If ever po na may kakilala kayong naghahanap ng account ni Sha_sha0808(Bobong author) o author ng Villafuerte, Lacson, Rodriguez, Bautista series, pakisabing wala na po at deleted na dahil sa mga nag-report.
Unedited...
"Ganito na lang, Heaven. Di ba big girl ka na, dapat marunong ka nang maghugas ng puwet, 'di ba?"
"Hindi siya marunong teacher," sabat ni Chris na sumunod kay White.
"Ganito na lang. Dahil ikaw naman ang madalas na nagsusumbong na nandito sa CR si Heaven, ikaw na ang maghugas ng puwet niya nang makagawa naman ako ng gawain sa classroom," sabi ni White dahil gumuguhit pa siya kanina nang tawagin na naman ni Chris.
"Ayaw ko po!" madiing tanggi ni Heaven na namumula ang magkabilang pisngi sa hiya.
"Okay lang po, teacher," pagpayag ni Chris. "Bestfriend ko naman siya."
"Ayaw ko! Marunong naman ako e."
"Marunong ka naman pala bakit pa ninyo ako tinatawag?"
"Si Chris lang naman po ang tumatawag e," ani Heaven. "Okay na po ako, teacher. Marunong na ako."
"Okay. Hayaan mo na si Heaven, Chris. Alam naman niya ang gagawin. Isa pa, bawal pala na ikaw maghugas dahil lalaki ka," sabi ni White at iniwan ang dalawa saka bumalik sa classroom.
May nakausap na siyang barangay health care worker para puntahan sina Heaven at mga kapitbahay nila para bigyan ng pampapurga. Napansin din kasi niyang malaki ang tiyan ng mga kapatid nito kahit na mga payat naman.
Malapit na siya sa classroom nang makitang nagtatawanan ang mga estudyante habang napapalibutan ang isang bata.
"Tingnan mo, dilaw na ang uniporme mo tapos sira pa ang tsinelas mo!" kantiyaw ng batang chubby kaya napakunot ang noo ni White nang makita si Ismael na napapalibutan nila.
"Ilongot ka! Ilongot ka! Ilongot!" sabay-sabay na kantiyaw ng mga bata.
"Unggoy mga ilongot, unggoy!" sigaw ng batang lalaki kaya dali-daling lumapit si White.
"Ano 'yan?" tanong ni White kaya nagsitakbuhan ang mga bata pabalik sa classroom nilang katabi lang ng classroom nina White.
Naiwan si Ismael na kinuha ang itinapon nilang tsinelas. Napatingin si White sa tsinelas ng pupil niya. Halatang napigtas ang sa kanan na tinahi lang ng alambre para magamit pa at sa dulo naman ay parehong may butas.
"Bakit hindi ka nagsasapatos?" tanong ni White."N—Nasira po noong umulan, teacher," nahihiyang sagot ni Ismael. "Wala pa kasi kaming pambili kaya itong kay kuya ang pinahiram niya para may maisuot ako."
"Ilongot ka?" tanong ni White.
"Opo," sagot ni Ismael. "H—Hindi naman po kami mga unggoy teacher."
BINABASA MO ANG
The Heart of Education (probinsya series 2)
RomanceMayaman, gwapo at maimpluwensya ang ama ng kanyang anak kaya hindi niya ipinaalam na nagbunga ang isang gabing pagkakamali nila. Sino ba naman siya para pakasalanan at tanggapin nito? Ordinaryong tao lang siya pero makakaligtas kaya siya kung sinund...