Isa akong newly hired na guro sa isang pampublikong paaralan ng sekondarya. Taong 2017 nang ako ay tuluyang naging ganap na public teacher dito sa Mindanao.Dahil bagong tanggap pa lang ay sa isang malayong probinsiya ako na-assign. At masyadong malayo ang bahay namin sa paaralang pinapasukan ko, ay napag-desisyunan kong umupa na lang ng bahay para makatipid at para na rin makaiwas sa late. Nagtingin-tingin ako sa mga bakanteng bahay na pwedeng upahan na malapit lang din sa eskwelahan. Nakahanap ako ng bahay na pwede kong upahan. Na sa tingin ko ang bumagay sa katulad kong mag-isa lang na titira. Hindi ito gaanong kalakihan ngunit, saktong-sakto ito para sa akin na wala namang kasama. Mayroon itong isang kwarto at banyo. Ang kusina at sala ay iisa lang. Pagpasok mo ay bubungad agad sayo ang maliit na espasyong nakalaan para sa sala. Sa gawing kanan nito ay matatagpuan ang pinto ng kwarto habang nasa kaliwa naman ang banyo, malapit lang sa kusina.
May kalumaan ang disenyo ng bahay. Halatang ilang henerasyon na ang nakasalamuha nito. Hindi ito sementado pero masasabi kong matibay pa naman ang bahay. Wala naman din akong dapat i-reklamo dahil mura lang naman ang upa.Isang gabi, alas-diyes y' media, ay pilit kong ginigising ang diwa ko dahil sa hinahabol kong deadline. Kasalukuyan kong tinatapos ang lesson plan na ginagawa ko. Pa-pikit-pikit na ang mga mata ko. Ang kamay ko'y pilit na nagsusulat ngunit ang diwa ko ay tila natutulog na. Dinampot ko ang basong nakapatong sa gawing kaliwa ng aking mesa ngunit napasimagot ako ng makitang ubos na nga pala ang kape ko. Sa aking pagka-dismaya ay napag-desisyunan kong umidlip muna kahit sampong minuto lang. Ngunit bago pa man ako tuluyang nakaidlip ay narinig ko ang pag-tunog ng isang gitara. Gusto kong tingnan ang kung sino man ang nagpapatugtog ngunit inunahan ako ng antok. “Sampong minuto lang,” bulong ko sa sarili ko. Ngunit ang hindi ko alam ay sa loob ng sampong minutong aking pag-idlip ay doon magsisimula ang mga kababalaghang aking mararanasan.
10:50 p.m., yan ang eksaktong oras nang tuluyan kong ipinatong ang aking ulo sa mesa, sa ibabaw mismo ng lesson plan na aking ginagawa upang umidlip kahit saglit lang. Ngunit maya-maya’y napa-kunot noo ako. Pilit kong ibinukas ang aking mga mata upang tingnan ang paligid. Patuloy parin ang pagtugtog ng gitara na aking narinig kanina. Ang ipinagtataka ko ay hindi naman gaano magkaka-lapit ang mga bahay dito kaya kung sakali mang kapit-bahay ko iyon ay bakit dito mismo malapit sa bahay ko siya magpapatugtog at sa ganitong oras pa? Pakiramdam ko’y may hindi tama. Bakit parang nasa tabi ko lang ang tumutugtog? Bakit parang ang lapit-lapit lang? Pero wala naman akong kasama kaya paano?
Nang masigurado kong wala sa loob ang nagpapatugtog ay minabuti kong silipin ang bintana na nasa harap ko lang. Pagbukas ko nito’y sinalubong ako ng malamig na simoy ng hangin. Dahil nasa probinsya ay kadiliman agad ang aking napuna. Hindi katulad sa city na napaka-liwanag parin kahit hating-gabi na.Patuloy ang pagtugtog ng gitara. Pamilyar ang musika, ngunit hindi ko maalala ang pamagat. Maganda ang pagka-tugtog at masasabi kong talentado ang kung sino man ang tumutugtog.
Dala narin ng kuryosidad, mula sa bintana ay sumilip ako sa labas, nagbabaka-sakaling baka makita ko ang tumutugtog. Hindi naman akong nabigo, dahil agad kong natanaw ang isang lalaking nakasandal sa puno ng mangga, na nasa gilid lang ng bahay ko. Napakunot-noo ako dahil ngayon ko lang napansin na may puno pala malapit sa bahay. Marahil ay masyado akong nakatuon sa pagtuturo, kaya kahit ang punong malapit sa bahay ay hindi ko napansin. Sabagay ay first month ko pa lang naman sa bahay na inuupahan ko. Mula sa bintana ko ay nasa bandang kaliwa ang punong mangga. Kaya pala pakiramdam ko’y napaka-lapit lang ng tumutugtog sa akin. Lihim ko siyang pinagmasdan. Isasara ko na sana ang bintana ng lingunin niya ako. “Naku, naistorbo ba kita?” Tanong niya. Hindi ko maaninag ang mukha niya dahil narin siguro sa kadiliman ng gabi. Tanging sinag ng buwan ang nagsisilbing ilaw sa labas ng gabing iyon. “Hindi naman. Na-curious lang ako kung sinong tumutugtog. Ikaw pala,” sagot ko saka siya tumayo at naglakad papunta sa’kin. Bigla tuloy akong kinabahan. Paano kung akyat-bahay pala siya at isa to sa mga modus nila para mapagbuksan.
