Kabanata 18

1K 33 6
                                    

Araw ng Sabado. Kasalukuyan akong naglalakad sa kanto patungo sa aming bahay, galing kasi ako sa palengke dahil inutusan ako ng aking lola para bumili ng uulamin mamaya at mga stocks. Nagpabili rin pala ng tirador (slingshot) 'yung tito ko dahil gagamitin niya 'to sa fishpond pantaboy ng mga makukulit na tagak. Dahil nga nasa dugo ko ang pagiging kuripot minsan ay hindi na ako sumakay pa ng traysikel pauwi dahil hindi rin naman kalayuan ang bayan dito sa'min. Tsaka, may short cut naman akong alam.

Habang sa ganoong paglalakad ko ay nanunuot sa'king balat ang init ng araw. Ang mga makukulay na kabahayan sa magkabilang gilid ng daan ay nanaig ang nakakabinging katahimikan. Ngunit, may mga ilan ding tao na naglilinis sa kanilang bakuran at ang iba ay naglalaba, at suki ako sa kanilang mga katanungan kung saan ako nagpunta tsaka kung bakit ako naglalakad sa ilalim ng araw?

Nang makaliko ako't dumapo rito sa isang bakanteng lote na binabakuran ng mataas na pader ay naaninag ko ang grupo ng mga lalaking hindi naman malayo sa'king edad. Tila ba may ginagawa ang mga ito dahil mayroon silang pinagsisipa at ang iba sa kanila ay sinusuntok ang isang binatang nakahandusay sa lupa. Dito ay unti-unting namuo ang kaba sa'king puso habang naglalakad palapit.

Napasigaw ako sa'king isipan nang maaninag ko ang mukha ng binatang pinagkakaguluhan nila, "uy gagi si Florence iyon a!" Kaagad akong nagtago sa pader habang yakap-yakap ang mga pinamili. "Sa lahat ng lugar na pwede ko siyang makita, hindi ko inaasahang dito pa sa kalagitnaan ng rayot! Ano bang gustong gawin ng taong 'to? Gumagawa ba siya ng headline niya para makilala iyang pagiging hambog at basagulero niya o baka naman sinusubukan ni Lord 'yung rescue skills ko sa mokong na 'to?"

Ang malas naman oh! Alangan namang tatakbuhan ko itong tao na 'to edi mas lalo akong lalamunin ng konsensya ko. Isip! Isip!

"Alam ko na!" Dali-dali kong hinugot ang binili kong tirador sa aking hawak na bayong at kaagad na pumulot ng maliit na bato. Kaagad kong hinila ang goma nito at pinakawalan nang tumama sa likod ng isang lalaki. Narinig ko ang kanyang daing at halos mapapikit siya sa kirot.

"Tangina may nambabato!" Sigaw nito na halos mapapikit sa tama ng bato. Dito, naisipan kong magpaulan ng bato gamit ang binili kong tirador, at dito'y halos magkagulo sila na parang pinapak ng antik.

Kaagad akong lumabas at hinugot ang binili kong bangus saka winasiwas sa hangin, "anong kabulastugan 'tong ginagawa niyo sa kaklase ko?" Sigaw ko.

"Malamang binubugbog bulag ka ba?"

"I mean bakit niyo siya binubugbog?"

"E bigla-bigla na lang nag aamok itong hunghang na 'to e. Akala mo kung sino?" Sagot ng isa.

"Tama na 'yan, kung hindi ay isusumbong ko kayo sa Tatay kong Pulis!" Pananakot ko, pero wala naman talaga akong Tatay na Pulis.

"Tara na 'tol baka sumabit pa tayo. Napuruhan naman na natin ito e," ika ng isang lalaki sabay tingin kay Florence na humihingal at tila ba hinahabol ang buhay.

"Wala na kayong ginawang matino!"Sigaw ko at inamba sa kanila ang hawak kong Bangus.

"Pagsabihan mo 'yang kaklase mo," wika ng kanilang kasama saka niya tinadyakan sa tagiliran si Florence dahilan para umungol ito sa sakit. Dito nga ay naglakad sila papunta sa direksyon ko dahilan matuod ako at mas humigpit ang kapit ko sa bayong at isdang hawak ko.

Nanatili akong tahimik, pero dinig ko ang malalakas na pintig ng aking puso sa takot. Nagbanggaan ang mata namin sa isa nilang kasama at dito nga ay nilagpasan nila ako. Narinig ko pa silang nagtawanan, pero hindi ko na sila nilingon pa dahil napako ako sa aking kinatatayuan. Ilang sandali pa ay dito'y naigalaw ko na ang aking mga binti kung kaya dali-dali ako nagtungo kay Florence na tila isang lasing na nakahandusay sa lupa.

High School Love On [ Under Editing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon