Eternity 05

2.3K 98 13
                                    


Galing ng trabaho mula sa pet shop si Miles ng linggong 'yon. Agad niyang natanaw ang isang di pamilyar na motor sa gate ng kanilang bahay.

Dali-dali niyang ipinasok ang kapapa-tune-up na scooter sa harap. Malayo pa lang ay dinig na dinig na niya ang matinis na boses ng madrasta niya.

"Sabi na ngang magbabayad ako next month! Hindi ba kayo marunong umintindi?! Tatawagin ko si kapitana kapag nanggulo pa kayo dito!"

"Tita!" humahangos na tawag niya sa madrasta pagbungad na pagbungad niya sa may pinto. Naabutan niyang tangan-tangan nito ang sauce pan habang inaambaan ng hampas ang dalawang lalaking naka-itim na jacket. Nasa likuran nito sina Hannah at Andrew. Parehong magulo ang buhok ng Tita Sylvia niya at ni Hannah. Halatang may humila sa mga 'yon. Samantalang wala namang tigil sa pagsinghot ang kapatid niyang si Andrew.

"Ate Miles!" Kaagad na tumakbo sa direksiyon niya si Andrew nang makita siya. Umiiyak na yumakap ito sa baywang niya.

Nakaramdam ng sulak ng galit si Miles. "Anong nangyayari dito? Ano 'tong ginawa niyo?" kuwestiyon niya sa dalawang lalaki habang hinihimas sa likuran at pinapatahan ang kapatid.

Doon niya pa lang napansin ang ilang basag na kagamitan sa loob ng bahay. Basag ang ilang plorera. Ang screen ng lumang tv ay may lamat na mukhang pinalo ng bitbit na dos por dos ng isang lalaki. Pati ang ilang picture frame at figurine na nakapatong sa tokador ay nagkapira-piraso sa sahig.

Nakakalokong ngumisi ang mas matandang lalaki na ngumunguya ng chewing gum. "Mrs. Buenaventura, nakalimutan 'kong dalawang babae nga pala ang anak mo. Isang nag-aaral at isang nagtatrabaho." Kinilabutan si Miles nang may kabastusang pinasadahan siya nito ng tingin. "Walang duda. Pareho silang may itsura. Kung kukunin silang pareho ng boss ko, makakabayad ka ng buo sa utang mo kasama na ang ilang buwang interes."

"Mga walanghiya kayo! Hinding-hindi 'ko ibibigay ang mga anak ko!" sigaw ng madrasta niya. "Umalis na kayo dito!"

"Gustuhin man naming iwan kayo ng payapa, kung hindi mo maibibigay ang kahit na tatlong buwang interes, kami ang malalagot kay boss kapag bumalik kami ng walang dala. Kilala mo naman siya di ba. Mrs. Buenaventura?"

Kitang-kita niya ang pamumutla ng kanyang madrasta. Walang kaide-ideya si Miles kung ano ang kinasangkutan nito pero hindi siya puwedeng manahimik lang.

"Pare, kunin na lang nating 'tong isa para matapos na." Biglang hinatak sa braso ng isang lalaking mas bata si Hannah. Hindi ito naagapan ng madrasta niya dahil pinigilan ito ng isa pa.

Pumalag ang kapatid niya. "No! Don't touch me! Tulungan niyo ako! Ma! Ate Miles!"

Doon na siya hindi nakapagtimpi. Buong lakas niyang itinulak ang lalaking humihila kay Hannah. Nang mabitawan nito ang dos por dos ay mabilis niya 'yong dinampot at hinataw sa kamay ang isa na akmang sasampalin ang kanyang madrasta. "Huwag na huwag niyong kakantiin ang pamilya ko," humihingal na pagbabanta niya sa mga ito. Umatras ang dalawa nang itapat niya sa mga ito ang dulo ng pamalo. "Umalis na kayo."

"Mukhang hindi tayo nagkakaintindihan. Ang Nanay mo ang kusang nangutang sa amin. Walang pumilit sa kanya. Mas matindi pa sa isang yakuza ang boss namin kapag nagalit 'yon," babala ng isa. "Kung hindi makakapagbigay ng interes ang Nanay mo, babalik din kami dito. Hindi lang kaming dalawa sa susunod. Mas marami pa. Kayo din ang mahihirapan."

"Magkano ba ang interes na sinasabi niyo?" mariing tanong niya.

Nagkatinginan ang dalawa. "Sixty thousand para sa tatlong buwan," pamaya-maya pa ay sagot ng isang ngumunguya ng chewing gum.

The Servant [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon