Eternity 01

3.3K 103 13
                                    


Nakangiwing ibinaba ni Miles ang manggas ng jacket para itago ang mga gasgas at sugat niya sa braso. Itinaas niya ang kickstand ng scooter at itinulak ang motor papasok sa driveway sa harap ng isang di kalakihang bungalow.

Dahan-dahan siya sa pagsasara ng gate para hindi niya mabulabog ang madrasta niyang nagsi-siesta sa tanghaling tapat na 'yon. Iiling-iling na inusisa niya ang naging damage ng motor. May gasgas 'yon malapit sa head lights at halos matanggal ang rubber handle sa preno. Pasalamat na lang siya at iyon lang ang nangyari sa nangyaring aksidente. 

Kamuntikan na kasi niyang masagasaan ang isang batang biglang tumawid sa daan sa harap ng isang nursery school. Iniwasan niya ito at humambalang siya sa gilid ng kalsada. Mabuti na lang at naka-helmet siya kundi ay tiyak na nagka-head injury siya sa naging pagbagsak niya sa aspalto. Siya pa ang tinalakan ng Nanay ng bata gayung ito ang nakikipagtsismisan sa labas ng eskuwelahan at hinayaang magpakalat-kalat ang musmos na anak. 

Pinagbantaan pa siyang ipapabarangay. Hindi na nakapangatuwiran pa si Miles at pinili na lang na umalis dahil kumukuha na sila ng atensiyon sa ibang mga humihintong motorista at pedestrians.

Nagde-deliver si Miles ng beauty products na ibinebenta ng madrasta niya. Halos siya na ang gumagawa no'n sa libreng oras na bakante siya. Meron siyang regular na trabaho sa isang flower at souvenir shop bilang delivery girl. Alas osto ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ang shift niya tuwing weekdays. Pagkatapos no'n ay dumideretso siya sa isa pang part-time job bilang kahera sa isang convenience store. 

Madaling-araw na siya kung umuwi magmula Lunes hanggang Biyernes. Tuwing weekends naman ay pang-umaga siya sa grooming service ng isang pet shop. Sa edad niyang beinte-uno, halos umiikot ang buhay niya sa trabaho. Determinado kasi siyang makapag-ipon at makapag-aral sa kolehiyo kaya gano'n na lang ang sipag niya.

Nakapagtapos siya ng senior high pero hindi siya nakatuntong ng college nang mamatay ang Papa niya sa isang car collision. May posisyon ito noon sa kompanyang pinagtatrabahuhan kaya kahit na papaano ay maalwan ang buhay nila. Pero nagbago ang lahat sa isang iglap. Mula sa isang malaking townhouse na tinitirahan nila sa loob ng subdivision, nalipat sila sa isang lumang bahay sa residential compound na malapit mismo sa kalsada.

Ibinenta kasi ng madrasta niya ang townhouse dahil ayon dito ay walang malaking perang naiwan ang kanyang Papa. Kahit ang insurance money nito ay hindi niya nagawang silipin o pakialaman. Nagpatianod siya sa agos dahil ayaw niyang maiwanang mag-isa.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Miles. Nilubayan niya ang tinitingnang motor at iika-ikang pumasok sa loob ng bahay. Mukhang napilayan pa siya sa pagkakabuwal sa daan. Dapat siguro ay ospital muna ang pinuntahan niya bago siya dumiretso pauwi.

"O anong nangyari sa'yo?" Nagulat pa siya sa biglaang pagbungad ng kanyang Tita Sylvia—her stepmother—sa salas. Naka-duster ito, may rollers sa ulo, at bitbit ang lata ng biscuit.

"W-wala Tita," maagap na sagot niya nang makabawi. Tumuwid siya sa pagkakatayo at hindi ipinahalatang may iniinda. "Na-deliver ko na 'yong lipstick at pabango kay Mrs Agoncillo. Pati 'yong mga foundation nu'ng tatlong estudyante sa boarding house nila Aling Pedrita."

Kaagad na inilahad nito ang kamay. "May nasingil ka ba?"

Mabilis na dinukot niya sa bulsa ng pantalon ang dalawang limang daang papel at limang tig-i-iisang daang papel. "Nilista ko na sa memo pad niyo kung sinu-sino ang nagbayad at naghulog. Nakaipit diyan sa catalogue iyong mga pangalan." Inabot niya dito ang pera pati na ang paperbag kung saan naroon ang sangkatutak na catalogue ng iba't-ibang cosmetic brands. "May mga panibagong order din akong inilista diyan, Tita. Maki-check niyo na lang."

The Servant [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon