Huling tula para sayo

41 0 0
                                    


Sa wakas ay maisusulat ko na,
Huling tulang ikaw ang paksa,
Huling tulang sayo umiikot ang bawat salita,
Huling tula.

Hindi na ako aasa,
Hindi na magbabaka-sakali pa,
Sarili'y makakalaya na,
Dahil ang tulang ito ay hindi na matatapos sa 'mahal pa rin kita'
Kundi sa katagang 'minahal nalang kita'
Magpapakatotoo ako,
Mahirap sapagkat binigyan mo ako ng napakaraming alaalang maaaring sumimbolo,
Sa dating ikaw at ako na hindi nagtapos sa salitang 'tayo'
Walang tayo,
Hindi naging tayo,
Masakit sapagkat umasa na baka'y mahal mo rin ako,
Pero hindi,
Tanggap ko nang hindi ako ang makakapagpangiti,
Tanggap ko nang tayo ang 'hindi'
Na kung sa kanila'y aayon ang tadhana at sasagot ng 'oo'
Ay sa atin namang kabaligtaran nito.

Tapos na,
Hindi na dapat pang umasa,
Wala nang 'malay at siguro'
Wala nang 'baka'
Ubos na,
Pagod na,
Sobrang sakit na,
Hindi na kita dama.

Kaya ko nang magisa,
Masaya na ako kahit wala ka,
Iba man yung pakiramdam ng ikaw ang kasama,
Iba man yung saya kapag ikaw ang nagpapatawa,
Tanggap at kaya ko na,
Na hindi ikaw yung permanente,
Hindi ikaw yung pangmatagalan,
Na ikaw man yung taong bumubuo sa aking araw kahit hindi pa nasisilayan ang buwan,
Ay hindi naman ako ang iyong kailangan,
Kaya patawad,
Ako na ay uusad,
Hindi na ako mananatili sa lugar kung saan mo ako iniwan,
Hindi na ako iiyak muli dahil lang sa iyong paglisan,
Patawad sapagkat ayoko na pang masaktan.

Aalis na ako,
Gaya ng pagalis mo nung panahong kailangan ko ang isang katulad mo,
Gaya ng pagalis mo nung panahong umiiyak ako't nagmamakaawa na manatili ka sa piling ko,
Gaya ng pagalis mo at pagsama ng mundo ko sayo,
Gaya ng pagalis mo,
Aalis na ako.

Hindi na pa magiiwan ng bakas,
Babangon nang muli para sa panibagong bukas,
Ito na ang wakas,
Ang pagtatapos ng salitang 'mamahalin pa rin kita'
Mamahalin pa rin kita kahit ako lang ang lumalaban para sa ating dalawa,
Mamahalin pa rin kita kahit na hindi tayo ang nakatakda,
Mamahalin pa rin kita kahit ang sakit sakit na,
Mamahalin pa rin kita kahit binigyan mo ako ng sugat sa pusong ang tagal nang sariwa,
Mamahalin pa rin kita kahit nararapat lang na mawala'y tayo sa isa't isa
Mamahalin pa rin kita kahit na sa ating dalawa ay ako lang nagmamahal magisa.
Dahil ako nalang ang naiwan sa gitna,
Hindi makausad sapagkat nagbabaka-sakaling magbalik ka,
Ngunit patawad at ako'y maglalakad na papunta sa dulo,
Kung nasaan ang kaligayahan at kalayaang matagal ko na dapat tinakbo.

Tatakbo ako,
Hindi na ako titingin pabalik sa
dating ikaw at ako,
Pangako,
Hindi na hihinto,
Hindi na liliko,
Hindi madadapa o yuyuko,
Hindi mangungudngod o mapapaupo,
Hindi na lilingon at susulyap sa alaalang bumabasag ng paulit ulit sa puso.

Marami-rami na ring sakit ang dulot mo,
Na sa bawat paglingon at pagkilos ko'y naaalala ko ang nakaraan nating nagtapos nang hindi pa nakararating sa dulo,
Ito na rin siguro,
Ang tamang panahon para makalaya ako at masabi kong wala na akong nararamdaman para sayo,
Hindi ang tamang panahon para bumalik ka't masabi kong 'tayo'
Dahil walang ganon,
Sa ating dalawa ay walang tamang panahon,
Walang pagkakataon,
Walang linggo,buwan o taon,
Ang meron lang ay ang tamang araw para masabi kong hindi na kita mahal at masasabi ko na ngayon.

Hindi na ikaw ang bituin,
Hindi na ikaw ang liwanag sa dilim,
Hindi na ikaw ang magandang tanawin,
Hindi na ikaw ang araw at buwan,
Hindi na ikaw ang pinapangarap at kailangan,
Hindi na ikaw ang sinusulyapan,
Hindi na ikaw ang mundo,
Hindi na ikaw ang kukumpleto sa kulang na pagkatao,
Hindi na ikaw ang minamahal ko.

Huling mga letra,
Huling mga salita,
Huling mga tugma,
Huling mga taludtod at saknong,
Huling tula para sayo,
Huling tulang ikaw ang paksa,
Sapagkat gusto ko nang sabihing
Paaalam na...
Ako'y magpapatuloy na sa kabilang pahina,
Hindi na babalikan pa ang masaya at masakit na alaala,
Tinatapos ko na ang lahat ng tungkol sayo at sa ating dalawa,
At sa wakas ay masasabi ko na sa dulo ng tula..

Na hindi na kita kailangan,
Na hindi na ikaw,
At kahit kailan ma'y hindi na magiging ikaw,
Hindi na,
Sapagkat tapos na at wala na,
Hindi na magtatapos sa 'mahal pa rin kita'
Kundi sa 'minahal nalang kita.'

Paalam na,
Minahal kita.

Ikaw ang PaksaWhere stories live. Discover now