Inilibot ko ang aking paningin sa silid na tinutuluyan ni Katherine. Kulay bughaw ang pader nito at mayroong ding sariling palikuran tulad ng sa palasyo, subalit may kaliitan naman ang silid na ito kumpara sa dati kong kwarto.
May iba't ibang larawan din ang nakapaskil sa kaniyang pader; Mayroon din siyang sariling mesa at nakapatong doon ang isang lalagyan ng mga pluma at iba pang uri nito na yari sa kahoy at tila isang salaming pluma ngunit magaan ito kumpara roon.
Mayroon ding nakapatong doon na parihabang bagay na yari rin sa kahoy at sa harap nito ay salamin upang bigyan seguridad ang nasa loob na larawan nito.
Napatigil ako sa pag susuri sa silid ng makita kong bumukas ang pinto at pumasok si Katherine. Mayroon siyang bitbit na almuwada sa kaniyang kanang kamay habang ang kaliwa naman niya ay ginamit niya upang isarado ang pinto at ikinandado iyon.
Napaayos ako nang pagkakaupo sa kaniyang kama at sinundan siya ng tingin habang palapit ito sa gawi ko't umupo sa aking harapan.
Niyakap niya ang almuwada at mataman siyang nakatingin sa akin, tila ako'y sinusuri.
Matapos kasi namin maghapunan ay pinapasok niya kaagad ako sa kaniyang silid dahil sa mayroon daw kaming pag uusapan. Wala man akong alam sa kaniyang nais sabihin ay mayroon din naman akong gustong ilahad sa kaniya. Mga katanungan na matagal na akong binabagabag.
"Sino ka?"
Ang tanong na iyon ang unang isinambit ng kaniyang labi. Mayroon sa pagkatao ko ang nadismaya roon dahil nasagot na kaagad ang unang katanungan ko at iyon ay kung nakikilala niya ba ako.
Pilit akong ngumiti sa kaniya at makailang ulit lumunok bago ko ito sagutin.
"Gail. Ang ngalan ko ay Gail" paglalahad ko sa pangalang nakasanayan niyang itawag sa akin, nagbabakasakali na kahit sa pangalan ko man lamang ay kaniya niya akong maalala.
Marahan siyang tumango at ginantihan ang tipid kong ngiti.
"Anong ibig mong sabihin pala kanina? Bakit mo sinabing Prinsesa ka?"
Sandali kong itinikom ang aking bibig sa sunod na tanong na iyon, may pagdadalawang isip kung sasagutin ko ba ito o magsisinungaling na nga lamang ba ako.
Ngunit pinili ko ang huli.
"Nagbibiro lamang ako sa tinuran kong iyon, Katherine" dahilan ko. "Ang totoo niyan ay---"
"Bakit mo ako kilala?" Mabilis niyang putol sa aking sasabihin. "Sa pagkakatanda ko ay hindi ko nasabi ang pangalan ko sa iyo mula pa kanina"
Nagpakawala ako ng malalim na hininga at napailing na lamang. Hindi ko pala kaya ang mag sinungaling dahil nahuhuli niya ako sa aking sinasabi.
Ano ba ang marapat kong sabihin upang maniwala siya sa akin?
"Kailangan mo akong pagkatiwalaan, Katherine" tanging nasaad ko.
Bahagyang umarko muli ang kaniyang kilay at kumunot ang kaniyang noo.
"Bakit ko naman iyon gagawin?"
Sukat sa kaniyang tinuran ay hindi ko na napigilan ang aking sarili na tumawa. Napabalik sa aking isipan ang una naming pag uusap, kung saan ko sinabi ang eksaktong sinabi niya noon habang ang kaniyang sinagot naman ay ang aking sinagot din noon.
"Bakit ka ba tumatawa ha? May nakakatawa ba?" Tila siya'y naalibadbaran sa aking biglaang pagtawa.
Napatikom muli ang aking bibig sa kadahilanang hindi ko akalain na ganito ang ugali niya sa mundong ito. Malayo sa Katherine na aking nakilala ngunit inasahan ko narin iyon dahil gano'n din ang ugaling ipinakita ko sa kaniya noon.
BINABASA MO ANG
The King's Daughter (Completed)
Fantasy"Noong unang kita ko pa lamang sa iyo'y batid ko nang gulo ang hatid mo sa aking pagkatao, at totoo nga ang iniisip ko. Ngunit wala sa aking hinuhang aabot tayo sa ganitong gagamitin ang kapangyarihang naka dikit sa ating mga pangalan upang matigil...