Sa lahat ng ayoko, 'yong biglang gigisingin ako sa isang napakahimbing na tulog. Masyadong pang maaga para pumasok, kaya bakit ang lakas ng tunog ng phone ko?
Pagtingin ko sa orasan na nakasabit sa pader ko, 12:43 a.m. pa lang.
Hindi ko na tiningnan 'yong phone ko kung sino 'yong tumatawag. Naaasar lang ako dahil sa lakas ng pag-vibrate at lakas ng ringtone. Mas nakakaasar na hindi sumusuko ang caller.
Isa lang naman 'yong alam kong gagawa nito. Pero hindi naman na kami. Impusibleng si Wayne 'tong tumatawag.
Ano bang rason at—okey fine. Nakarinig na ako ng sigaw ng nanay ko na sagutin ko 'yong phone. May magagawa ba ako?
Isang inaantok na boses ang binigay ko do'n sa kausap ko nang malaman niya kung gaano niya ko inistorbo sa tulog ko. "Hello."
"CJ . . ."
Napaangat ako bigla sa kama. Shit, si Wayne nga. Paano niya nalaman 'yong bagong number ko, e, hindi ko naman—
"CJ . . ."
Nagulat ako nang parang umiiyak 'yong boses niya. Anong nangyari? "Uy, Wayne, ayos ka lang?"
Tama yan, CJ. Magkunwari kang kaibigan na lang ang tingin mo sa kanya, sabi ko sa sarili ko. Tutal, sa phone lang naman.
"CJ . . ."
Puro pangalan niya ang binabanggit ko habang umiiyak. Wala tuloy akong maintindihan sa mga nangyayari. "Uy, ano ba? Sumagot ka nga nang maayos. Anong problema?"
"Si . . . Cara kasi."
Tama 'yan, isip-isip ko. Pag nagkaproblema kayo ng bago mong girlfriend, puntahan mo 'yong ex mo at baka sakaling matulungan ka niya.
"Bakit?"
Sumasakit 'yong dibdib ko, hindi dahil sa tinawagan niya ako dahil nag-away yata sila ni Cara kundi dahil . . . umiiyak siya. Once ko pa lang 'to pinaiyak—no'ng hindi ko sinasadyang paghintayin siya nang matagal. At pagkatapos no'n, hindi ko na inulit.
At heto. Napaiyak siya agad ni Cara. Wala pa nga silang limang buwan.
"Gusto . . . gusto raw niyang makipag-break."
Sinubukan kong kumalma. Pero parang hindi ko kinaya. Utang na loob. 'Yong taong hindi ko mapakawalan, ang dali lang pakawalan ng iba. Kung puwede ko lang siya bawiin nang gano'n lang, ginawa ko na.
"Bakit? Anong away ba 'yan? Ba't kayo biglang—"
"Magkausap kami kanina tapos ewan ko. Biglang nagkalabuan." Tumahimik si Wayne saglit bago tinuloy, "Sorry, inistorbo kita."
"Ano ka ba, Wayne? Ano nga 'yong problema n'yo?"
"Nag-away kami dahil sabi niya na-i-insecure daw siya . . . sa 'yo."
Sa akin? Na-i-insecure si Cara sa akin? Hindi ba dapat ako ang ma-insecure sa kanya? "Hindi ako makakita ng rason kung bakit. E, di ba, pinagpalit mo nga ako sa kanya? So bakit kayo nag-away? Dahil tumahimik ka lang at di ka kumilos?"
"Ang sabi ko lang, 'wag siya ma-insecure. Ni hindi nga niya sinasabi kung bakit. Ang sabi ko 'wag na lang siyang mag-isip ng gano'n."
"Alam mo, sa mga sinabi mo, parang never ka pang nagka-girlfriend."
Tumahimik na naman siya. Pero totoo naman. "Bakit hindi mo sinabi na 'wag siyang ma-insecure dahil siya 'yong mahal mo at hindi na ako? Bakit hindi mo sinabi na siya 'yong pinakamaganda sa paningin mo at wala ng iba? Bakit hindi mo sinabi 'yong mga sinasabi mo sa kin dati?"

BINABASA MO ANG
This Is Not a Love Story
Teen FictionSometimes, endings happen first. You have been warned.