part 6 delubyo

130 1 0
                                    

Pauwi na kami ni inay sa aming bahay ng maulinigan namin na may nagkakagulo sa lugar namin. Bigla akong kinabahan. Ang mga kapitbahay namin ay hindi magkamayaw sa pagbuhat ng kani-kanilang mga kagamitan at kasabay nito ang unti-unting pagkapal ng usok na nagmumula sa mga kabahayan sa looban ng iskwater kung saan nakatirik ang aming barong barong.

“Inay…” nasambit ko na lamang.

“Ang bahay at gamit natin…” wika ni inay at bigla itong tumakbo papasok ng eskinita papunta sa bahay namin.

“Inay! Teka lang baka mapahamak kayo, ako na lang ang titingin, inay!” habol ko kay inay ngunit hindi nya ako pinakinggan at mabilis itong nawala sa paningin ko.

Natatakot na ako, hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko makita si inay, nabubunggo na ako ng mga taong nagmamadali na makalikas sa lugar namin.

“Anong nangyayari?” si ninang na nakasunod na pala sa akin.

“Ninang, may sunog mukhang malapit sa bahay namin, si inay pinuntahan nya ung bahay namin, tulungan nyo ako ninang pigilan natin si inay baka mapahamak sya,” maluha-luha kong pagmamakaawa sa ninang ko.

“Sige, dyan ka lang, huwag ka nang sumunod ako na ang bahala sa nanay mo,” at mabilis itong tumakbo sa daang papunta sa bahay namin.

Lalong lumalakas ang kabog ng dibdib ko sa bawat paglipas ng segundo na hindi ko nakikita sila inay. Hindi ko kakayanin na mapahamak sila, nagsimula nang dumaloy ang masaganang luha sa aking mga mata dahil sa isiping baka napahamak na sila inay. Maya-maya lamang ay dumating na ang mga bumbero at agad-agad na tinunton nila ang mga kabahayang tinutupok ng apoy ngunit hindi pa rin bumabalik si inay at si ninang. Sobrang takot na ang nararamdaman ko na lalo pang nadagdagan dahil sa ingay ng sirenang nagmumula sa truck ng bumbero at ambulansyang nakaabang upang iligtas ang mga biktima ng sunog, pakiramdaman ko kasi boses ng mga umiiyak at humihingi ng tulong ang sirenang naririnig ko. Hindi na ako mapakali, gusto ko nang puntahan sila inay bakit kasi antagal nila. Panay na panay na ang usal ko ng panalangin na huwag namang ipahintulot ng Diyos na mapahamak sila inay.

“Asan na kayo inay? Diyos ko iligtas nyo po sila inay, parang awa nyo na po!,” patuloy kong dasal.

 Patuloy lamang ang pagkapal ng usok na lumalabas sa eskinita namin ngunit wala pa rin sila inay. Ilang bumbero na rin ang naglalabas-masok upang dalhin sa ambulansya ang mga nabiktima ng sunog ngunit hindi pa rin lumilitaw sila inay kaya’t hinarang ko ang isa sa mga bumbero upang humingi ng tulong.

“Kuya, tulungan nyo po ako ang nanay at ninang ko po nasa looban pa pinuntahan po yung bahay namin!” pagmamakaawa ko sa bumbero.

“Saan ba ang bahay nyo?” tanong ni kuya.

“Dun po sa ikalawang eskinita sa kanan, parang awa nyo na iligtas nyo po ang nanay at ninang ko,” wika ko.

“Sige, sige, dyan ka lang, huwag mo nang subukang sumunod baka mas lalong makasagabal ka pa sa trabaho namin,” sabi nung bumbero.

“Opo, opo, dito lang po ako, salamat po!”

Umalis na yung bumbero at wala akong nagawa kundi ang maghintay at magdasal na sana’y ligtas sila. Matapos ang ilang minuto bumalik na ang bumbero at kasama nito si inay, napatakbo ako at niyakap ko ng mahigpit si inay, inakay ito ng bumbero sa ambulasya para daw mabigyan ng oxygen dahil sa nalanghap na usok sa sunog. Kinakausap ko si inay pero tulala ito, pinunasan ko ng dala kong panyo ang mukha ni inay na nangingitim dahil sa usok at alikabok nang bigla kong maalala si ninang.

“Inay si ninang? Nasaaan po si ninang?” ngunit  hindi pa rin sumasagot si inay.

“Kuya asan po ang ninang ko, kasama po sya ni inay?” binalingan ko si kuyang bumbero pero tumingin lang sa akin ito na wari’y inaalala kung may kasama nga ba si inay kanina, nataranta ako, hindi pedeng wala si ninang.

“Ninang! Ninang!” nagpalinga-linga ako upang hanapin sya.

