Lumingon ang halimaw kay Dan na nagngangalit ang kasuklam-suklam na mukha at akmang muling aatake. Bubwelo din sana si Dan ng matinding sipa pero bago paman magpang-abot ang dalawa ay tinamaan ang nilalang ng isang beses sa kanyang dibdib. Kaya bumagsak ito at sinubukang tumayo ulit kahit nanghihina. Pero nabutas ang bungo nito ng isa pang tira mula sa malayo.
Sa ngayon ay may ideya na si Dan kung saan nagtatago ang sniper. Nagteleport siya sa himpapawid at habang bumabagsak ay tinignan niya ang palibot at hayon nga sa di kalayuan sa rooftop ng isang gusali ay nagtatago si Senior Inspector Roldan hawak ang isang sniper rifle. Ngunit laking takot ni Dan ng makita ang halimaw nang si Contreras na nasa kanyang likuran na di man lang namamalayan ng pulis.
Pagteleport ni Dan sa rooftop ay putol na ang ulo ng pulis at nakabulagta ang katawan sa sahig dahil sa kagagawan ng doktor. Kumalat ang dugo ni Roldan sa rooftop. Malapot at sobrang pula. Naaamoy sa hangin ang langsa nito na parang may halong kalawang.
"Ikaw na ang sunod White Shadow." nanghahamong banta nito.
"Tama nang satsat!," galit na sagot ng binatilyo.
Agad niya itong sinipa habang dumadaloy ang bigat ng minamanipula niyang gravity sa binti pero nakatalon papunta sa likuran ang nilalang. Habang nakatalikod ang binatilyo kakagatin naman ito ng doktor pero biglang nawala si Dan. Lumitaw si Dan sa kaliwa nito at tinadyakan ang nilalang sa ulo. Sa tindi ng pagkakatama ay namudmod ang ulo ng halimaw sa semento. Sumadsad ng ilang metro ang mukha nito. Nagmarka ang sugat dulot ng pagkakagas sa kanang bahagi ng pisngi ng halimaw.
Habang di pa nakakatayo ay patuloy sa pagsipa rito ang binatilyo ngunit nahawakan ni Contreras ang paa ni Dan.
"Ako naman!," nakangising sabi nito.
Hinampas ng nilalang ang hawak-hawak na binata sa semento ng maraming beses hanggang sa dumugo ang kanyang ulo. Nahihilo si Dan sa marahas at mabilis na pag-akyat baba ng kanyang katawan at ng paulit-ulit na paglagapak ng kanyang ulo sa concrete. Sinusubukan niyang protektahan ang kanyang ulo gamit ang kanyang mga kamay na pilit sumasalag tuwing hahampas ang kanyang mukha sa matigas na sahig.
Tapos ay hinagis ni Contreras ang nanglulupaypay na katawan nito mula sa tuktok ng gusali patungo sa baba. Grabe ang panghihina ni Dan sabay pa ng pagkakahilo at pananakit ng buong kalamnan. Para siyang masusuka habang mabilis na pumapailalim. Pinilit ni Dan na humugot ng lakas at nakapagteleport siya pabalik sa rooftop bago pa tuluyang bumagsak ang katawan sa kalsada.
"Mamatay ka na!" sigaw ni Dan.
Wala sa buong kamalayan ng binatilyo ngunit parang instinct ng kanyang katawan na itaas ang kanyang prominenteng kamay. Namuo ang lahat ng tinatagong paghihinagpis at galit sa kanyang puso kasabay ng pagdaloy ng lakas mula rito patungo sa kanyang kamay. Lahat-lahat na ng kakaibang enerhiya na naninirahan sa kanyang kaloob-looban ay pilit niyang pinipiga upang mapalabas ito.
Lumingon si Contreras sa kanyang likod at nakita niya si Dan sa may distansya na nakaangat ang kanang kamay. Sa taas ng kamay nito ay may lumulutang na maliit na bolang itim na kasinlaki ng bola ng tennis at tinapon ito sa kanya. Umilag siya ngunit bigla itong lumobo ng isang daang beses kesa dati. Huli na nang matanto ng doktor na maliit na bersyon pala ito ng black hole. Sinigop ng napakatinding gravitational pull ang lahat ng bagay na malapit rito. Nagmistulang tubig na hinihigop ng puyo ang malaki at matibay na katawan ng nilalang. Ang buong katawan ng doktor, ang parte ng sementong kinatatayuan nito, ang hangin, at maging ang malapit na ilaw na nagmumula sa araw ay hindi nakatakas at nilamon ng black hole. Matapos ng ilang minuto ay naglaho ang bolang itim kasama ang lahat ng nahigop nito.
Naiwan si Dan sa tuktok ng gusaling may butas; na halos maubusan na nang lakas. Napatawa siya ng mahina at kasunod ang mga ubo. Naalala niya si Michael.
"Mike nagawa ko."
Sinubukan niyang tumalon papuntang bahay nila pero di na niya ito magawa. Napasandal siya sa grills at nagpahinga nang kalahating oras bago tumayo ulit at hinubad ang suot na costume. Nakita siya ng nagrorondang mobile patrol vehicle ng mga pulis na naglalakad sa gitna nang kalsada kaya dinala siya sa pinakamalapit na ospital at ginamot ng mga doktor kasama ng iba pang mga sibilyan na nadamay sa gulo.
BINABASA MO ANG
Shadow's Heart
Teen FictionHinagkan niya ang dalaga at nagsimulang tumalikod papalayo. Pero hinawakan ni Maan ang kanyang kamay at hinila ito ng malakas pabalik sa kanya kaya napaatras si Dan at lumingon sa dilag. Laking gulat niya ng pinolupot ni Maan ang kanyang mga kamay...
