Nakasakay ang buong pamilya Tagle sa kanilang second hand na van. Andoon si Maan, kanyang kuya, ina at ang ama na siyang nagmamaneho. Sumunod sila sa emergency ordinance ng mayor na lumikas dahil sa banta ng bioterrorism. Nakulong sila sa kalagitnaan ng mabigat na trapiko sa highway.
"Ang tagal niyo kasing nakapag-impake kaya tayo naabutan ng traffic.," reklamo ng kanyang kuya.
Galit ang marami sa mga motorista. Todo ang pagbusina nila sa sasakyang nauna sa kanila na hindi rin halos umuusad. 2PM pa ng hapon kaya sobrang maalinsangan; na lalong nagpainit sa ulo ng mga tao. May mangilan-ngilang mga sundalo at pulis na nasa gilid ng malapad na kalsada nagbabantay at sinusubukang pakalmahin ang mga pasahero. Maya-maya pa ay nakarinig sila Maan ng mga sigaw mula sa unahan, mga 100 metro ang layo mula sa kanilang sasakyan. Kasunod nito ang pagtakbo ng mga otoridad sa direksyon ng ingay tapos ay nagsimula na ring magpaputok ng kanilang baril. Nagsilabasan mula sa kani-kanilang sasakyan ang mga tao at kanya-kanyang nagsitakbuhan palayo sa kaguluhan.
"Anong nangyayari?!," takot na tanong ni Maan sa kanyang ina at ama na nasa frontseat ng van.
"Labas... Lumabas tayo ng kotse dalian niyo!!!" sigaw ng padre de pamilya.
Kaya mabilis silang lumabas ng sasakyan at sumali sa mga nagtatakbuhang mga sibilyan. Wala silang dinalang gamit maliban nalang sa kanilang pitaka at cellphone na nakatago sa kanilang mga bulsa. Nagsisiksikan ang mga tao dahil makitid ang daan sa pagitan ng mga sasakyan kaya ang iba ay umakyat at nagpatalon-talon sa itaas ng mga kotse at jeep para mas mabilis na makalayo. Sa isang iglap ay may isang babaeng tumilapon at bumagsak sa gilid ni Maan. Tastas ang tiyan nito at nakausli ang mga bituka na parang hiniwa ng isang matalas na espada. Napasigaw ang dalaga sabay lukso papalayo sa bangkay kaya nabunggo niya ang kanyang kuya.
"Wag kang tumigil Maan. Maaabutan nila tayo!" bulalas ng kapatid.
Lumabas sila sa kalsada at nagpatuloy sa pagtakbo sa sidewalk.
Bigla nilang narinig ang hiyaw ng ama. Kaya napalingon sila sa likod at nakita ang tatay na may sugat sa likuran at gumagapang sa lupa palayo sa isang katakot-takot na kulay abong nilalang.
"Iwan niyo nako. Umalis na kayo!"sabi nito sa pamilya.
Pero tumakbo si Maan patungo sa kanya habang ang kuya naman ay di nakakilos nagdadalawang isip kung tatakas ba o tutulungan ang ama. Inabot ng dalaga ang kanyang kamay sa tatay at inakay ito upang makatayo.
"Aghhhh!!!" sigaw ng kanyang ina ng makitang ihahampas na ng halimaw ang mga kamay nito sa mag-ama. Napapikit nalang si Maan sabay yakap sa tatay, tanggap na ang di inaasahang kamatayan. Mabilis na kinampay-kamay nito ang kanyang mga braso ngunit napahinto ang nilalang ng mapansing wala siyang natatamaan. Nilibot nito ang kanyang paningin sa paligid ngunit wala na ang apat na sibilyan.
Nagtaka nalang si Maan at ang kanyang ama dahil pagbuka ng kanilang mga mata ay nalula sila at nagulantang sa nasaksihan. Nasa tuktok na sila ng isang matayog na gusali ilang kilometro mula sa kanilang pinanggalingan. Maya-paya pa ay sumulpot din ang kanyang kapatid at ina. Hawak-hawak ang kamay nila ng isang pamilyar na persona.