Aktong isasara ko na sana ang bintana, ng unti-unti kong masilayan ang mukha niya. Biglang napalitan ang takot ko ng pagka-mangha. Hindi nga ako nagkamali. Matipuno talaga ang pangangatawan niya, matangkad din at may itsura din siya.
Nagpakilala siya sakin bilang si Cael, saka muling humingi ng pasensya dahil daw naistorbo niya ako. Hindi ko nagawang magpakilala dahil feeling ko sa mga oras na iyon ay nawalan ako ng boses. Ngunit maya-maya, habang nakatulala lang ako sakaniya ay nagulat na lang ako ng aktong hahawakan niya ang ulo ko. Aktong iilag sana ako, kaso bago ko pa man magawa iyon ay binawi niya yung kamay niya at ang mas ikinagulat ko ay may hawak na siyang bulaklak ng sampagita. Ewan pero feeling ko magic yung ginawa niya kasi wala naman siyang hawak na bulaklak kanina at tanging gitara lang.
“Para sayo. Panghingi ko ng depensa dahil naistorbo pa kita” yan yung sinabi niya habang inaabot niya sa’kin yung bulaklak. Wala sa sarili kong tinanggap ang bulaklak, na siyang nagpa-ngiti sakaniya. Pagkatapos no’n ay tahimik siyang umalis sa harap ko, saka naglakad palayo. Kasabay ng kaniyang paglayo ay ang pagsampal ng malamig na simoy ng hangin sakin. Sa lakas nito’y napa-pikit pa ako. Pagtingin ko sakaniya ay wala na siya.Naalimpungatan ako dahil sa lamig na nararamdaman ko. Pagmulat ko’y ang naka-bukas na bintana ang unang naka-agaw ng atensyon ko. Napatingin ako sa orasan na nasa mesa. Alas-onse na, eksaktong sampong minuto ang nakalipas. Pero paano? Paanong heto ako’t nakaupo? Ang pagkaka-alaala ko ay nakatayo ako sa harap ng bintana. Hindi ba’t kani-kanina lang ay kaharap ko pa si Cael? Nangunot ang noo ko dahil sa pagkalito. Ni hindi ko nga namalayang nakatulog ako. Naguguluhan ako. Hindi ako sigurado kung nanaginip lang ako o talagang nakita ko talaga si Cael. Napatingin ako sa salamin na nakapatong sa ibabaw ng mesa . Sa mukha ko ang sleeping marks na naidulot ng aking pag-idlip. Kung ganoon ay nakatulog nga ako. Kunot noo akong tumayo papunta sa bintana para isara ito. Muli ay sumilip ako sa labas mula sa bintana saka tiningnan ang punong-kahoy ng mangga, pero laking gulat ko dahil wala akong nakitang kahit isang puno doon. Wala ni isang punong nakatayo malapit sa bahay ko. Kung ganoon ay panaginip lang pala talaga iyon. Panaginip lang ang punong-kahoy ng manga na nakita ko at panaginip lang din si Cael.
Habang isinasara ko ang bintana ay muli akong nagtaka. Kung nanaginip lang talaga ako, paanong naka-bukas ang bintana? Hindi ko naman ugaling magbukas ng bintana lalo na sa ganitong oras. Ang napawing takot na naramdaman ko kanina ay unti-unting bumalik. Pakiramdam ko ay may mali talaga. Bago pa man ako tuluyang lamunin ng takot, ay isinara ko na ang bintana. Ngunit pagbalik ko sa mesa, upang sana ay ipag-patuloy ang lesson plan na ginagawa ko, ay unti-unting nanindig ang mga balahibo ko ng makita ang bulaklak ng sampaguita na nasa ibabaw ng mesa.
-Andrea
BINABASA MO ANG
Ghost Stories Compilation
RandomAng seryeng ito ay binubuo ng isaang daang kwentong kababalaghan, na hango sa FBpage Spookify. Kinolekta at ibinahagi dito sa Watpadd. Read, be scared and Enjoy! The English Stories for the latter chapters from FB group #DeadTimeStories and From FB...