Epilogue:
"You may now kiss the bride."
Isang masigabong palakpakan ang bumalot sa buong palasyo. Humarap sa akin si Amos at saka ngumiti. Kinabig niya ako at walang anu-ano'y siniil ng isang matamis na halik sa labi. Lalong lumakas ang palakpakang naririnig namin sa buong paligid.
"Now, you are mine... Forever," bulong nito sa aking tainga kaya natawa na lamang ako.
Isang buwan na ang lumipas matapos ang labanang nangyari sa Black Kingdom na ngayon ay sinira at pinatayuan ng bagong gusali. Nakatayo kasi ito sa pinakatagong lugar ng bayan ng Aurora, ilang oras bago marating mula sa bayan ng Ariel. Mapayapa na rin ang buong Centro.
Nagbalik sa dati ang lahat. Unti-unting inayos ang mga gusaling nasira sa tulong na rin ng mga pamahalaan at ng palasyo. Bumalik na rin ang klase sa Academy at tinagurian na nga kaming Princesses dahil sa tinawag sa amin ng mga diyos at diyosa. Kami naman kasi talaga ang Elemental Princesses. Dahil doon ay lalo kaming sumikat sa buong Centro kaya kapag may pupuntahan kaming bayan ay kilalang-kilala kami.
Tinanggal na rin ang batas na nagbabawal sa paggamit ng mahika. Sobrang saya ng mga tao lalong-lalo na ng mga bata. Binigyan ng marangyang libingan ang mga taong namatay sa labanan kasama na roon si Thomas. Humingi na rin ako ng paumanhin sa mga magulang niya dahil sa pagkamatay nito at nauunawaan naman nila ang nangyayari.
Dumating ang araw ng kasal namin ni Amos. Sobrang nagulantang ako sa sinabi ni Lolo noon. Biruin mo, gusto niyang ikasal kami ni Amos kinabukasan matapos ang nangyari. Ni hindi pa nga kami nakakabawi ng lakas. Kinailangan pa naming magpahinga at magpagamot dahil sa mga sugat na natamo namin. Kaya hindi ako pumayag sa gusto ni Lolo. Sinabi kong ayusin muna ang lahat bago ang kasal na nais niya, kaya ayun at binigyan niya kami ng isang buwan upang paghandaan ang kasal. Mabuti na lang din at pabor kay Supremo at Mrs. Escuzel ang pagpapakasal namin.
Aniya, naging kaibigan daw nila ang aming ama at marami silang pinagsamahan kaya napakalaking karangalan daw na maikasal ang kanilang unico hijo sa akin. Kaya halos mapuno ng mga tao ang buong palasyo. Sobrang dami ng dumalo. Halos lahat ng mga tao sa buong Centro ay nandito. Nagmukha tuloy itong koronasyon ng mga hari't reyna? Napailing na lang ako.
Pagkatapos ng kasal ay babalik na si Lolo sa bundok, doon sa dating tinitirhan namin samantalang mananatili naman kami sa Academy. Siyempre, nag-aaral pa kami, e.
"OMG! Mag-asawa na kayo!" Natawa kaming pareho dahil sa sinabi ni Mimi. Nakaupo kami ngayon sa gitna ng napakalaking silid na tinatawag nilang hall. Mala-trono ang kinauupuan namin ni Amos. Napapalibutan kami ng sangkaterbang mga tao na kumakain sa napakaraming lamesang sadyang inihanda.
"Paano ba 'yan, dude, bawal ka nang mambabae," pang-aasar ni Zech kay Amos na sinamaan lang siya ng tingin. Natawa lang ako.
"Hoy, Amos! Umayos ka! Kapag sinaktan mo itong kapatid ko ay mapapatay talaga kita," seryosong banta ni Bibi na katabi lang ng nobyo niyang si Zech.
"I know what I'm doing. Besides, hindi ko siya sasaktan. I'm her knight and protector, right?"
"Siguraduhin mo lang." Inirapan ito ni Bibi.
"Babyloves, hayaan mo na sila. May tiwala naman akong hindi sasaktan ni Amos si Shishi." Tinaasan ni Bibi ng kilay ang nobyo na nakangisi sa kanya.
BINABASA MO ANG
MAJESTIC ACADEMY: The Elemental Swords ✔️
FantasySimula nang pumanaw ang kanilang lolo ay napunta sa pangangalaga ng kanilang tiyohin ang apat na magkakapatid. Ito rin ang siyang nagdala at nagpakilala sa kanila tungo sa mga hindi kapani-paniwalang mundo ng mahika. Isang mahika na tanging sa libro...