"Walang duda siya ang White Shadow," naisip ni Maan.
Tinitigan siya nito ng ilang segundo. Naaninag niya ang mga mata ng vigilante. Di niya ito namumukhaan dahil sa puting hood at asul na face mask nito na kumukubli sa malaking bahagi ng kanyang mukha. Pero pamilyar sa kanya ang mga mata nito lalo na ang paraan ng pagtitig nito sa kanya. Malagkit at waring may pinapahiwatig. Saka naglaho itong muli at iniwan nalang sila doon ng wala man lang kahit isang salitang binitiwan.
Samantala kalmadong naglakad si Contreras patungo sa City Hall sa anyong tao. Nang makilala siya ng mga sundalong nagbabantay sa labas ng gusali ay pinagbabaril siya ng mga ito. Mabilis itong umilag-ilag pagkat alam na niya kung saan patungo ang mga bala. Nakalapit siya sa isang sundalo at hinila ito ginawang pananggalang sa mga balang patuloy na tinitira sa kanya. Kinain ng katawan ng kawawang sundalo ang mga bala na ikinamatay nito.
Maya-maya pa ay may dumating na tangke mula sa bandang kanan sa gilid ng gusali. Tumira ito sa kanya kaya napalundag si Contreras at nagtago sa likod ng isang poste ng kuryente bago paman tuluyang tamaan. Tapos ay lumitaw sa itaas ng ibang mga gusali sa palibot ng City Hall ang mga alagad nitong halimaw. Lumundag ang dalawa sa tangke pilit binuksan ang pintuan nito at nilapa ang mga nasa loob. Abala naman ang iba pang mga sundalo sa pakikipaglaban sa marami pang natitirang mga nilalang. May tinamaang halimaw ang isa pang tangke na agad nitong ikinamatay. Subalit mas mabilis at mas malakas ang kanilang mga kalaban kaya di nagtagal nawasak parin ng pwersa ni Contreras ang lahat ng sundalong bantay sa labas ng City Hall.
May mangilan-ngilan pang mga agent sa loob na sinubukang manlaban pero madali nalang niyang napaslang ang mga ito. Natagpuan ng doktor ang mayor sa kanyang opisina. Pagkakita nito sa kanya ay pinaputukan siya nito ng hawak na pistol pero walang kahirap-hirap na inilagaan niya ang mga bala. Nang makalapit siya ay sinakal niya ang alkalde. Kahit nahihirapang huminga ay pinilit nitong magsalita,
"Hin-di. Ka... Mag-tatagum-pay."
Dahan-dahang kumunot ang balat ng mayor at pumuti ang kanyang buhok. Nagpatuloy ito sa mabilis na pagtanda hanggang naging parang lantang gulay na ito sa katandaan bago tuluyang binawian ng buhay. Binitawan ito ni Contreras at napahalakhak ng malakas.
May tatlo pang alagad ni Contreras ang nag-aabang sa labas ng gusali. Nagmamasid ang mga ito sa paligid kung meron pa bang natitirang buhay na otoridad. Dumating si Dan at nagtago sa likod ng sirang tangke. Hinawakan niya ito at sa isang iglap ay bumagsak mula sa lumitaw na portal ang tangke sa isa sa mga halimaw. Napisa ang katawan nito sa lakas ng pagbagsak ng tangke na agad nitong ikinasawi. Ikinagulat ito ng dalawang natitira pa kaya mas naging alerto sila sa paligid. Nang makita nila ang binatilyo ay agad nila itong sinunggaban ngunit naglaho ito. Maya-maya pa ay bumagsak na naman ang natitira nitong kasama kaya naguluhan ang kapwa halimaw at maging si Dan. Nakita nila ito na may dalawang butas sa ulo.
BINABASA MO ANG
Shadow's Heart
Teen FictionHinagkan niya ang dalaga at nagsimulang tumalikod papalayo. Pero hinawakan ni Maan ang kanyang kamay at hinila ito ng malakas pabalik sa kanya kaya napaatras si Dan at lumingon sa dilag. Laking gulat niya ng pinolupot ni Maan ang kanyang mga kamay...
