"Hi! Kanina pa kita nakikita dito pero parang napakalalim ng iniisip mo. Can I join you?" nakangiting sabi nito.
Walang kibong tumango si Belle.
Hindi niya namalayang wala na pala siya sinisipsip na iced tea sa sobrang gigil kay Angelo. Halos mangatngat niya na din ang straw niyon.
Kinuha niya ang iced tea na bigay ni Jayden at iyon ang pinagdiskitahan.
"Iyan lang ba ang gusto mong orderin?" maya maya'y sabi nito.
Napatingin siya sa lalaki.
"Baka hindi ka pa nagdidinner," kibit-balikat nito. "Hindi pa din kasi ako nagdidinner."
Wala sana siya sa mood makipag usap o kumain o anupaman sa mga oras na iyon. Pero naalala niyang hindi pa nga pala siya kumakain simula pa kaninang umaga.
Sa sobrang ngitngit niya kay Angelo ay nawala tuloy sa isip niya ang pagkain. Muli, minura niya sa isip ang kulugong ex. "My treat," sabi pa nito.
Tumingin siya sa menu board na nasa counter at itinuro ang main dish ng restaurant, ang special bulalo.
"Gusto ko nun."
Medyo may kamahalan ang naturang dish. Ang totoo ay gusto niya lang itong asarin. Naiinis kasi siya dahil parang wala itong kaproble-problema sa buhay. Lagi na lang nakangiti, nakatawa, at maaliwalas ang mukha.
"Iyon lang ba?"
Lihim na napataas ang kilay niya.
"Gusto ko ng two orders ng bulalo, three orders ng rice, isang order ng siomai at special puto with black gulaman." Pinili niya talaga ang mga especialties ng restaurant. Hinintay niya ang magiging reaksyon nito.
"Is that all?"
Nadismaya siya ng manatili itong kampante habang nakangiti.
"Oo," aniya. 'Lang' ha?
Kung nakikipagsubukan ito sa kanya, hindi niya ito aatrasan.
"Wait there."
Bago pa siya makareact ay nakatayo na ito at lumapit na sa counter.
Napasandal siya sa silya.
'Nagbibiro lang naman ako. Hindi man lang nagcomplain.'
Bumuntong hininga siya at nagkibit balikat nalang.
Maya-maya pa ay bumalik na ito kasama ang dalawang waiter dala ang tray ng pagkain.
Halos mapuno ng pagkain ang mesa nila.
"Talagang inorder mo lahat ng sinabi ko. Okay ka lang?" aniya habang titig na titig sa mga pagkaing nasa mesa. Hindi lang ang inorder niya ang makikita doon, may dalawa pang ibang putahe ang idinagdag.
Ngayon niya lubusang naramdaman ang gutom.
"I'm fine. Let's eat. Hindi natin mauubos ang mga 'yan kung tititigan lang natin." Ito pa ang naglagay ng pagkain sa plato niya.
Nagulat siya sa ginawa nito.
"I-I can manage," awat niya dito. Ramdam niya ang pag iinit ng pisngi. Kita niya sa sulok ng mga mata ang pagtingin sa kanila ng ibang kumakain doon.
Bakit ba eh, kilala sila sa buong barangay na iyon na parang aso't pusa kapag nagkita pagkatapos ay makikita silang magkasamang kumakain doon.
Inagaw niya dito ang serving spoon at siya mismo ang nagsilbi sa sarili.
"Sure kang mauubos mong lahat iyan? Ilang araw ka bang hindi nakakain?"
Nag angat siya ng paningin dito.