"JAYDEN, saan ba talaga tayo pupunta?"
Halos mag iisang oras at kalahati na silang nagbibiyahe pero hindi pa rin nito itinitigil ang kotse.
"Matulog ka muna, Belle. Malayo pa tayo."
"Eh, saan nga tayo pupunta?"
Sinulyapan siya nito.
"Sweetheart, hindi na magiging sorpresa kung sasabihin ko sa'yo kaagad, di ba? Don't worry malalaman mo rin iyon."
"Pero Jayden..."
Pinisil nito ang palad niya.
"Just trust me, please?"
Napabuntong hininga na lamang siya. Mukhang hindi talaga ito magsasalita kaya wala siyang magagawa kundi maghintay.
Sabagay, kahit saan man sila magpunta basta't kasama niya ito, ayos lang sa kanya.
Pumikit na lang siya at pinilit umidlip.
Hindi niya akalaing makakatulog siya ng mahimbing habang hawak ni Jayden ang kamay niya.
---------------------------
Naalimpungatan si Belle sa mahihinang tapik sa kanyang pisngi.
Umungol siya at pinalis ang kamay na iyon.
Kasalukuyan pa siyang nananaginip ng oras na iyon. Iyon ang continuation ng panaginip niya na may kaholding hands na lalaki habang masayang naglalakad isang gabi sa lugar na natatanglawan ng maraming ilaw. Nakita na niya ang mukha ng lalaki sa panaginip...
"Wake up, sleepyhead. Nandito na tayo."
Napangiti siya nang marinig ang malambing na tinig ni Jayden. Iminulat niya ang mga mata.
Ngayon ay nasa harapan na niya ang lalaking kasama niya sa panaginip.
"Goodmorning, Jayden."
Natawa ito.
"Tanghaling tapat na po, aking reyna. Narito na tayo sa pupuntahan natin."
Dinampian nito ng halik ang labi niya bago lumabas ng kotse at pinagbuksan siya ng pinto.
"Thanks--"
Nabitin ang iba pa niyang sasabihin nang tumambad sa kanya ang pamilyar na lumang bahay na iyon. Unti-unting nawala ang magandang ngiti niya sa labi.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Nahigit niya ang paghinga ng tuluyang rumehistro sa isipan ang lugar na iyon. Tila may dumaklot na kamay sa kanyang puso na pumipiga doon.
Kung ito ang sinasabing sorpresa ng kasintahan, ang dalhin siya sa lugar na sinilangan, yes. She's absolutely surprised...and terrified.
Lalo na ng lumabas sa lumang bahay na iyon ang isang may katandaang babae at mapatingin sa kanila.
Daig pa niya ang natuklaw ng ahas nang mapagsino ito.
Tila natigilan din ang babae habang nakatitig sa kanya. Maya-maya'y nadala nito ang kamay sa bibig. Tila itinulos ito sa kinatatayuan.
"B-Belle? Anak? I-ikaw nga ba?"
Tila may malamig na kamay na humaplos sa puso niya nang tawagin siya nitong 'anak'. For the past ten years or more, hindi niya narinig ang katagang iyon galing sa mga ito. Ngayon niya naramdaman ang pangangailangan na pinilit niyang isantabi sa loob ng mga panahong wala siya sa piling ng mga ito. Kung paanong walang nanay na dumamay at nag-aruga sa kanya noong may sakit siya, noong tila maguho ang mundo niya dahil sa panloloko ni Angelo sa kanya. Walang magulang na bumati sa kanya noong nagtapos siya ng kolehiyo, walang sumuporta noong magsarili siya at mamuhay na mag-isa.