“Nandito ako Ellaine.” narinig ko mula sa may likod ko. Nakahinga ako ng maluwag ng marinig ko ang tinig ni ninang Annie, nakita ko itong papalapit na akay akay ng isa pang bumbero, uubo-ubo ito dahil sa nalanghap na usok mula sa sunog.

“Ninang! Niyakap ko rin si ninang. “Buti ligtas kayo ni inay, salamat sa Diyos! Hindi ko alam gagawin kung napahamak kayo ni inay,” naiiyak na naman ako pero dahil sa sobrang kasiyahan naman sa pagkakataong ito.

“Salamat nga at dumating yung mga bumbero, at yang nanay mo ayaw matinag ang tigas ng ulo sabing iwan na yung bahay nyo e at wala na namang masasagip doon at tupok na tupok na nga,” paliwanag nito.

Nagkukwento pa si ninang kung anong nangyari sa kanila at kung paano sila nasagip ng mga bumbero bago pa sila tuluyang ma-suffocate nang biglang makarinig kami ng impit na iyak, si inay pala. Nilapitan namin si inay at pinakalma ngunit ang impit na pag-iyak ni inay ay unti-unting lumalakas hanggang tuluyan na nga itong humagulgol. Sa bawat pagpatak ng luha ni inay damang-dama ko ang panlulumo, panghihinayang, takot at hinagpis sa nangyaring delubyo sa buhay namin. Sino nga bang hindi manlalambot sa nangyari, sabi nga sa kasabihan, MANAKAWAN KA NA HUWAG LAMANG MASUNUGAN. Ano na nga kayang kapalaran ang naghihintay sa amin ngayon. Kung bakit naman kasi sa amin pa nangyari ang ganito, sa amin na bumubuno ng maraming taon bago makapundar ng mga gamit at kasangkapan sa bahay. Sa amin na may mangilan-ngilan lamang na maituturing na yaman, yamang sa mga mayayaman ay basura lamang ang mga luma at sira-sirang mga kagamitan at kasangkapan. Ganon pa man hindi ito ang magpapabagsak sa akin, sa amin ni inay. Nilamon man ng apoy ang aming bahay at mga kagamitan hindi nito matutupok ang pangarap ko, ang ambisyon ko. Ang mahalaga ay ligtas kami at buhay.

“Inay tahan na po, huwag nyo na pong isipin ang nangyari ang mahalaga ligtas tayo,” alo ko kay inay.

“Oo nga Lani, tama ang anak mo, mabuti at walang nangyaring masama sa inyo… sa atin…” dagdag ni ninang.

“Makakaraos din tayo inay, sabi nyo nga po may awa ang Diyos, at saka hayaan nyo yung bahay natin kasi pag nakatapos ako ng pag-aaral ibibili ko kayo ng maganda at malaking bahay, yung hindi madaling masunog,” pilit kong pinasigla ang boses ko ngunit lalong humagulgol si inay.

Hinagod-hagod namin ang likod ni inay upang kumalma. Inabutan naman ng isang nurse si inay ng tubig upang mahimasmasan ito kahit papano. Nang medyo kumalma si inay ay nagsalita  ito.

“Ellaine, pano mo pa maitutuloy ang pag-aaral mo, yung perang itinatago ko sa bahay natin natupok na ng apoy,” hihikbi hikbing wika ni inay. Kaya naman pala nagpupumilit si inay na mapuntahan agad ang bahay namin ay dahil sa perang itinatabi nya para sa pag-aaral ko.

“Inay naman, mapapalitan din natin yung perang yun pero ang buhay nyo hindi na natin maibabalik kung napahamak kayo sa sunog,” paliwanag ko kay inay.

“Pasensya ka na anak, ang gusto ko lang naman masuportahan ang pag-aaral mo sa abot ng makakaya ko,” sabi ni inay.

“Sobra sobra na po ang suportang ibinibigay nyo sa akin inay, sapat na po iyon, huwag po kayong mag-alala makakagawa rin tayo ng paraan para makapag-aral ako,” at niyakap ko ng mahigpit si inay para ipadama sa kanya na magiging maayos din ang lahat.

Si ninang naman, naluluha-luha habang pinapanood kami ni inay.

“Huwag kayong mag-alala kapag medyo makaluluwag ako pangako tutulungan ko kayo,” sabi ni ninang.

“Salamat po ng marami ninang,” sabi ko na lamang dahil alam ko naman na gaya namin ay magpapanibagong bangon din si ninang dahil kabilang din ang bahay nya sa mga natupok ng apoy, nga lamang ay hindi na niya masyadong inintindi dahil nga siguro alam nya na wala na rin syang magagawa para sagipin ang ilang kagamitang naiwan sa bahay nya at pinili na lamang tulungang sagipin si inay na nagpupumilit na balikan ang ilang gamit at perang naiwan sa bahay. 

Seriously In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon