KABANATA 1: MAAN

54 2 0
                                        

Taong 2020, walong taon na ang nakalipas ng mangyari ang insidente sa minahan. 17 taong gulang na si Dan at nag-aaral ng Senior High sa Davao City National High School na kilala rin sa tawag na City High. Mula sa probinsya ay lumipat sila sa Lungsod ng Dabaw pagkagraduate niya ng junior high upang makalimutan ang mga masalimuot na ala-ala sa pook na dating tinuring na tahanan.

Naging matalik na kaibigan niya ang kaklaseng si Michael sapagkat pareho silang mahilig sa komiks at anime. Pagbalik ni Michael at Dan sa classroom galing ng lunch break ay may biglang humila ng strap ng bag ni Dan mula sa likod. Paglingon niya ay ang sigang si Albert pala ito.

"Pakopya ng assignment mo sa next subject." Pagpupumilit ni Albert.

Sagot naman ni Dan "Teka lang ako na ang kukuha ng binder ko."

Pero nauna nang nabuksan ni Albert ang kanyang bag, kinuha sa loob nito ang kwaderno at binuklat kaya nahulog ang coupon bond na nakaipit rito. Nakita ni Albert na ang mukha ni Maan ang nakaguhit sa papel kaya agad niya itong pinulot.

Laking hiya naman ni Dan na napabulong ng "Nako, patay!," sa kanyang kaibigan.

"Aba, si Maan pala ang trip mo. Namili ka pa ng maganda ha. AHAHAHA!"

Napatawa rin ang iba sa mga kaklase na nakarinig nito.

"Okay lang yan Dan, dedmahin mo nalang para di lalong lumaki ang isyu," mahinang sabi ni Mike.

Napalingon naman si Maan at nilapitan si Albert.

"Tingnan mo Maan ginuhit ka ni Dan," nakangising sabi ni Albert.

Hinawakan naman ni Maan ang papel at tinitigan. Napahinto siya nang ilang segundo waring inaanalisa ang guhit na para bang puzzle, at pagkatapos ay biglang ngumiti.

"Ano namang masama diyan? Ang galing kaya nang pagkakaguhit niya," nakatingin kay Albert pagkatapos ay sumulyap kay Dan ang dalaga.

Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay nahiya ang binata kaya agad niyang inalis ang paningin kay Maan. Huminto ang mga tawa at napanis ang pangbubully sa kanya.

Pagkatapos ng klase ay isa-isang nagsiuwian na ang mga estudyante. Habang papalabas nang gate ay nakita ng magkaibigan na sinundo si Maan ng kanyang boypren, si Gino. Hinalikan siya nito sa pisngi at kitang-kita ang kilig sa mukha nang dalaga. Ilang sandali pa at sabay silang sumakay ng jeep.

May konting kirot na naramdaman sa dibdib si Dan. Puminta ito sa kanyang mukha kaya napansin ito ni Michael.

"Wala tayong magagawa eh sobrang ganda at talino ni Maan para magustuhan ka niya. Napakaraming nagkakacrush sa kaniya dito sa campus. Isa pa star player ng basketbol varsity si Gino na marami ring nagkakagusto. Bagay talaga sila kahit saang anggulo mo pa tignan."

"Alam ko naman yun eh at immature crush lang naman tong nararamdaman ko kaya hindi ko masyadong sineseryoso."

Isang kilometro pa ang layo nila sa highway kung saan my jeep na ang ruta ay patungo sa kanilang barangay kaya naglakad ang dalawa sa gilid ng kalsada ng Torres Street patungo sa JP Laurel Avenue. Habang naglalakad sila ay nakita nila na may mga sigang nag-aantay sa unahan.

"Grabe naman to oh! Ang malas ko ngayong araw, pamasahe nalang ang natitira sa aking bulsa meron pang mangdidilehensya." sabi ni Dan.

"Hindi lang naman ikaw. Pareho tayo. Wala narin akong ekstrang pera."

Kaya agad silang tumakbo patawid sa kabila. Nang makita sila ng mga tambay ay tumawid rin ang mga ito. Habang tumatawid ay hindi namalayan ng magkaibigan na may malaking truck pala na patungo sa kanila. Hindi ito nakapagpreno agad.

Nang makita ni Dan na mababangga sila ng sasakyan ay buong lakas na tinulak ni Dan si Michael. Natumba ang kaibigan sa kabilang dulo nang kalsada at nagtamo ng maliit na gasgas sa kamay at siko bago nakatayo uli. Nang makita ng mga tambay ang nangyari, agad silang tumakas sa takot na sila ang masisi.

Paglingon ni Michael ay lakeng gulat niya na walang dugo at patay na katawan malapit sa bumper ng truck na ngayon ay nakahinto na. Bumaba ang driver para tingnan ang bumper at ilalim ng truck pero wala rin siyang nakita.

"Huhhh... Muntik na 'yun ha." Sabi ng napabuntong hiningang si Dan na nasa gilid ni Michael.

"Dan!" Natumba ulit ang kaibigan na nagulat at lalong nalito.

"Paano kang napunta diyan?"

"Di ako masyadong sigurado. Basta ang naalala ko tinulak kita at tumalon narin ako."

"Ahh ganon ba akala ko nabangga ka na." Hindi makapaniwalang sabi ni Mike.

"Pasalamat nalang tayo at nakaiwas sa dilehensya maging sa disgrasya. Sige na uwi na tayo."

Shadow's HeartMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon