Katedral, Palacio del Gobernador at Casas Consistoriales (Ayuntamiento de Manila).
"Emilio, ano ang nangyari dito?" tanong ko at naupo sa kaniyang tabi, habang si Lusiya naman ay nagpaalam para bumili ng aming makakain.
"Binibini, nagkaroon ng lindol noong Hunyo 3, 1863 na sumira sa tatlong mga gusali at karamihan sa lungsod. Kaya hanggang ngayon ay inaayos pa ang mga ito," sagot niya habang nakatuon parin ang atensyon sa binabasa niyang libro.
"Kung ganon nailipat na ang tirahan ng Gobernador-Heneral sa palasyo ng Malacañang," ani ko. Tumango-tango naman si Emilio sa aking sinabi.
Napapikit ako nang maramdaman ko ang malamig na simoy hangin. Tanghaling tapat na pero hindi ko ramdam ang init, kahit na medyo makapal ang aming suot. May naririnig pa akong huni ng mga ibon sa kalapit na puno at mga mahihinhin na tawa, mula sa grupo ng mga kababaihan dumaan sa aming harapan.
"Binibini, maganda ba ang Pilipinas sa kasalukuyang panahon?" biglang tanong ni Emilo sa mahinang tono, sapat na para ako lamang ang makarinig nito.
Napamulat ako ng mga mata, at napalingon sa kaniya. Hindi na ako magtataka kung bakit alam niya na nanggaling ako sa hinaharap, dahil isa siya sa nakakita kung paano kami napadpad sa panahong ito.
"Oo naman," masaya kong wika.
Napatigil siya at binaling ang tingin sa akin, para bang hindi siya naniniwala.
"Sabi ni Ginoong Edmundo, maingay daw at mausok, nagkalat rin daw ang mga dumi sa paligid. Mukhang walang disiplina ang mga tao sa kasalukuyang panahon," deretso niyang saad.
Napangiwi ako dahil 'dun. Aminado ako na tama naman ang sinabi sa kanya ni Ginoong Edmundo, pero hindi ko inaasahan na nakarating na pala ito sa present time.
"Oo, totoo iyon," sagot ko hindi naman ako pwedeng magsinungaling sa kaniya. "Maingay at mausok dahil sa mga modernong sasakyan, hindi katulad dito na ang pangunahing transportasyon ay mga kalesa o karwahe lamang. Madumi dahil karamihan sa mga Pilipino ay walang disiplina sa sarili, basta na lamang nagtatapon ng basura kung saan-saan. Malayo sa panahong ito kung saan napapanatili pa ang kalinisan ng kapaligiran." Hindi ko rin alam kung bakit napabayaan na ng mga sumunod na henerasyon ang orihinal na ganda ng Pilipinas.
BINABASA MO ANG
La Dama del Pasado
Historical FictionLa Dama del Pasado (The Lady from the Past) Sabi nila tayong mga tao ang gumagawa ng ating kapalaran. Pero paano kung ang kapalaran na ito ang siyang mismong magtatakda ng iyong buhay, may paraan pa kaya para mapigilan ito? Ako si Isabelle Louise F...