Simula

315 50 23
                                    

"Señorita, pinapatawag na po kayo ng iyong ama sa terasa't paparating na raw po ang inyong bisita."

Nilingon ko ang kasambahay na nagsalita. Kasalukuyan itong nakatayo sa labas ng kwarto ko at bahagyang nakasilip lamang sa akin dito sa loob.

Malawak akong ngumiti sa kanya. Yumuko ito at umatras saka nagpaalam na babalik na sa baba.

Dismayado akong napabuga ng hangin bago nagkibit-balikat. Bagong pasok ata siya dito sa mansyon at nakaramdam siguro ng hiya.

Tamad akong tumayo mula sa pagkaka-upo sa aking kama. Tinungo ko ang aking tukador at saka nagpasyang mag-ayos.

Nabanggit nga sa akin noong nakaraang araw ni Papa na ngayong araw bibisita ang matalik niyang kaibigan kasama ang pamilya nito. Aniya'y kauuwi lang daw ng mga ito galing sa ibang bansa at nais na magbakasyon muna dito sa amin.

Tinahak ko ang hagdan pababa bago tumungo sa terasa. Malayo pa lamang ay kita ko na ang aking ina na panay parin ang mando sa mga kasambahay na naroroon at mukhang hindi pa ata tapos sa paglilinis.

Nang makalapit ay agad akong humalik sa kanyang pisnge. Saglit n'ya akong niyakap at saka itinuro ang aking ama na ngayon ay prenteng nakaupo sa isa sa mga upuan na naroroon at may kapit pang dyaryo. Nagmano ako bago umupo sa tabi n'ya.

"Malapit na po ba sila?" tanong ko dahilan upang tumango-tango ito.

Magtatanong pa sana ako ngunit naudlot nang makarinig ng busina mula sa isang sasakyan. Nilingon ko iyon at saka napagtantong mukhang dumating na ang bisita nila Papa.

Pinagmasdan ko ang masayang paglapit ng aking mga magulang sa kabababa pa lamang na ginoo at ginang. Napangiti ako nang magyakapan ang aking ama at ang ginoo.

Lumipat ang tingin ko sa sasakyan nang bumukas muli ito at lumabas ang isa pang lalaki. Habang ang mga kamay ay parehong nakapasok sa loob ng magkabilaang bulsa ng pantalon nitong suot, inikot n'ya ang tingin sa buong paligid. Iniwas ko ang tingin ko sa kanya. Pormal akong tumayo sa terasa habang patuloy na pinagmamasdan ang batian ng mga nakatatanda.

"Adah! Come here!"

Mabilis akong naglakad papalapit sa pwesto nila nang marinig ko ang pangalan ko. Nakangiting mga mukha ang tumambad sa akin.

"Leticia, Federico, si Adahlianna ang unica ija ko." pagpapakilala sa akin ni Mama sa ginang na halos kasing-edad din n'ya. Malawak itong ngumiti sa akin.

"Ang laki na n'ya Deliah, at ang ganda pa!" Puri niya kaya naman bahagya akong nakaramdam ng hiya.

"You can call me Tita Leticia okay?" dagdag niya pa kaya naman ngumiti ako at tumango-tango. Dumapo ang tingin ko sa lalaki na ngayon ay nasa likod pa din. Hinila ito ni Tita Leticia at saka ipinakilala.

"Adah, ito ang anak kong si Priam. Tiyak na magkakasundo kayo!" Masaya n'yang wika. Inilahad ko ang kamay ko sa kanya, saglit n'ya itong tinitigan bago tinanggap.

"Adahlianna Fuentes." pagpapakilala ko.

"Priamero Oregon Zorilla." Wika n'ya bago binitawan ang kamay ko.

Hindi na ako nagsalita dahil wala din naman akong sasabihin pa. Buti na lamang at nag-aya na ang aking ina na tumuloy na papasok sa mansyon. Nagtawag pa ito ng ilang kasambahay upang tumulong sa pagdala ng mga gamit ng mga bagong dating.

Sa hapag ay panay parin ang kwentuhan nila. Tahimik lang akong nakikinig at minsang sumasagot kapag tinatanong. Seryosong kumakain si Priam na nakaupo sa harap ko. Nagkunwari agad akong okupado ako sa pagnguya nang mag-angat ang tingin nito.

Nalaman kong sa London pala siya lumaki at doon din nag-aral. Madalas sila sa pilipinas kapag bakasyon at ngayon ay napagpasyahang dito sa mansyon namin sa La Castellana muna sila mamamalagi.

Remembering Sunshine (La Castellana Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon