Mahigit isang buwan na ang lumipas. Isang beses na lang sa isang linggo kung magpakita si Brayden at ang kaibigan ko. Kung masasabi ko pa nga ba talagang kaibigan ko siya. Habang lumilipas ang mga araw ay palala nang palala ang sakit na nasa puso ko
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin sila nokokompronta dahil natatakot akong baka pareho silang mawala sa akin. Oo kabaliwan na 'tong ginagawa ko pero wala eh. Sobra ko silang pinapahalagahan kaya heto, kinikimkim ko na lang ang sakit. Ilang beses ko na rin silang nahuling magkasama pero hindi na lang ako umiimik.
"Ang tanga mo." Nawala ang pansin ko sa hawak kong papeles nang marinig ko ang boses na 'yon. Nag-angat ako ng tingin. Si kapit-bahay lang pala na habang lumilipas ang mga araw ay mas nagiging close na rin kami. "Niloloko ka na nga nang harap harapan nagpapakatanga ka pa rin."
Walang buhay ko siyang tinignan. "Oh please, just shut up. You're not in my position to say that." Nagulat ako nang bigla na lang niya akong hawakan sa braso at hinila patayo palabas ng opisina ni kuya. "Hoy teka lang, saan mo ako dadalhin ha kapit-bahay?"
"Wawakasan 'yang kabobohan at katangahan mo." Seryosong sabi niya at malakas akong hinila papasok ng elevator. Agad niyang pinindot ang first floor bago bitawan kamay ko. Hindi siya umimik. Nag-iigting lang ang mga panga niya habang bumababa ang elevator at nang magbukas sa first floor ay hinila rin niya ako palabas. Hindi na lang ako nagreklamo at hinayaan na lang siya.
Nang marating namin ang sasakyan niya binuksan niya ang pinto at hinayaan na akong makapasok. Umikot siya tapos ay sumakay at mabilis na nagmaneho paalis. Ilang minuto ang lumipas ay itinigil niya ang sasakyan sa harap ng bahay ni Brayden?
"Anong ginagawa natin dito?" Tanong ko.
"Mamamasyal."
Napasimangot ako sa isinagot niya. "Yung totoo?"
Nagbuntong hininga siya. "Pumasok ka riyan sa loob at kung may dala ka namang susi ay gamitin mo. Wag kang pumasok na malalaman ng tao sa loob."
"Bakit ko naman gagawin iyon? Ano ako? Magnanakaw?"
Tinaliman niya ako ng tingin na ikinatikom ng bibig ko. "Bakit ang bobo mo?" Naiinis niyang tanong.
"Eh sa hindi ko naman alam kung bakit mo ako dinala rito."
Nagbuntong hininga siya't pairap na iniiwas sa akin ang tingin. "Papasok ka sa bahay na iyan para alamin ang nangyayari sa loob."
Nagtatakang tinignan ko siya pero agad din akong lumabas nang mapansing ang masamang tingin niya sa akin. Mabilis na isinara ko ang pinto at kinuha sa bag ko ang bigay na spare key ni Brayden. Nilapitan ko ang pinto ng gate at gamit ang susi ay pumasok ako sa loob dire-diretso papasok ng bahay.
Tumigil ako sa gitna ng bahay at pinalibot ang tingin sa kabuuan ng bahay. Walang tao sa salas kaya tinungo ko ang kusina at binuksan ang pinto. Wala ring tao sa loob at wala ring kakaiba.
Gaya ng sinabi ng kapit-bahay ko ay hindi ako gumawa ng ingay. Dire-diretso lang ako paakyat ng hagdanan hanggang sa marating ko ang kuwarto ni Brayden.
Nagtaka ako nang may marinig akong kakaiba na nanggagaling sa loob ng kuwarto kaya sinilip ko sa nakasiwang na pinto kung ano ang nangyayari sa loob. Parang tumigil ang mundo ko nang makita kung sino ang nasa loob ng kuwarto. Sina Glen at Brayden na walang mga saplot sa katawan, parehong pawisan at mapusok na naghahalikan.
Pakiramdam ko ay bahagyang tumigil ang paghinga ko at para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ako makagalaw. Bumubuka lang ang bibig ko ngunit walang salitang gustong lumabas.
Nang hindi ko na makaya ang mga nakikita ko ay nanginginig at lutang na umalis ako sa harap ng kuwarto ni Brayden saka bumaba ng hagdanan at nagtungong salas para doon na muna tumambay habang hinihintay silang matapos. Pakiramdam ko kasi ay parang naubusan ako ng lakas at hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin.