Ikalabing-apat na Yugto: Melancholy

37 4 0
                                    

ISANG malakas na sampal ang ibinigay ko kay Chris. Kalahating minuto rin ang lumipas bago nagsalita si Chris.

"It seems you already know it."

"Bakit Chris?"

"Look. I can explain, Nimfa."

"Nakita ko na lahat. Nabasa ko na lahat. Ano pa ang ipapaliwanag mo?"

"It's not what you think!"

"Malinaw na malinaw sa akin na naglihim ka sa'kin!"

"No, Nimfa! Sasabihin ko rin naman sa'yo eh. Naghahanap lang ako ng pagkakataon."

"Ha!" Kunwaring tawa ko.

"Pinagkatiwalaan kita Chris. Ang sabi ni Raven, isa akong malaking ebidensya sa kasong tinatrabaho mo. Eto ba? Eto ba ebidensyang iyon?" Turo ko sa board na nasa tabi ko.

Tumungo si Chris at hindi nagsalita.

"Alam mo ba na gustong-gusto kong malaman ang pagkatao ko? Kung sino ako? Kung bakit ako nandito? Pero pinagkait mo sa'kin ang katotohanang 'yon."

Tumalikod ako at akmang aalis na sa harap niya bago pa muling tumulo ang luha ko pero hinawakan niya ang braso ko. Inagaw ko ito upang makawala sa pagkakahawak niya at tuluyang umalis. Narinig ko pang tinawag ni Chris ang pangalan ko ngunit hindi na ako tumigil o lumingon man.

Tumakbo ako sa kaliitan ng daan. Nadapa ako dahil sa kadiliman ngunit mabilis akong tumayo at patuloy na tumakbo hanggang sa makalabas ako ng basement.

Madilim pa ang paligid. Dali-dali akong umakyat ng hagdan at pumunta sa kwarto. Pagkasarang-pagkasara ko ng pinto ay doon na ako bumagsak.

Umiyak lang ako nang umiyak hanggang sa wala nang mailabas na luha ang mga mata ko. Sobrang sakit ng nararamdaman ko. Nahihirapan na rin akong huminga dahil sa sobrang pag-iyak. Pakiramdam ko'y may tumutusok sa puso ko dahil sa sobrang sakit ng mga nasaksihan ko at ng mga nalaman ko. Kung sino ba talaga ako. Kung ano ba talaga ko. Lalong-lalo na sa sinapit ni Alfonso. Pati na rin ang paglilihim ni Chris.

Ilang oras pa ang lumipas ay pakiramdam ko'y pabigat na nang pabigat ang mga mata ko. Konti na lang babagsak na ito. Pagod na ako sa lahat ng bagay. Wala nang halaga ang buhay ko. Bakit pa ba ako naririto? Dapat patay na ako matapos lumubog ang barko. Kasama ko dapat si Alfonso kung hindi lang ako napadpad dito.


NAKATITIG lang ako sa maputlang kulay ng kalimbahing kisame buong araw. Tatlong araw na ang lumipas mula noong pangyayari sa basement. Tatlong araw na nagdaan ngunit nakahilata lang ako sa kama. Tatlong araw na akong umiyak nang umiyak kahit wala nang ipipigang tubig sa mata ko. Kinulong ko ang sarili ko sa kwarto. Ayoko munang makausap ang kahit na sino. Gusto kong mapag-isa. Kahit na maaaring makapasok si Jarvis sa kwarto nang hindi dumadaan sa pinto palibhasa siya'y isang AI ay hindi niya ito ginawa. Nag-iiwan naman si Raven ng pagkain sa labas ng pinto at kumakatok kapag oras na ng pagkain ngunit wala akong gana. Hindi na rin nag-abala pa si Chris na puntahan ako o katukin man lang para usisain kung nasa maayos akong kalagayan. Ano nga bang aasahan ko? Matapos ko siyang sampalin, malamang ay nagalit siya sa akin.

Kung makikita ko lang ang sarili ko sa salamin ay siguradong mukha na akong zombie dahil sa mugto at malalim kong mga mata. Bukod doon ay nangingitim pa ito. Wala pa akong nagiging maayos na tulog dahil sa dami ng iniisip ko---Ang pagkamatay ni Alfonso na nagpapaulit-ulit sa utak ko. Hanggang sa panaginip ko, siya at ang pagkamatay niya ang laman na tila ba pinapaalala sa akin na dapat ay kasama ko siyang lumubog sa barkong 'yon. Napakarami pa ring tanong sa isip ko na siguradong si Chris lang ang makakasagot pero paniniwalaan ko pa ba siya gayong inilihim niya sa akin ang matagal ko nang gustong alamin? Kung tatanungin ko siya, makasisiguro ba akong pawang katotohanan lang ang sasabihin niya?

Time Waits For No OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon