00-01

4.1K 92 2
                                    

“Tania, lumabas ka naman ng kwarto mo. Nagmistula ka nang demonyo, anak. Tignan mo nga 'tong kwarto mo, oh? Napakadilim na, Diyos ko,” pagpupuna ni Mama habang halos lahat na ng gamit ko ay hinawakan niya. Padabog pa niyang pinupulot 'yung mga gamit ko na nasa sahig. Hindi naman ganun kakalat 'yung kwarto ko, nagkataon lang talaga na may mga gamit sa sahig ko dahil may hinanap ako kanina.

“Maaaaaa—” agad kong sigaw kasabay ng pagtakip sa mga mata ko nung bigla niyang hawiin 'yung kurtina sa nakabukas kong bintana. Napakaliwanag, ang sakit sa mata.

“Anong Ma!? Araw lang 'yan, ano ba?”

“Nakakasilaw lang po kasi naman, Ma—hindi mo na po sana hinawi pa 'yung kurtina.” Agad akong sumimangot kay Mama pero inirapan niya lang ako, minsan tuloy naiisip ko na agad na sa kaniya talaga nagmana ang kapatid ko.

“Ako Tania, tigil tigilan mo, ha? Hindi mo 'yan isasara buong maghapon, bumaba ka na maya maya at kakain na.” Tinalikuran na niya ako saka nag-umpisang maglakad. Sinundan ko lang siya ng tingin habang nakasimangot, napakunot-nuo nalang ako nung tumigil siya at humarap sa'kin.

“Naiintindihan mo ba 'ko, Tania?”

“Ano na naman po ba 'yun, Ma?” pamaktol kong sambit habang magkasalubong pa ang mga kilay ko.

“Hindi mo isasara 'yang bintana mo buong araw, mamayang gabi mo pa pwedeng isara 'yan. Nagkakaintindihan tayo?” Napatitig na lang ako kay Mama habang pwede ng sabitan nang kaldero ang nguso ko. Tinitignan ko lang kasi kung seryoso ba siya sa sinabi niya.

“Aba, Tania. Seryoso ako, huwag mo 'kong subukan.” Napasampal nalang ako sa mukha dahil sa inis, tila kasi nababasa ni Mama ang nasa isip ko ayy. Nakakainis.

“Oo na po, Ma. Pakisara nalang po ng pinto.”

“Bumaba ka para sa tanghalian.”

“Opo.” Pagkasara ni Mama ng pinto, inikot kong kaagad 'yung upuan ko para harapin 'yung ginuguhit ko. Mga ilang minuto ko rin sigurong tinitigan 'yun saka ako napabuntong hininga. “Bakit ba kita pinag-aaksayahan ng oras? Panigurado namang hindi mo 'to mapapansin.” Napabuntong hininga nalang akong ulit saka ko iyon iniligpit pansamantala, mahirap na't baka pumasok 'yung kapatid ko at pagtripan na naman niya ang gawa ko.

***********

“Hi, Tania.” Napabaling agad ako ng tingin saka ko tinignan ng masama 'yung kapatid ko na prenteng nakaupo sa sofa. Agad ko rin siya'ng inirapan nung ngitian pa niya 'ko.

“MAMAAAAA—! SI TIFFANY, HINDI NA NAMAN AKO TINATAWAG NA ATE!” sigaw ko kay Mama na nasa kusina lang. Tinignan ko lang ulit ng masama si Tiffany saka ko siya binato ng unan matapos niya akong tawanan.

Napakabwisit.

“Magpunta na nga kayong dalawa dito at kakain na,” agad na sagot ni Mama pero bago ako tuluyang pumunta sa kusina, binato kong ulit ng unan sa mukha si Tiffany sa sobrang inis. Napakabwisit na bata.

“MAMAAAAA—SI ATE NAGKAKALAT NA NAMAN NG MGA UNAN!!! HINDI KO 'TO AAYUSIN!”

