KABANATA 17: DESISYON

27 2 1
                                    


“Buntis pala ang asawa mo Tonyo?,” tanong ng isang jail officer sa kapwa opisyal habang nagbabantay sa pangunahing gate ng City Jail.

“Oo nung isang linggo lang namin nalaman.” masayang sagot ni Tonyo sa kasamahan.

“Wow, Congrats pre! Sana babae yan gaya ng matagal mo nang hiling.” sabi naman ng isa habang inaakbayan si Tonyo.

Nang may biglang matigas na bagay na bumangga sa malaking gate kaya nawasak ito at tumilapon ang pira-pirasong mga bahagi ng bakal sa iba’t-ibang direksyon. Tinamaan ang magkaakbay na mga jail officer ng isang malaking bahagi ng gate na naputol at tumusok ito sa kanilang tiyan kaya nahati sa dalawa ang kanilang mga katawan. Bumulagta ang dalawa na naliligo sa sariling dugo at nakakalat ang mga laman loob.

Nagsimulang tumunog ang alarm kaya naalerto ang ibang mga jail officer. Sa utos ng Warden ay pumunta sa armory ang halos lahat ng mga bantay at kumuha ng kani-kanilang armas mapa batuta man o baril. Nakita sa CCTV ang isang malaking ubod ng pangit na nilalang na patungo sa kinalalagyan ng mga preso. Meron itong bitbit na attache case. Nagpalit ang doktor sa orihinal na anyo bago pumasok sa lokasyon ng mga rehas.

“Gusto niyo bang lumaya at pagbayarin ang lipunang nagpiit sa inyo sa impyernong ito?” pang-iingganyo ni Contreras sa mga bilanggo.

Nagbalik sa anyong halimaw ang kanyang kanang kamay at kinalmot ang lock ng mga rehas. Nang mapalaya ang mga preso ay binuksan niya ang attache case at lumantad ang mga kulay berdeng tableta.

“Kumuha kayo ng isa at lunukin ninyo.”

Marami naman ang sumunod sa kanya.

Maya-maya pa ay dumating na ang mga bantay na may hawak na baril at mabilis pero maingat na pumasok sa gusali kung saan nakapiit ang mga kriminal. Pagdating nila roon ay nabigla sila ng makitang nasa labas na ang mga preso pero karamihan sa kanila ay nakahandusay at nangangatal ang katawan habang bumubula ang bibig. Ang ibang may malay ay sinubukang tumakas pero binaril nila ng taser ang mga ito at pinusasan.

Maya-maya pa ay nagsimulang magising ang mga nakahigang preso at nagbagong anyo bilang mga katakot-takot na mga halimaw. Nakaupo lang ang doktor sa di kalayuan habang pinapanood ang mga bilanggo na kinakatay ang mga walang labang bantay. Matapos ang 20 minuto ay puno na ng dugo at mga putol na katawan ng mga jail officer ang loob ng City Jail.

Habang nasa loob ng silid ni Dan ay may biglang tumawag sa cellphone ng Senior Inspector. Matapos ang ilang minutong pag-uusap ay pinutol na niya ang tawag. Nang makita na naging seryoso ang mukha ng pulis ay tinanong ito ni Dan,

“Ano po bang problema?”

“Umatake si Doktor Contreras sa City Jail. Walang natira sa mga opisyal ng kulungan at nakalaya ang mga kriminal dahil sa kanyang kagagawan.”

“Tssk-tsk-tsk!!!” nababahalang ekspresyon ng binatilyo.

“At bukod pa diyan nag mutate ang marami sa mga preso at naging mga halimaw na kawangis ng doktor.”

“Lagot na! Tiyak marami pang mamamatay kung di sila agad mapipigilan.”

“Kaya kailangan namin ng tulong mo. Di namin kaya ng kami lang na puksain ang mga impaktong pinangungunahan ni Contreras.”

“Hindi ako papayag na malagay ka pa ulit sa alanganin anak. Kinuha na si Amancio sa akin di ko kakayanin na pati ikaw ay mawawala rin. Paano kung mapaslang ka nila? Matitiis mo ba ang nanay mong mag-isa nalang sa buhay?”

“Pero nay…”

“Walang pero-pero! Sa ayaw mo’t sa hindi aalis na tayo ng Davao ngayon din.”

“Pero di pa po tuluyang gumagaling ang anak ninyo.” sabat ng senior inspector.

“Wala akong pakialam! Mas mabuti nang lumayas kami agad dito habang di pa tuluyang nagiging mala-impyerno ang buong lungsod.”

Lumipas ang kalahating oras ay nasa bahay na sila Dan at aling Aila nag-iimpake ng mga maayos pa nilang gamit at damit na hindi nasira ng mga nanloob rito. Ngunit habang tumutulong sa kanyang ina ay nanatili ang bigat na nararamdaman sa dibdib ng binatilyo.

Naiintindihan niya na pinoprotektahan lang siya ng magulang at ayaw niya ring masaktan ang kanyang ina maging sa pisikal man o emosyon. Gustohin man niyang sundin ang mahigpit na utos nito ay buo na ang kanyang desisyon. Lalo pa’t may pinangako siya kay Mike at natatakot siya sa anong maaaring pwedeng mangyari lalo na kay Maan at sa kanyang mga kaklase. Kung ano-ano na ang mga pangit na eksena na pumapasok sa kanyang isipan. Si Maan na wakwak at butas ang leeg dahil sa kagat ni Contreras. Ang kanyang gurong tagapayo na di na kumpleto ang katawan maging sila Shane, Albert at ibang mga kakilala na duguan at wala ng buhay.

Nagsimulang bumilis ang tibok ng kanyang puso kasabay ng pagpatak ng pawis at pangangatog ng kanyang mga tuhod. Huminto siya sa paglalagay ng damit sa bag at nagsabing,

“Nay mahal na mahal kita. Gusto kong sundin ang mga utos mo sa abot ng makakaya. Gaya mo ayaw ko ring mapahamak ka ang tangi kong natitirang magulang. Pero di lang ito tungkol sa pamilya natin sangkot dito ang milyon-milyong inosenteng buhay ng mga naninirahan sa siyudad. Sana maintindihan mo ko ma.”

Tumulo ang mga luha sa mata ng kanyang ina ng marinig ang mga katagang iyon. Hinagkan siya ni Dan ng mahigpit at bigla nalang silang nakarating sa labas ng abandonadong minahan sa mismong dating guard house ng kanyang ama. Pinili niyang lumapag dito dahil alam niyang wala halos mga taong pumupunta rito simula nung mangyari ang insidente.

“Dito ka muna nay ligtas ka rito at marami tayong kakilala. Pramis huli na’to at di na ko magpapakabayani ulit. Wag kang mabahala babalik ako ng buhay.”

Nakangiting sabi ni Dan kay aling Aila bago naglahong parang bula.

Shadow's HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon