Swords 31:
Ito na ang pinakahuling level na kailangan naming tapusin pero parang gusto ko na lamang umatras dahil sa napakalaking higante na nasa harapan namin ngayon.
Napalunok-laway na lang kami habang pinagmamasdan ang anim na ulo nito. Sa unang tingin pa lang ay maiihi ka na sa kaba dahil sa laki at nakakatakot na bunganga nito.
"S-sisteret, s-sigurado ba kayong i-ito na iyon?" kinakabahang tanong ni Bibi.
"A-ang alin?"
"'Y-yong panghuling round?"
"O-oo?"
"T-tingin ko naman i-ito na iyon."
"Girls, humanda kayo. Delikado ang isang 'to," paalala ni Brae.
"A-ano bang tawag sa isang 'yan?" kinakabahang tanong ni Mimi. "G-gusto ko sanang alagaan, kaso nakakatakot siya kaya 'wag na lang."
"Isa 'yang hydra. Isang klase ng dragon na may anim na ulo," paliwanag ni Jeni sa amin.
"A-ah, gano'n ba. Infairness naman m-malaki siya. P-pero tingin ko naman k-kaya natin silang talunin, h-hindi ba?" Kinakabahang tumawa si Mimi.
"Hindi, pero tingnan na lang natin."
"Shishi, ikaw pa rin ang kukuha ng flag, ah? Kami na ang bahalang makipaglaban dito," ani Brae kaya medyo nakakahinga ako nang maluwag. Siyempre, ligtas na ako.
Hindi na nagsayang ng oras si Brae. Siya na mismo ang nanguna para labanan at lituhin ang hydra. Agad namang sumunod sa kanya ang iba ko pang mga kasama at nagsimulang atakihin ito.
Agad kong inilibot ang aking paningin sa paligid para hanapin ang natitirang flag. Nainis ako nang mamataan ang flag na hinahanap namin sa tabi ng hydra. Nakalutang ito sa ere at kailangan ko pang lumapit para makuha ito. Lintik! Bantay sarado niya ito!
Mukhang wala rin akong ibang pagpipilian kundi ang lumaban.
"Brae, lituhin niyo 'yang halimaw na 'yan! Kukunin ko ang flag sa tabi niya!" sabi ko na agad naman nilang sinunod.
Mabuti na lamang at walo kami kaya tig-iisang ulo sila. Gamit ang aking espada ay sumugod na rin ako. Sinubukan kong puntiryahin ang isang ulo nito pero mabilis ang mga galaw nito kaya nahirapan ako. Pinagtulungan namin ito ni Mimi. Pinaghalong hangin at apoy ang aming ginawa kaya lalong lumakas ang aking espada. Tumama ang espasa ni Mimi sa ulo ng hydra. Ginamit ko iyong pagkakataon para ihagis ang aking espada sa kanya. Nagawa namin itong talunin pero nagulat na lang kami nang bigla itong tumubo.
Nagkatinginan kami ni Mimi, bakas ang gulat sa mukha. Lintik! Hindi ba namamatay ang isang 'to?
Muli itong sumugod sa amin kaya wala kaming nagawa kundi ang tumakbo at umiwas. Sinubukan ko ulit putulin ang kanyang ulo pero muli na naman itong tumubo at ang mas nakakagulat pa roon ay nadadagdagan ang kanilang ulo! Ano 'to, walang kamatayan?
"Bibi!" Napalingon kaming lahat kay Bibi nang tumalsik ito sa isang puno. Agad siyang tumayo kahit namimilipit sa sakit saka napamura, at nanggigigil na sumugod muli sa halimaw.
Lintik! Ang lakas pala ng nilalang na ito!
Muling sumugod sina Brae at Eva, ganoon din kami ngunit hindi ko alam kung paano sila matatalo!
"Brae, anong gagawin natin? Dumadami ang ulo nila!" sigaw ni Riri, nahirapan nang labanan ito.
"Shishi, kunin mo na ang flag! Iyon lang ang tanging paraan para makaalis tayo rito!" sigaw ni Brae kaya muli akong napalingon sa mga ulo nito. Parang kanina lang ay anim lang ang mga 'to, ngayon ay sampu na. Lintik!
BINABASA MO ANG
MAJESTIC ACADEMY: The Elemental Swords ✔️
FantasySimula nang pumanaw ang kanilang lolo ay napunta sa pangangalaga ng kanilang tiyohin ang apat na magkakapatid. Ito rin ang siyang nagdala at nagpakilala sa kanila tungo sa mga hindi kapani-paniwalang mundo ng mahika. Isang mahika na tanging sa libro...