KABANATA 12: BREAK UP

39 2 0
                                    


Matapos ang isang linggo ay nagbalik na ulit sa normal ang klase sa CityHigh. Ngunit kapansin-pansing mas dumami ang mga pulis na nagbabantay di lang sa palibot kungdi pati na rin sa loob ng campus. Naghilom na ang karamihan sa mga sugat ni Dan kaya pumasok na rin siya sa klase.

Nang papasok siya sa gate ay si Lolo Max lang at mga pulis ang nakita niyang kumakapkap at nagchicheck ng bag ng lahat ng pumapasok. Nalungkot siya ng naalalang patay na pala si chief Bangkay na ang tunay na pangalan ay Simon Estrera. Matindi ang kanyang pagkadismaya na di niya nailigtas ang sekyu. Bagaman naiinis siya sa pagiging estrikto ni Bangkay ay pangit parin sa kanyang pakiramdam na ang gwardyang matagal na niyang nakikita limang beses sa isang linggo ay wala na.

Nangyari nga ang inasahan ni Dan. Pagdating niya ng classroom ay kinumusta siya ng maraming kaklase maging ng ilan sa kanyang mga guro.

"Di ka namin napansin. Akala namin nauna ka ng lumabas ng campus. Laking gulat ng lahat ng malamang kasali ka sa mga nasaktan sa pangyayari." sabi ni Shane.

"Di kasi ako nakuntento sa panonood sa bintana kaya ako lumabas at lumapit para mas makita ang nangyayari."

"Palibhasa ka talaga Dan. Yan ang napapala ng mga chismoso," bulalas ni Albert.

"Maiba tayo. Nakita niyo rin ang White Shadow diba?" sabi ni Mike.

"Sobrang angas nung ginawa niya. Biruin mo; siya ang nagpatumba nung katakot na adik na yon!," sagot naman ni Albert.

"Nakita ko ang isang viral video niya sa Youtube nung hinuli niya ang riding in tandem. Na creeped out talaga ako dun. Pero simula nung nangyari sa school eh naging hot na siya sa paningin ko. Siguro gwapo ang nasa likod ng maskara." Tumitiling dagdag naman ni Shane.

"Maharot kang babae ka," sabi ni Albert.

Sumulyap si Dan sa upuan ni Maan. Nakita niya ang lungkot sa mga mata nito. Kanina pa niya ito napapansing parang wala sa sarili pero di siya nangahas na lapitan ang dalaga upang irespeto ang kanyang privacy lalo pat alam na niya ang lugar niya sa puso nito.

Bumalik sa gunita ni Dan ang unang beses niyang pagpasok sa CityHigh bilang Grade 11 student. Pareho ang ekspresyon niya nuon sa nakaguhit sa mukha ni Maan ngayon. Waring nag-iisa at wala sa sarili dahil sa kalungkutan.

Ilang buwan palang silang lumipat ng nanay niya sa Davao. Di pa dumarating ang guro sa mga oras na 'yon pagkat maaga siyang pinapasok ng kanyang ina dahil unang araw ng klase. Wala siyang masyadong alam sa buhay sa siyudad lalo na kung paano mahuli ang interes ng ibang teenager na makisalamuha sa kanya. Nahihiya siyang makipag-usap sa kahit sino man sa kanyang mga bagong kaklase. Lalo pat napansin ni Dan na halos pamilyar na silang lahat sa isa't isa at siya lang ang bagong salta dahil siguro magkaklase narin sila dati nung junior high.

Di inaasahan may cute na babaeng lumapit sa kanya. Iniabot nito ang isa niyang kamay upang magpakilala. "Ako nga pala si Maan at ang kasama ko naman ay si Shane."

Tinanggap naman ng binata ang kamay ni Maan at nakipag shake hands.

"Bago ka lang dito?"

"Ahh oo. Galing akong probinsiya."

"Kung nababagot ka at wala kang kausap pwede mo kaming lapitan."

"Maan naman!" mahinang siniko ni Shane si Maan sa kanyang baywang upang ipakita ang di pagsang-ayon sa kaibigan.

"Wag kang mahihiya masaya akong makakita ng bagong mukha dito sa campus. Bilang dating miyembro ng Student Council, tingin ko responsibilidad ko na maparamdam sa mga bagong estudyante na tanggap sila ng CityHigh." nakangiting sabi ni Maan.

Isang linggo niyang kasabay sila Maan at Shane maglunch at umuwi hanggang sa naging barkada ni Dan si Michael at nagsimulang sumulpot sa eksena ang basketball player na si Gino ng niligawan nito ang dalaga. Doon nagsimulang lumabo ang pagkakaibigan nila ni Maan.

Nang makatiyempo na bakante na sila. Nag-usap ang magbarkada.

"May bago akong natuklasan Mike."

"Tungkol ba sa Alamara?"

"Hindi. Patungkol sa kakayahan ko."

"Ahh nakabalik ka ulit sa kawalan? Sa kadiliman?"

"Diba alam mo nang sa mga kamay ako nagpapalabas ng enerhiya para makagawa ng portal?"

"Siyempre naman."

"Nung aking huling engkwentro tingin ko nakontrol ko ang gravity gamit ang aking mga binti at paa. Di lang pala space ang namamanipula ko kungdi pati na rin gravity."

"Astig! Parang galing sa ibang mundo o ibang dimensyon ang pinanggagalingan ng abilidad mo Dan. Mas lalo tuloy akong naiinggit sayo."

Nang matapos na ang klase ay nakita niyang pumasok sa classroom si Gino. Nilapitan niya si Maan na naglalagay ng mga aklat niya sa bag.

Akmang aalis na si Dan at pasunod na rin si Mike nang marinig niya ang galit na bulyaw ni Maan,

"Bitiwan mo'ko!"

Paglingon ni Dan ay nakita niyang hinawi ng dalaga ang braso ni Miko na akmang papatong sa kanyang balikat. Lumabas sila Dan sa silid ngunit huminto siya sa gilid ng pinto sa anggulong di nakikita ng magkasintahan.

"Anong ginagawa mo?," pabulong ni Michael.

"Mauna ka na." mahinang sagot ni Dan.

Kaya tumuloy na ang kaibigan palabas ng paaralan habang si Dan ay nanatiling nakikinig.

"Dun kana sa bago mo." naiinis na pahayag ni Maan.

"Pramis kaibigan ko lang siya. Walang kung anong namamagitan saming dalawa."

"Eh, ano tong picture na to na sinend ni Shane sa akin? Kitang-kita na magkahalikan kayong dalawa sa bar!"

"Putik naman tong si Shane oh pakialamera talaga! Nadala lang ako sa kalasingan di ko alam kung ano ang aking nagawa. Sorry na di ko sinasadya. Please maniwala ka!!!," nagsusumamong sabi ni Gino.

Lumuluhang lumabas si Maan. Napahinto siya saglit, nagulat ng makita si Dan sa may pintuan. Mabilis na sumunod si Gino sa dalaga. Nang mapadaan siya sa gilid ni Dan ay hinarangan siya ng binatilyo.

"Ano bang problema mo?!" sigaw ni Gino sabay tulak kay Dan.

Sinundan niya ito ng suntok buti nalang at nakaiwas ang binata. Inapakan ni Dan ang paa ni Gino ng buong lakas. Lalong mas bumigat ang kanyang paa dahil sa mas pinataas niya ang gravity rito. Napatili sa sakit si Gino at natumba na hinihimas ang kanyang paa. Tinitigan niya ito ng masama bago iwan ang nakahigang si Gino.

Shadow's HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon