Sa pagpapalit ng gabi at liwanag, maraming kalalakihan na ang makikita sa malawak na bakuran ng palasyo. Nasa ilang daan ang bilang ng mga ito, ngunit mas lamang ang mga kalalakihang kaedaran o hindi naman kaya ay mas matanda sa akin ng siguro'y dalawang taon. Mayroon silang sari-sariling mga dalang armas katulad ng mga espada, pana, sibat at palakol. Mga tila ligaw na hayop na handang patayin ang kanilang kapwa upang umangat sa estadong mayroon sila.
Tumikhim nang malakas si Ama, hudyat upang tumahimik ang mga dumalo sa paligsahang kaniyang inihayag kagabi.
"Bilang simula ng paligsahan, akin munang inaatasan ang lahat upang makinig sa aking mga sasabihin." Simula ni Ama.
Palihim akong humikab dahil sa kakulangan ng tulog. Hindi ko inaasahang kasama pala ako sa marapat na dumalo rito.
"Ang unang bahagi ng paligsahan ay kailangan ninyong matamaan ang pulang bahagi ng mga punong iyon" aniya at itinuro niya ang mga punong tinutukoy na ilang milya ang layo sa aming kinatatayuan. Mayroong taong nagbabantay roon na siyang mag sasaad kung tumama ang kanilang mga palaso sa tinutukoy na marka.
"Mayroon kaming inihandang mga palaso at pana para sa mga walang dala. Mayroon kayong isang buong araw upang tapusin ang unang bahagi ng paligsahan. Tatlong palaso sa bawat kalahok. Isang tama sa marka ay maaari nang bumalik bukas, parehas na oras na siyang inihayag kagabi upang gawin ang ikalawang bahagi"
Pansin ko ang bahagyang paniningkit ng mga mata ng ilang kalahok, tila tinatanaw ang tinutukoy na bagay. Ang iba nama'y malawak ang mga ngising naka ukit sa kanilang mga labi, tila sinasabing baliwala lamang ang mga iyon sa kakayahang mayroon sila.
"Reiazen" bigkas ni Ama sa aking pangalan. Tumingin ako sa seryoso nitong mukha. Samantalang ang kaniyang kanang kamay ay mayroong iniabot sa aking isang palaso't pana, na mabigat sa loob kong tinanggap.
"Ipakita mo sa kanila ang nais nilang makaisang dibdib" hayag nito.
Bahagya kong iniikot ang aking mata sa paraang hindi niya makikita. Lumakad ako palapit sa guhit na inilagay, kung saan ang magiging simula ng pag asinta.
Mahigpit kong hinawakan ang pana sa aking kaliwang kamay. Inilagay ko ang kutab ng palaso sa pisi ng pana. Buong lakas ko iyong hinila gamit ang dalawa kong daliri't inasinta sa pulang tinutukoy ni Ama. Ipinikit ko naman ang aking kaliwang mata at bahagyang iniangat ang direksyon ng palaso, na kung saan sakto lamang itong babagsak sa kailangan kong asintahin.
Nang masigurado ko ang angulo, binitawan ng aking dalawang daliri ang palaso, dahilan upang lumipad iyon paitaas at ilang segundo lamang ay bumagsak ito sa puno na siyang aking pakay.
Itinaas ng bantay ang pulang tela, indikasyon na tumama iyon sa hinihinging lokasyon ni Ama.
Rinig ko ang pag singhap ng mga nakasaksi. Mangha't pagkagulat ang mababakas sa kanilang mga mukha.
"Ang ginawa ng aking anak ang nais kong masaksihan mula sa inyo. Ano mang uri ng pandaraya ay hindi makakaligtas at bukod pa roon, may kaukulan itong parusa. Gawin ninyo ang inyong makakaya. Maaari na kayong mag simula " saad ni Ama. Kinuha muli sa akin ng kaniyang kanang kamay ang panang aking ginamit.
"Reiazen" muling tawag niya sa akin.
Pormal akong tumingin kay Ama na hindi makikitaan ng galak sa kaniyang bughaw na mga mata.
"Hindi ko nagustuhan ang biglaan mong pag alis sa pagdiriwang kagabi"
Tago ang pag ka uyam kong pumikit at huminga muna ng malalim. Hindi ko rin nagugustuhan ang pagdidikta at pagma-manipula niya sa akin, subalit wala akong karapatang sabihin iyon dahil sa siya ang aking Ama.
"Patawad. Hindi na muling mauulit" aking tanging naging tugon.
"Mabuti. Maaari ka nang bumalik sa iyong silid" mahihimigan ng otoridad ang kaniyang tinig.
Dagli akong tumugon sa kaniyang utos at mabibigat ang aking hakbang na tumungo papasok sa palasyo.
