Ma-lelate na si Rita sa appointment niya sa gym. Ngayon ang first day ng personal training niya.
Matagal na kasi ang membership niya pero hindi niya nasusulit ito. Wala pa rin progress ang fitness goals niya. Hindi pa nakatulong na food is life para sa kaniya.
Ayaw niya sana ng dagdag gastos pero naisip niyang kailangan niya ng extra motivation - ng taga-push. Kaya noong nag-offer ng discount ang club ay kinuha niya ito.
Coding ngayon ang kotse niya kaya kinailangan niyang mag-commute. Mas hassle kung mag-tren siya dahil marami siyang lilipatang sasakyan, kaya naisipan niya kumuha na lang ng Grab. Kanina pa siya nagbu-book ngunit wala siyang makuha. Mabuti na lang at may natiyempuhan siyang dumaan na taxi.
Pag-abot niya ng pintuan ng kotse ay may nakasabay siyang lalaki na hinahatak din ang door handle.
"Excuse me, ako ang nauna!" Sabi niya dito.
"Sorry miss, kita mo yung kamay ko? Mas nauna akong humatak. Saka bago mo ko sabihan ng ladies first, matindi pangangailangan ko. Sorry, wala na ko oras para sa 'chivalry is not dead' na yan. Oh, tanong mo pa si manong? Kuya, sino nauna pumara? Bawal po magsinungaling." Sagot ng lalaki.
Napakamot ng ulo ang driver. "Eh mukhang si Sir nga ang nauna, miss... Pero sige pakyawan nalang, palakihan ng bid. Saan ba muna punta niyo tingnan niyo naman traffic oh..."
"Kuya, may metro naman bakit po kayo ganiyan..." Sabi ni Rita.
"Kung ayaw niyo huwag niyo, madami pa nag-aabang dun oh sa harap."
"Boss, wait! Kung ayaw niya ako na lang. Sa SuperFit sa may Timog ako." Sagot ng lalaki.
"Hala, dun din ang punta ko..." Sabi ni Rita.
"Oh ano, magsasabay na lang kayo?" Tanong ng driver.
"Sige, ok lang. Tara na, male-late na ko!" Agad naman binuksan ng lalaki ang pintuan.
"Huy teka lang, sa harap ka." Pinigilan ni Rita ang lalaki, at hinatak ang t-shirt nito.
"Nakikisabay na nga lang... Fine! Teka nga, bakit mo ko hinatak pa, di naman ako bingi. Masyado kang agresibo, miss ah. Crush mo ko noh?" Hirit ng lalaki pag-upo nito sa front seat.
"Sorry na... Pero kilabutan ka naman kuya, mag-ingat ka sa sinasabi mo, gusto mo tumawag ako ng pulis? Hindi ako takot sa'yo..."
"Ang OA mo naman, tinanong ko lang naman kung crush mo ko. Sino kaya sa ating dalawa ang nang-invade ng personal space? Ikaw kaya? Baka ako dapat yung magsusumbong..." Sagot ng lalaki.
"May itsura eh, kaso ayoko ng ugali..." Isip ni Rita.
"Ang ingay niyong dalawa, di ko marinig yung radyo..." Singit ng driver.
"Sorry, boss." Sagot ng lalaki.
"Sige po, okay na..." Sagot ni Rita. "Ok na rin kuyang masungit, mag-move on na tayo..."
"Fine by me."
...
Pagdating ng dalawa sa gym ay hindi na nagpansinan ang dalawa. Pero na-curious si Rita sa lalaki kaya inobserbahan niya saan ang punta nito. Dumeretso ang lalaki sa employees' room.
"Dito pala nagta-trabaho ang mokong..."
May ilang minuto pa bago ang schedule ni Rita kaya nag-treadmill muna siya. After a few minutes ay lumapit na siya sa reception para pasimulan ang first assessment niya.
"Okay Ms. Rita, please meet your coach. Si Sir Ken na bahala sa'yo, magaling yan at approachable." Sabi ng gym manager sa kanya.
"Ikaw?!" Bungad ni Rita pagkakita niya sa coach niya - si Mr. Sungit sa taxi kanina.
"Aba, tingnan mo nga naman. Nice to meet you, Ms. Rita. Handa ka na bang masaktan?" Pagbati ni Ken, tila may pang-aasar sa tono nito.
"May problema ba? Magkakilala kayo?" Sabi ng manager.
"Wala Sir, we met earlier. Sige po ako na bahala..."
"Ikaw pa talaga..." Bungad ni Rita pagka-alis ng boss ni Ken.
"Back-out?"
"Hindi noh, 'di ako papa-talo...Sabi ko sa'yo diba, hindi ako takot sa'yo..." Agad naman nag-stretch si Rita ng katawan niya.
"Ay, mali yung form mo. Saka bakit mo ko inuunahan, hindi ka ba nanghihinayang sa bayad mo?"
"Oh sige nga, pakitaan mo ko ng galing mo!" Paghahamon ni Rita.
"Oh mag-treadmill ka muna, 15 minutes. Kung kaya pa ng more than that, go lang sabihan mo ko kung stop ka na..." Sabi ni Ken.
"Nag-treadmill na ako eh..."
"Ano ba yan, ang sakit naman sa ulo! Kaya pala pawis na. Excited ka naman masyado...Oh sige, ibang drills na lang papagawa ko sa'yo. Kumuha ka ng mat."
"Pagod na ako..." Sabi ni Rita
"That's the point, hindi pa enough. Mas pawis pa ko sa'yo oh!" Sagot ni Ken.
"Gym instructor na walang abs? Pwede pala yun?" Sabi ni Rita ng masilip niya ang tiyan ni Ken nung nagpunas ito ng pawis gamit ang dri-fit shirt nito.
"I'm working on it, that's why I'm here. We're gonna work together. Bakit ba napunta sa akin ang usapan? You're the one paying me to get fit. I know better than you, so just do your squats!" Naiinis na sagot ni Ken.
"Ang daming reklamo ng babaeng 'to. Hindi kami matapos-tapos." He thought.
"Ang sungit naman ng instructor! Ganyan ba trato niyo sa client niyo? Fake news yung approachable daw... Mukhang may ifi-feedback ako sa manager ah..." Pagrereklamo ni Rita.
"Fine, I'm sorry ma'am!" Pagdiin ni Ken sa huling salita. "As your coach, strict lang talaga ako. My job here is to discipline you, and you're not making it easy for me or for yourself."
Pinagmasdan mabuti ni Rita ang mukha ng Coach Ken niya. Ang ganda ng mga mata nito, malambot pa ang mga labi. Ang gwapo. Natatawa nga lang si Rita dahil halata sa tila umuusok nitong ilong ang panggigigil nito sa kanya. Wala eh, naaaliw siyang inisin ito.