Swords 7:
Kinabukasan, buong araw na Physical Education lang daw ang subject namin. Tuwing Thursday raw ang pag-eensayo upang mahasa ang kakayahan sa mahika at pakikipaglaban.
Natuwa kami sa nalaman kaya maaga pa lang nasa canteen na kami at kumakain. Kasama namin sina Jeni at Abegail. Puro kwentuhan at tawanan lang naman ang ginagawa namin. Si Brae kasi ang nagpapatawa.
Pagkatapos kumain ay dumiretso kami sa open field. Doon daw kasi kami magkaklase at masaya ako dahil kaklase ko ang mga kapatid ko. Kaso, naloka rin ako nang malamang pati ang apat na magic princes ay kaklase rin namin.
Pati si Kristela ay kaklase namin. Ang sama tuloy ng tingin niya sa akin. Wala na akong magawa pa kung hindi ang iwasang dumikit sa isa sa kanila. Delikado ang sakit nila. Nakamamatay. Lalong-lalo na si Kristela.
Unang itinuro sa amin ni Coach Lester ay ang self-defenses. Itinuro niya sa amin ang mga tamang pwesto ng paa at kamay. At dahil gamay na namin ito, madali na lang para sa amin ang lesson. Para sa mga Venon Class, kailangan nilang magpakitang gilas sa kanilang magic. Kami naman ay umupo sa damuhan at pinanonood sila.
Nakakapanabik! Ito ang unang beses kong makikita kung paano nilang lahat gagamitin ang kanilang kapangyarihan, lalong-lalo na ang magic princes at si Kristela.
Unang gumawa ng aktibidad si Amos. Hindi ko alam pero kinakabahan ako sa pwede n'yang gawin.
Pumwesto siya sa gitna at tumingin sa akin. Nagtaka tuloy ako, lalo na't ang talas ng tinging ibinibigay sa 'kin ni Kristela, pero bahala na sila.
Ikinumpas ni Amos ang kaniyang kamay na hindi inaalis ang tingin sa akin at agad namang lumabas ang yelo mula rito! Kinabahan tuloy ako. 'Wag niyang sabihing ibabato niya sa akin ang yelo? Napakapit tuloy ako kay Riri dahil do'n. Nagtatakang nilingon niya lang ako, kaya naman nginitian ko na lang siya upang takpan ang kabang nararamdaman ko.
Muli naming nilingon si Amos. Nagulat na lamang ako nang biglang nag-hugis dragon ang mga yelo ni Amos. Sa isang pitik niya lang ay sumabog ito at umulan ng maliliit na yelo sa kaniyang kinatatayuan na siyang ikinamangha ko.
Napapalakpak ako sa sobrang tuwa, ngunit napatigil din agad nang mapansing nakatingin silang lahat sa akin nang masama. Hala? Bawal na ba akong pumalakpak ngayon? Napapahiyang ibinaba ko na lamang ang aking kamay.
"OMG, sisteret, pumalakpak ka lang nagsitinginan na sa 'yo ang mga kaklase natin," bulong sa 'kin ni Mimi sabay hagikhik.
"E, paano, nakatitig sa kanya ang prinsipe ng buhay nila," mataray na dagdag naman ni Bibi.
"Oo nga. Bakit kaya?" Pinaningkitan niya ako ng tingin at binigyan ng pilyang ngiti sa labi.
"Baka dahil balak niya akong balutin ng yelo, pero naisip niyang 'wag na lang muna?" sagot ko naman, dahilan para matawa silang tatlo sa akin.
"Para kang baliw, sisteret," natatawang sambit sa 'kin ni Mimi. Napasimangot na lang ako at muling tumingin sa harap.
Sunod na nagpakitang gilas si Zech. Gamit ang kapangyarihang abo ay nagawa niyang makabuo ng isang maliit na ipo-ipo. Natuwa ako dahil doon. Sunod namang nagpakitang gilas si Deu gamit ang kanyang lightning magic at si Titus gamit ang earth magic.
Halos hindi na mawala-wala ang ningning sa aking mga mata habang nakatingin sa kanila na ipinag-mamayabang ang kanilang kapangyarihan. Ang galing! Nakakatuwang panoorin! Sana lagi na lang ganito.
Pagdating ng tanghali ay sabay-sabay na naman kaming kumain sa canteen nina Jeni. At gaya nga kanina ay kung anu-ano na naman ang ikinukwento ni Brae sa amin. Habang kumakain ay sinabi naman sa amin ni Eva ang tungkol sa mga pinaggagawa ni Kristela rito sa Academy.
BINABASA MO ANG
MAJESTIC ACADEMY: The Elemental Swords ✔️
FantasySimula nang pumanaw ang kanilang lolo ay napunta sa pangangalaga ng kanilang tiyohin ang apat na magkakapatid. Ito rin ang siyang nagdala at nagpakilala sa kanila tungo sa mga hindi kapani-paniwalang mundo ng mahika. Isang mahika na tanging sa libro...