Apat na libong taon na ang nakalipas may nahulog na bulalakaw sa Mindanao. Paglipas ng mahabang panahon natabunan ito sa ilalim ng lupa at nabaon sa limot. Taong 1999 nang matuklasan itong muli nang mga minero habang naghuhukay sa ilalim ng lupa. Subalit meron pala itong mga nakabantay na ibang klaseng mababangis na nilalang kaya ang lahat ng mga minero ay nilapa ng mga ito at ang parte ng minahan kung saan nakahimlay ang bulalakaw ay natabunan ulit ng mga bato at lupa. Dahil sa walang katawan na natagpuan at walang kahit isang saksi ay itinuring na aksidente ang nangyari. Simula noon ay hininto na ang pagmimina sa lugar at ang lokal na gobyerno ay ipinagbawal ang pagpasok sa minahan.Taong 2012 ay may isang siyentipikong nagngangalang Dr. Contreras isang meteorologist at biologist na nagsagawa ng iligal na pagpasok sa dating minahan. Kasama niya ang mga bayarang mersenaryo.
Maaga pa kaya maaliwalas at malamig ang simoy ng hangin.
Habang patungo sila sa minahan ay nakita sila ni Amancio Luna mula sa kanyang maliit na barong-barong na nagsilbing guardhouse. Siya ang inatasan ng kalapit na barangay na magbantay sa minahan. Andoon din ang kanyang 9 taong gulang na anak na si Danilo na naghatid sa kanya ng agahan na niluto ng kanyang asawa."Tay kain na po kayo." Inabot ni Dan ang baunan sa ama na may lamang kanin at piniritong isda.
"Dumapa ka Dan at wag kang maingay." Pabulong na sabi ni Amancio kaya sumunod naman si Dan ng makita ang seryosong ekpresyon sa mukha ng ama.
"Makinig kang mabuti. Dumaan ka doon sa likod ng hindi ka nila mapansin. Pumunta ka sa munisipyo at isumbong mo sa kapitan, mga tanod at CAFGU na may mga taong armado na gustong pumasok sa minahan. Sige na bilisan mo!"
Habang si Dan ay tumatakbo nakita niyang nahuli ng mga mersenaryo ang kanyang ama at binaril ito sa ulo.
"Papa!"
Dahil sa awa at gulat ay tumakbo siyang umiiyak pabalik sa kanyang ama. Papatayin na rin sana siya ng isa sa mga armado nang sabihin ng Doktor na,
"Huwag muna. Masikip at delikado ang mga tunnel sa minahan. Magagamit natin ang bata sa pagpasok sa mga maliliit na lagusan."
Madilim sa loob ng minahan kaya gumamit sila ng mga flashlight at electric lamp upang di mahirapan sa paglilibot dito. Sa unahan ay sumanga sa apat na lagusan ang orihinal na makipot na daan na kanilang pinasukan. Mayroong mga maliliit na riles kung saan may mga nakapatong na metal na kahong de gulong. Dumaan sila sa isa mga lagusan sa pangunguna ng doktor. Deadend ang dulo ng piniling daan. Nang makarating sila sa pwesto ng bulalakaw naabutan nila ang malaking batong nakatabon sa kanilang paroroonan. Nagsenyas sa kamay ang doktor na huminto ang grupo na sinunod naman ng mga ito.
"Sa wakas! Tingin ko narito na tayo."
Kumuha sila ng malaking drill upang butasan ang harang. Itinuon ng isa ang baril sa ulo ni Dan at nag-utos.
"Ikaw ang mauna."
Bagaman humihikbi parin ay dahan-dahang pumasok si Dan sa butas.
"Bata andyan ka pa ba?"
"Opo."
"Anong nakikita mo diyan?" Pag-usisa ng doktor.
"May kweba po rito sa kabila at may kakaibang umiilaw na bato sa dulo. Meron ding mga di maintindihang estatwa rito."
Humalakhak ang doktor sa harap ng mga kasamahan sa sobrang galak at nagsabing,
"Tama nga ang hinala ko andito nga ang bulalakaw."
Nang makumpirmang ligtas itong pasukan ay sumunod na ang doktor at mga mersenaryo. Nasa dulo ang puso ng bulalakaw sa anyo nang isang diyamanteng umiilaw. Nang pulutin ng kasamahan ang diyamante ay biglang nabuhay ang mga nakapalibot na batong kakaiba ang hugis sa loob ng yungib. Nag-iba ang mga kulay nito, ang kulay nito na kahawig ng sa bato ay camouflage lang pala. Mula sa itim ay naging abo ang kulay ng mga halimaw at nababalutan ang katawan ng mga nilalang ng mga nagingitim na ugat mula sa buntot hanggang sa ulo.
Isa-isang inatake at nilapa ng mga halimaw ang mga mersenaryo. Ang mga buhay pa ay pinagbabaril ang mga nilalang na ikinamatay ng ilan sa mga ito subalit sobrang lakas nila at napakarami.
"Malamang ay mauubos tayong lahat kung di tayo agad makakalabas rito. Dalian ninyo kunin niyo na ang bato!" Sigaw ng pinuno ng mga mersenaryo.
Nakita nang doktor na malapit lang sa diyamante si Dan.
"Ibigay mo sakin 'yan!" Pinulot naman ito ni Dan.
"Ahhh!!" Nakalmot ng halimaw ang balikat ng doktor kaya nagkaroon siya ng malalim na sugat.
Galit na galit si Dan dahil sa pagkamatay nang kanyang ama. Dahil dito ay hinampas niya ng buong lakas sa sahig ang diyamante kaya nahati ito sa dalawa.
"Huwag!" ang sigaw ng doktor.
Sa gulat nila ang impact ng pagkahati ay sobrang lakas kaya nagkaroon ng matinding shockwave. Tumilapon ang dalawang bahagi ng diyamante sa magkaibang direksyon. Ang kalahati nito ay tumusok sa dibdib ni Dan kaya nawalan siya nang malay.
Pagkagising ni Dan ay nagtataka siya kung bakit nasa bahay na siya kasama ang kanyang inang si aling Aila na napansin niyang umiiyak.
"Nay bat ka malungkot?"
"Wala na ang tatay mo Dan." Lumuluhang sagot ng ina.
Nang marinig ang mga katagang iyon ay bumalik sa kanyang ala-ala ang mga nangyari kaya napahagulgol din ang bata at niyakap si aling Aila. Paglabas niya nang kwarto ay nakita niya ang tatay sa kabaong na pinaglalamayan na ng kanilang mga kamag-anak at kapitbahay.
Pagkatapos mailibing ang ama ay ibinunyag ni Dan sa ina na nagsumbong naman sa mga lokal na opisyal ng kanilang barangay kung ano ang hitsura ng ilan sa mga suspect na namumukhaan ni Dan. Paglipas ng ilang linggo ay nabalitaan ng mag-inang nakaligtas pala si Doktor Contreras sa insidente sa minahan. Ngunit hindi siya magawang idiin sa pagpaslang sa ama ng bata maging sa iligal na pagpasok nito sa dating minahan sapagkat walang kahit ano mang sapat na ibidensyang makapagbibigay sala sa kanya. Dagdag pa rito sikat, mayaman, at maimpluwensyang siyentipiko pala ang doktor hindi lang sa buong Pilipinas kungdi sa iba pang mga bansa.

BINABASA MO ANG
Shadow's Heart
Teen FictionHinagkan niya ang dalaga at nagsimulang tumalikod papalayo. Pero hinawakan ni Maan ang kanyang kamay at hinila ito ng malakas pabalik sa kanya kaya napaatras si Dan at lumingon sa dilag. Laking gulat niya ng pinolupot ni Maan ang kanyang mga kamay...