Nagising si Dan sa isang pribadong ospital. Malaki ang silid na kanyang pinagpapahingahan ngunit napansin niyang siya lang ang pasyente sa loob. Di gaya ng mga karaniwang ospital kung saan siya naadmit dati na nasa apat o limang pasyente ang nagsisiksikan sa isang silid. Maayos ang bentelasyon, at mabango ang amoy ng kwarto. Maging ang ilaw sa kwarto ay tamang-tama lang at hindi nakakasilaw o medyo madilim.“Gising ka na pala Dan. Pinag-alala mo ako ng sobra.” naluluha pero masayang sabi ng nanay.
“Si Michael!!!,” napasigaw siya ng biglang naalala ang kaibigan.
Malungkot na tinignan siya sa mata ng kanyang ina at nagsabing,
“Pasensya na anak pero wala na ang kaibigan mo.”
“Nagbibiro ka lang nay diba? Sabihin mo na di yan totoo!!!” at napatulo na ang luha sa kanyang mga mata.
Pero napayuko lang si aling Aila at di na nakatingin sa kanya.
Maya-maya ay bumukas ang pinto at pumasok ang isang pulis na sa tantya ni Dan ay mukhang nasa 40 pataas na ang edad.
“Magandang hapon Dan o mas nakikilala ngayon bilang ang White Shadow. Ako nga pala si Senior Inspector Roldan Badayos.”
Nabasa ng opisyal ang pangangamba sa mukha ng binatilyo.
“Wag kang mabahala. Di ka namin ikukulong. At makakaasa kang walang nakakaalam ng katauhan ng vigilante maliban nalang sakin at ang ilan sa mga tauhan kong dinatnan kayo sa abandonadong gusali. Mahigpit kong ipinag-utos saking mga opisyal na wag ipakalat ang impormasyon tungkol sayo.”
“Ano po ba ang motibo ninyo? Malamang ay di kayo gagawa ng ganitong hakbang kung di ito makakatulong sa inyong interes,” seryosong sagot ni Dan.
Napangiti ang Senior Inspector.
“Matalino kang bata. Didiretsahin na kita. Kailangan namin ng tulong mo para mapigilan si Dr. Contreras. Malamang ay babalik siya upang isakatuparan ang kanyang mga plano. Bantay sarado na ng mga pulis at sundalo ang kanyang korporasyon at pinahinto na ng gobyerno ang ano mang operasyon nito. Subalit nakatakas ang doktor dala-dala ang mga biological weapon na kanyang inimbento. Sa ngayon ay di pa namin alam kung saan ang kanyang pinagtataguan. Ang tanging magagawa lang namin ay magmatyag at maghanda sa paparating na kaguluhan.”
“Anong alam ng pamilya ni Mike sa nangyari?”
“Wala. Ang pag-aakala nila na random lang ang nangyaring pagkidnap sa kanilang anak. Na natiyempohan lang itong nasa maling lugar sa mga oras na iyon kaya siya ang napagdiskitahan. At di rin nila alam na may koneksyon at nalalaman kayong mag-ina sa nangyari.”
“Asan po ba si Mike gusto ko siyang makita sa huling pagkakataon?”
“Wag ka munang lumabas anak. Di pa tuluyang naghihilom ang mga sugat mo.” utos ng ina ni Dan.
“Bago lang natapos ang libing ng iyong kaibigan kaninang umaga sa Buhangin Memorial Park.” pahayag ni Senior Inspector Roldan.
“Ano?! Gaano ka tagal na pala akong walang malay?”
“Apat na araw.”
Binuksan ni Dan ang kanyang facebook habang kumakain ng nakaupo. Andaming mensahe sa kanyang messenger karamihan ay galing sa mga kaklase. Binuksan niya ang kay Maan at ito ay binasa.
“Nasan ka na ba Dan? Sabi ng ina mo may sakit ka daw. Sana okay kana. Sayang at di ka nakapunta sa libing ni Mike. Magreply ka naman kung sakaling mabuti na ang kondisyon mo.”
Habang lumabas ang kanyang ina upang bumili ng mga gamot ng anak ay tinanggal ni Dan ang karayom, na nakadugtong sa dextrose, mula sa pagkakatusok nito sa kanyang kamay. Tapos ay tumalon siya papuntang sementeryo kung saan nakahimlay ang yumaong matalik na kaibigan. Sa may distansya ay nakita niya ang isang lapida kung saan ang lupa na pinapatungan nito ay presko pa ang pagkakalagay ni wala pang bermudang damo na tumutubo sa rektanggulo nitong pwesto.
Paglapit niya rito ay ang buong pangalan nga ng kaibigan ang nakaukit sa lapida.
“John Michael Urbano”
Di na niya binasa pa ang petsa ng kapanganakan at pagkamatay. Lumuhod si Dan hinihimas ang lapida habang umiiyak ng malakas.
“Mike patawarin mo ko. Wala akong kwentang kaibigan. Di kita nagawang iligtas… Pero makakaasa ka tol pagbabayaran ng hayop na doktor na yun ang ginawa niya sayo at kay itay! Alam ko na di mo na ko dapat pang pagkatiwalaan. Pero pangako ko yan Mike makakamtan mo ang hustisya.”
Pagbalik niya sa kanyang silid sa loob ng ospital ay nakita niya na marami ng pulis ang nasa loob kasama ang kanyang ina na umiiyak. Nang makita siya ni aling Aila ay niyakap siya nito ng mahigpit.
“San ka ba nagpunta? Gusto mo ba ‘kong atakihin sa puso sa pag-aaalala sayong bata ka?!”
![](https://img.wattpad.com/cover/220680780-288-k861775.jpg)
BINABASA MO ANG
Shadow's Heart
Teen FictionHinagkan niya ang dalaga at nagsimulang tumalikod papalayo. Pero hinawakan ni Maan ang kanyang kamay at hinila ito ng malakas pabalik sa kanya kaya napaatras si Dan at lumingon sa dilag. Laking gulat niya ng pinolupot ni Maan ang kanyang mga kamay...