Simula nang namayapa si Ina ay nagsimula naring manipulahin ni Ama ang mga tao sa kaniyang paligid. Tila tingin niya sa mga ito ay piraso lamang ng laruan na kayang kaya niyang sirain at paikutin sa kaniyang palad. Isa siyang halimaw na nagbabalat-kayo bilang tao.
Pati ang pagkamatay ni Ina ay alam kong may kinalaman siya, subalit itinikom ko ang aking bibig sa kadahilanang wala akong patunay sa paratang na aking iniisip.
Pagkapasok ko sa palasyo ay bahagyang yumukod ang mga katiwala't nagbigay bati ang mga ito, ngunit hindi ko na iyon tinugunan at binigyang pansin sa kadahilanang nagpupuyos ang aking damdamin.
Mabibigat ang hakbang kong tinungo ang aking silid at ikinandado iyon nang ako'y makapasok.
Hindi ko na nagugustuhan ang nagiging takbo ng aking buhay rito sa palasyo. Hindi ko nagustohan ang paghahanap niya ng lalaking aking magiging nobyo't mapapangasawa. Siya ang may kagustuhan niyon kaya marapat lamang na siya ang mag pakasal sa mapipili niya, hindi ba?
Ni kailanman ay hindi sumagi sa aking isipan ang magkaroon ng kasintahan.
Sa murang edad ay namulat na ako sa katotohanang ang buhay ng isang maharlika ay nakadikit lamang sa apelyidong kanilang gamit. Ang lahat ng kanilang mga nararamdaman ay hindi dalisay at binabase lamang sa kapangyarihang kanilang makakamtan sa oras na kanilang maka-isang dibdib ang mayroong mataas na katungkulan.
At isa na roon si Ama.
Pinakasalan niya lamang si Ina sapagkat ito ang nag iisang anak ng Reyna at Hari. Isa lamang Duke si Ama, isang baitang ang baba kay Ina. Pag ibig ni Ina si Ama ngunit hindi ganoon ang nararamdaman ni Ama para kay Ina.
Sa labing walong taon kong kasama si Ama, kita ko sa kaniyang mga mata ang pag mamahal, hindi para kay Ina, kung hindi sa posisyong kaniyang nakuha sa monarkiya.
Nang pumanaw ang magulang ni Ina, silang dalawa ang pumalit sa posisyon ng mga ito at doon lumabas ang tunay na kulay ni Ama. Patago man ang kaniyang kilos, alam kong may mga mali siyang ginagawa na hindi alam ni Ina.
Noong ako'y tumuntong ng labing tatlong taong gulang, sa hindi malamang dahilan ay binawian ng buhay si Ina at ni luha ay hindi tumulo sa mga mata ni Ama, sa halip, nakangiti ito, tila nagwagi sa isang larong siya lamang ang naka-aalam.
Sinindihan ko ang kandila sa lamparang nasa aking mesa at kinuha ang aking talaarawan. Umupo ako sa silya't binuksan ang selyo ng tinta at idinampi doon ang aking pluma.
"Ang pag ibig na nararamdaman ay isa lamang panlinlang. Isa itong harayang kailanman ay hindi mapapatunayan lalo na't nakalakip sa 'pag-ibig' na iyon ang kapangyarihan makakamtan."
Sa huling paglapat ng pluma sa aking talaarawan, ay tila naglaho ang kaninang poot na aking nararamdaman.
Pagsusulat ang aking naging sandalan magmula nang mawala si Ina. Nailalabas ko ang lahat ng aking hinaing gamit ang pluma at ang papel ang aking naging tagapakinig.
Subalit hindi na ito sapat sa akin.
Hindi maaring magkulong na lamang ako rito.
Hindi ko hahayaang maging selda ko ang palasyo.
Kailangan kong umalis.
Kailangan kong tumakas.
Sapagkat, sa oras na matapos ang paligsahan, ilang araw magmula ngayon ay habang buhay na akong nakagapos.
Hindi ko hahayaang hawakan ako sa leeg ni Ama at paikutin sa kaniyang palad.
Hindi ito ang sinasabi niyang ganap at maayos na buhay dahil kahit kailan, hindi niya napunan ang pagmamahal na aming hinahangad ni Ina mula sa kaniya.
Isang talimuwang lamang ang kaniyang ipinakita sa amin na kahit kailan ay hindi ako malilinlang.

BINABASA MO ANG
The King's Daughter (Completed)
Fantasy"Noong unang kita ko pa lamang sa iyo'y batid ko nang gulo ang hatid mo sa aking pagkatao, at totoo nga ang iniisip ko. Ngunit wala sa aking hinuhang aabot tayo sa ganitong gagamitin ang kapangyarihang naka dikit sa ating mga pangalan upang matigil...