𝒫𝒶𝒽𝒾𝓃𝒶 12

5.4K 428 28
                                    

Reiazen

Tila wala sa sarili kong pinagmamasdan ang larawang iginuhit ni Katherine (tulad ng pagpapakilala niya sa akin) sa piraso ng papel na kaniyang pinilas mula sa aking talaarawan na ngayo'y nasa aking palad. Maayos ang mga linyang nakaguhit sa papel, wala iyong bahid ng kahit anong dumi mula sa tinta; tila sanay siya sa ganitong gawain.

Noong ginuguhit niya ang bagay na nasa papel ay hindi ko mapigilang mamangha. Iyon ang unang beses kong makakilala ng tulad niyang maharlika na may ganoong talento ngunit, may bahagi sa aking isipan na naguguluhan parin sa tuwing naaalala ko ang kaniyang tinuran kanina.

Anong ibig niyang sabihin sa hindi Harsel ang tunay niyang pangalan at hindi siya ang anak ng Hari at Reyna ng kabilang bansa?

Noong una ko siyang nakita sa aking kaarawan ay wala akong ideya sa kaniyang katauhan ngunit, noong sinambit ang pangalan niya ng mga kawal na kaniyang bantay ay nalinawan din ako kung paano siya naka dalo sa pagtitipon na iyon. Isa rin siyang maharlika, ang bunsong anak ng matalik na kaibigan ni Ama.

Nakikita ko na ang prinsesa noon pang mga paslit pa lamang kami dahil hindi nawawala ang kanilang pamilya sa kaarawan idinaraos namin nina Ama, ngunit kahit na matalik na magkaibigan ang aming mga magulang ay hindi ko nagawang kaibiganin sila ng kaniyang kapatid na si Prinsipe Raphael.

Nang namatay si Ina ay hindi ko na nagawang lumabas pa sa aking silid lalo na sa tuwing sasapit ang aking kaarawan. Noong napilit ako ni Ama na muling ipagdiwang iyon, ay roon ko lang muli nakilala ang dalawa. Si Prinsipe Raphael na isa sa mga sumayaw sa akin at si Prinsesa Harsel na aking nabunggo.

Ang laki ng pinagbago nila kumpara sa mga paslit na nakilala ko noon, ngunit mas agaw pansin ang dalaga dahil sa kakaiba nitong ganda.

Kakaiba rin ito manalita o kumilos lalo na kanina noong magkausap kami. Tila walang pumipigil sa katauhan niya na ilabas ang nasa isip niya, malayo sa isang maharlikang itinutok sa pag-aaral ng tamang pagkilos, limitado ang bawat galaw at iisipin muna ang bawat salitang sasambitin.

Nang sabihin niya na pagkatiwalaan ko siya kapalit ng pagsasabi niya ng kaniyang tunay na pangalan ay labis akong naguluhan.

Maaari bang ibang tao ang nakilala ko noong paslit pa lamang ako? Masyadong malayo ang katauhan niya sa batang nakilala ko noon.

Ipinilig ko ang katanungan sa aking isipan at muling pinagtuunan ang aking hawak. Hindi parin ako makapaniwala na makakatuklas ako ng kakaibang larawan sa personal.

Kung tama ang aking pagkakaalala, tinawag niya itong baril, isang uri ng armas na maaari naming magamit sa oras na kailangan naming lumaban ngunit hindi niya ipinaliwanag kung paano ito gagamitin.

Naguguluhan man, ay inirolyo ko iyon kasama ang mala-mapa na iginuhit niya rin kanina at kinuha ang supot ng salaping ibinigay niya sa akin. Nang maalala ko kung saan niya iyon kinuha ay pakiramdam ko'y umiinit muli ang aking pisngi.

Muli kong ipinilig ang alaalang iyon paalis sa aking isipan. Isa iyong kabastusan para sa akin dahil tila may iniisip ako na hindi kaaya-aya.

Nang makuha ko na ang supot ng salaping kaniyang ibinigay, isinuot ko na ang balabal sa aking katawan at itinaklob ang pandong nito sa aking ulo.

Malalim narin ang gabi kaya nakasisiguro akong tulog na ang mag asawang kumopkop sa akin.

Dahil isang palapag lamang ang bahay, madali akong nakalabas sa bintana ng aking silid at tahimik ko ring isinarado iyon.

Nagpalinga-linga ako sa paligid at ibinuklat ang mapang ibinigay niya sa akin. Tinignan ko iyon at lumingon sa aking kanan dahil pa-roon ang nasa larawan. Kinabisado ko ang buong detalye ng daan at ilang minuto lamang ay ibinalik ko iyon sa pagkakarolyo at itinago ang buo kong katawan sa balabal.

The King's Daughter (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon