𝒫𝒶𝒽𝒾𝓃𝒶 20

5.2K 471 146
                                    

Mabibigat ang hiningang pinakawalan ni Reiazen sa bawat paghakbang na ginagawa niya pababa sa unang palapag ng palasyo, habang nasa likuran niya ang ilang kawal upang sundan siya.

Ang ibang kawal na kanilang nadaraanan ay tila natitigilan din dahil sa hindi nila alam kung kanino ba sila papanig. Sa lehitimong dugong bughaw ba o sa Ama nito na isa lamang sa may mababang antas sa monarkiya noon.

Ngunit sa huli ay pinili na lamang nila ang panig ng Prinsesa at sumabay sa mga ito sa paglalakad patungo sa Ama nito na prente lamang na nakaupo sa tronong hindi nararapat sa kaniya.

Ilang metro ang layo ni Reiazen sa kaniyang Ama nang tumigil ito sa paglalakad at buong tapang na hinarap ang lalaking sumira sa inaasam niyang perpektong pamilya.

Ilang oras narin ang nasayang dahil sa naging ingkwentro nila ng hangal na kapatid nito na ngayo'y walang buhay na naiwan sa pinto ng kaniyang silid, at alam niyang naipabatid na ito sa Hari.

Nang makita siya ng Hari sa harapan nito ay ikinumpas nito ang kamay, dahilan upang itutok sa kaniya ng mga katabing kawal ng hari ang mga armas nito. Gagawin din sana iyon ng mga kawal na kaniyang taga sunod sa Hari ngunit mabilis niya itong pinigilan. Humakbang siya ng isang beses at itinutok ang baril na kaniyang dala, direkta sa dibdib ng tusong kaharap.

Ang mabangis na hayop na nagbabalat-kayo bilang tao.

Naituro ni Harsel sa kaniya na walang laban ang pang malapitang armas sa baril dahil kaya nitong kumitil nang hindi nilalapat ang daliri sa kaniyang kalaban, at sa lagay na ito ay malaki ang kaniyang lamang laban dito.

"Rezandro" usal niya.

Ito ang unang beses na tinawag niya ito sa pangalan at kahit katiting na emosyon ay hindi matitinigan sa kaniyang boses.

Tumayo ang Hari sa pagkakaupo nito. Ang kapang nakadikit sa suot na magarang damit ay bahagya nitong hinawi.

"Wala sa hinuha ko na ang sarili kong anak ang kakalaban sa akin" matigas na turan nito at tulad ng pinapakita ng dalaga sa kaniya, hindi rin mababanagan ng kahit anong emosyon ang mukha ng Hari.

Kung titignan, tila rito namana ng Prinsesa ang kawalan niya ng emosyon na para bang hinubog siya sa gano'ng anyo ngunit hindi. Ang totoo niyan ay isa parin siyang paslit na pilit nagkukubli sa maskara ng isang palalong Prinsesa.

"Nakakasuklam" saad ni Reiazen. Nag igting ang panga nito at humigpit ang pagkakahawak sa kaniyang armas. "Nakakasuklam na matawag mo bilang iyong anak. Ang huwad na tulad mo ay hindi nararapat sa palasyong ito."

Hindi mawari ni Reiazen ang kaniyang nararamdaman. Ang kaninang kalmadong sistema niya ay tila unti unting may dumadaloy na init na kung hindi niya iyon mailalabas ay para siyang sasabog.

Ang mga emosyong matagal niyang kinimkim ay umuusbong, ngunit tila mas nangibabaw sa mga iyon ang galit; Galit para sa kinilalang Ama; Galit sa lahat ng ginawa nito sa kaniyang pamilya.

Natigilan ang Hari sa kaniyang tinuran.

Ang mga saksing kawal at mga katiwalang nasa bulwagan ay napatingin sa gawi ng Hari. May pagtataka sa mga mukha nito, tila pilit iniintindi ang gustong ipabatid ng Prinsesa.

Sukat doon ay unti unti nang makikitaan ng takot ang mukha ng huli habang si Reiazen nama'y may ngising kumukurba sa kaniyang labi.

"Anong ibig mong sabihin? Hindi mo ba alam na ang pagpaparatang sa tulad kong Hari ay isang kalapastanganan?!" Sigaw nito. Kita ang pag guhit ng ugat nito sa kaniyang sintido.

"Paratang?!" Ulit ng dalaga "Paratang mo rin bang ituring kung sasabihin ko na ikaw ang nagpapatay kay Ina?!"

Ang kaninang kawal na nasa tabi ng hari ay unti unting umikot. Ang kanilang mga armas na kanina'y nakatutok sa Prinsesa ay ngayo'y nakaharap na mismo sa kaniya.

The King's Daughter (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon