Kabanata XIV. Autumn
Gabi na rin kaya napadesisyunan na namin ni Elias na bumaba na at pumasok na sa loob ng bahay ng lolo at lola niya. Tinanong ako ni Elias kanina kung gusto ko ba daw na dito nalang muna kami magstay, syempre nung una tumanggi ako, hindi naman ako kaladkaring babae para pumayag kaagad sa kung anong gusto niya pero in the end he still convinced me, ewan ko ba ginayuma niya ata ako kaya in the end palagi nalang niya akong napapapayag. Ang hina ko talaga pagdating sakaniya.
"Halina kayo, Elias at Autumn, kakain na tayo ng hapunan." aya samin ng lola niya. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung anong pangalan ng lola niya, sabagay hindi ko rin naman kasi natatanong pa.
Hindi muna ako tumayo ay hinintay ko muna si Elias na mauna sakin. Syempre, nakakahiya naman kung ako pa ang maunang magpunta sa lamesa kesa kay Elias eh siya yung apo.
Tumayo na si Elias kaya sumunod na ako sakaniya kaaagad. Gutom na rin ako at mukhang masarap ang ulam nilang laing, ayaw ko lang rin na lumabas at magmukha akong patay gutom.
Ipinaghatak ako ni Elias ng upuan para makaupo na ako bago siya naupo sa tabi ko. Hindi kalakihan yung lamesa nila, sakto lang siguro sa limang tao, ibig sabihin sakto sa bilang namin ngayon.
Nagulat ako nang bigla akong pagsandukan ni Elias ng kanin at ng ulam, nagtatakang tiningnan ko siya. Hindi naman ako bata at kaya ko naman yung sarili ko pero aaminin ko naman na napakagentleman ng ginawa niya at sobrang nakakakilig pero nakakahiya pa rin sa lolo at lola niya dahil baka isipin nila masyado akong nagpapakaimportante. Nakakunot ang noo ko na nakatingin kay Elias pero nginitian niya lang ako.
Nagdasal muna kaming lahat bago kami nagsimulang kumain. Tahimik lang ang paligid at parang walang gustong magsalita, ayoko din namang maging madaldal, baka isipin nila na feeling close ako, pero sa totoo lang, ang sarap sa feeling nung ganito, matagal-tagal na rin nung huli akong kumain na may mga kasama sa lamesa. Nakakatuwa lang. Simula kasi nung mamatay si mama, ako nalang palagi yung kumakain mag-isa.
Biglang binasag ni lola ang katahimikan. "Ay hija, alam mo ba yang si Elias napakaiyakin niyang bata." natatawang sambit ng lola ni Elias. Napalingon ako ng dahil don, interesado rin naman akong malaman kung anong klase talaga ng tao si Elias, tutal hindi kami nagkaroon ng sapat na pagkakataon para kilalanin ang isa't isa.
Nakita kong natawa na rin ang lolo ni Elias. "Oo nga, hija. Naalala ko pa noon nung nadapa si Elias at nahulog sa kanal." sabay na nagtawanan sina lolo at lola kahit si Kuya Rommel ay nakikitawa na rin kaya nakitawa na rin ako. Epic naman kasi talaga nung nangyari kay Elias nung bata siya.
"Lo! Bakit kailangan mo pang sabihin yan?!" suway ni Elias sa lolo niya. Hindi ko siya nilingon at nakatingin pa rin ako sa lolo at lola niya. Gusto ko pang makarinig ng mas maraming kwento tungkol kay Elias.
"Ano pa po?"
•••
Buong gabi lang kaming nagkwentuhan at nagtawanan, dahil sa lolo at lola niya mas nakilala ko pa kung anong klaseng tao si Elias, napakakulit pala niya noon at napakaharot. Nalaman ko din na anak nila yung papa ni Elias at kapatid naman nito si Kuya Rommel. Kinwento din nila sa akin yung naging history nitong amusement park. Dito daw lumaki ang papa ni Elias dahil sila daw ang may-ari nitong amusement park pero nung nagkaroon daw ng renovation sa mga kalapit na lugar at nagsisulputan ang mga bagong pasyalan, nagsara na daw sila dahil nalulugi na daw sila. Ang nag-iisang bagay lang daw na nanatiling ayos ay yung ferris wheel at simula nung ipinanganak si Elias palagi na daw nilang nililinis yung para daw may pagkaabalahan si Elias sa tuwing nagpupunta siya rito. Nakakalungkot lang na isipin na nagsara na yung amusement park nila, mukha pa namang maganda kaya lang katulad nga nung bakery namin, may mga bagay na kailangan mawala at kailangan mong pakawalan.