“Tignan mo?! Tapos ngayon tatawagin mo 'kong ate?!” sigaw ko habang nakaturo pa sa kaniya 'yung hintuturo ko. Ewan ko ba pero pinakukulo talaga niya lagi 'yung dugo ko, pero mahal ko naman ang kapatid ko, nakakasura lang talaga siya paminsan. Bago pa siya tuluyang pumasok ng kusina e' bahagya niya akong binangga kaya nahila ko tuloy 'yung buhok niya. Nakita ni Mama 'yun kaya parehas tuloy kaming natuktukan ng sandok sa ulo.

Naglagay na 'ko ng plato sa lamesa habang si Tiffany naman ay naglalagay na ng tubig. Hindi naman kami mayaman pero kontento kami. Ang Papa ko ay isang sales manager sa isang Mall sa may Manila habang si Mama naman, tamang work from home lang. Nagtu-tutor siya ng English sa mga foreigner na estudyante niya online. Si Tiffany naman, napaka-talented na bata. Palagi siya'ng nakakakuha ng parangal, total opposite nga kami ni Tef, pero hindi pagdating sa academic. Pagdating kasi sa bagay na 'yun, halos pantay lang naman kami, pero 'di gaya niya, hindi ako sumasali sa mga kung ano.

“Ay Mama, may papapirmahan pala ako sa'yo. Pinadala po 'yun ni teacher, para daw po 'yun sa camping namin next week.”

“Aalis ka?” tanong ko. Hindi naman bago 'yon, madalas talaga siya'ng umaalis dahil sa mga outdoor activities niya sa school.

“Yes, ATE. Matatahimik ang buhay mo ng mga tatlong araw. Hindi na masama, 'di ba?”

“Mama nakita mo 'yan? Tila labag sa loob niya ang pagbigkas ng Ate,” iritang saad ko saka siya inirapan. Dinilaan lang niya ako dahil tila wala namang pake si Mama-nasanay nalang siguro siya na lagi kaming nagtatalo ni Tiffany.

“Ikaw ba, Tania? Wala ka bang ganap sa school niyo?”

“Ako po? Wala naman po, bakit?”

“Mama, tingin ko hindi na pumapasok 'yan si ATE kaya ganiyan.”

“Gusto mo 'kong samahan sa school?” Tinignan ko siya ng masama pero dinilaan niya lang ako at nagmake-face pa.

“Manahimik ka nga muna Tiffany, nag uusap kami ng ate mo,” saway sa kaniya ni Mama. Agad tuloy'ng lumawak 'yung ngiti ko saka siya inasar. Siya naman tuloy ang nakatitig ng masama sa'kin ngayon, hindi ko tuloy maiwasang matawa.

“Nabanggit kasi ni Sabrina na in-offer ka raw niya na maging pasyente sa darating na NSED niyo, bakit mo tinanggihan?” saad ni Mama na nagpatigil sa tawa ko. Napayuko na lang ako saka itinuon sa pagkain ang atensyon ko.

“Mama, nakakahiya naman po kase 'yun. Darating 'yung mga taga munisipyo doon para mag-observe, ayoko po. Mamaya niyan, mabulyaso pa lalo sila. Madami ring estudyante ang makakakita sa'kin kung nagkataon, ayy,” mahinang saad ko, sapat na para marinig nila. Ayaw ko sana na pinag-uusapan pa 'yung mga ganung bagay kapag nasa hapag kainan.

“Sayang naman 'yon, makikita ka na sana sa dyaryo ng school niyo kung nagkataon.”

“Kaya nga po mas lalong ayoko, Ma...”

“Tania, paminsan kailangan mo ring lumabas d'yan sa comfort zone mo.”

“Mama, lumalabas naman po ako, sadyang ayaw ko lang nung in-offer nila.”

“Tania.”

“Ma, please...” mahinang saad ko saka napa buntong hininga. Mabilis kong inubos 'yung pagkain ko para na rin makatakas sa usapan. “Aakyat na po ako, Ma. Excuse me po.”

----------------

Forbidden [ Completed ] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon